Government Services

Rental subsidy ng QC LGU sa nasunugan sa NIA Road, hindi sapat – Pinoy Weekly

Rental subsidy ng QC LGU sa nasunugan sa NIA Road, hindi sapat – Pinoy Weekly


Umalma ang mga nasunugang residente ng NIA Road, Quezon City sa ipinamigay na kontrata sa paupa ng Quezon City Housing Community Development and Resettlement Department nitong Abril 10 na ‘di umano’y rental subsidy na ipinangako ng pamahalaang lokal.

Ayon sa mga residente, paliwanag ng awtoridad sa kanila na kinakailangan na pumirma ang mga may-ari ng kanilang inuupahan upang makuha nila ang rental subsidy. Katibayan anila ito na residente sila ng Barangay Pinyahan at karapat-dapat silang makatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Sinabi rin ng mga residente na humingi din ng tatlong kopya ng valid ID ang National Housing Authority para sa ng kanilang Emergency Housing Assistance Program (EHAP) na nagkakahalaga ng P20,000 noong natupok ang mga kabahayan sa NIA Road noong Marso 7, 2026 na nag-iwan sa mahigit 4,000 pamilya ng walang tirahan.

Nakatanggap din ng iba’t ibang tulong pinansiyal ang mga residente mula sa Department of Social Welfare and Development at pamahalaang lokal ng Quezon City. Kuwenta ng mga residente, aabot ng P60,000 ang kanilang natanggap na tulong mula sa gobyerno.

Ipinaliwanag sakanila noon ng EHAP sa kanilang mga residente na tulong pinansiyal ng gobyerno ang naturang programa para sa kanilang mga pamilya na mababa ang kinikita na may kabahayan na nasira dahil sa kalamidad.

Gayunpaman, iginiit ng pamahalaang lokal sa mga residente na kasama na ang rental subsidy sa kanilang natanggap na tulong sa EHAP sa pagsisimula ng demolisyon noong Abril 9, 2026 na naging sanhi ng karahasan sa pagitan ng mga residente at awtoridad.

“Ang sabi nila, nakakuha na kayo ng P60,000 para sa rental subsidy ninyo, bakit ‘di pa kayo umalis? Ang mga tao kasi, tumatak na sa isipan nila na hindi ‘yon rental subsidy, financial assistance ‘yon sa mga nasunugan. Siyempre ang mga tao, habang hindi pa ibinibigay ang ipinangako nila na rental subsidy na P36,000 nanatili muna sila dito,” kuwento ni isang residente na nakatanggap ng kontrata.

Ayon sa mga residente, ipinangako ng pamahalaang lokal na nakatakdang makatanggap ang mga residente ng rental subsidy noong Abril 18 ngunit dinahas na sila ng mga pulisya at sapilitang pinaalis nang hindi pa natatanggap ng naturang tulong.

Dagdag nila na kulang pa ang P60,000 na tulong kung susumahin ang mga ari-arian nila na nawala sa sunog. Anila, ilang buwan lang na upa ang ipinangangalandakang tulong ng pamahalaang lokal.

Tinatayang 4,000 na pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog. Dahil sa dami ng mga nawalan ng bahay, ilan lang ang nakalikas sa mga evacuation centers. Mayroong mungkahi na resettlement program ang pamahalaang lokal para sa kanila ngunit sa San Ildefonso, Bulacan pa ito, malayo sa kanilang kabuhayan sa Quezon City.

Umalma din ang mga residente sapagkat ibinigay lang sa kanila ng pulisya ang naturang kontrata na hindi ipinapaliwanag ang nilalaman nito. Dagdag pa dito, kinakailangan ding ipanotaryo ang naturang dokumento na dagdag-gastos sa mga residente na nawalan na ng kabuhayan at tirahan.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning