Makatarungang pagbabago para sa mga jeepney driver

March 22, 2023

Lumitaw na naman ang mga problemang kaakibat ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil sa nakaraang welga ng mga jeepney driver. Ilan sa mga problema ang kakulangan ng suportang pinansyal para sa mga tsuper na maaapektuhan ng programa at ang hindi accessible na pampublikong transportasyon dahil sa mga prangkisa at fleet management.

Nagsimula ang programa noong 2017, administrasyon pa ni Duterte, ngunit naantala ang implementasyon nang tumama ang pandemya. Ngayon, sa ilalim ng bagong administrasyon, tila mabilis ang paggulong ng PUVMP.

Kamakailan lang, isinabatas din ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA). Kita ring bida na sa development agenda ng mga international organization at financial institutions ang electric mobility.

Habang nakapag-adjust na sa ideyang ito ang pribadong sektor pati na ang mga polisiya ng pamahalaan, hindi pa nakasasabay ang mga operator at tsuper na nakadepende ang kabuhayan sa mga tradisyonal na jeep. Lalo lamang silang maiiwan kung ipatutupad ang PUVMP sa kasalukuyang porma nito.

Ang klima at mga electric na sasakyan

Tuloy-tuloy pa rin ang paglago ng transportation sector bilang isa sa mga sektor na pinakamalaki ang kontribusyon sa greenhouse gas (GHG) emissions. Matapos ang kasagsagan ng pandemya, mas mataas pangagailangan sa mga sasakyan ngayon. At kung hindi mapababa ang demand na ito, patuloy ang ating pagkonsumo ng fossil fuel at non-renewable energy sources na hindi maganda para sa klima.

Sa perspektiba ng climate change mitigation, kailangan talagang mabawasan ang carbon emissions kung nais nating mapigilan ang irreversible na global warming na magdadala naman ng extreme climate at slow onset events. Isang paraan na nakikita upang mapagtagumpayan ito ang electric mobility.

Kung titingnan ang pampublikong transportasyon ng bansa, isa sa mga polisiyang tumutugon dito ang PUVMP. Ngunit tanungin din natin, kinakailangan ba talagang pagbanggain ang pagtugon sa klima at ang hanapbuhay ng mga jeepney driver at operator?

Just transition at ang modernisasyon ng jeep

Sa usapin ng climate change action, mayroong konseptong tinatawag na “just transition.” Tinutugunan nito ang tanong na ibinato natin kanina. Inilalahad sa konseptong ito na sa paglipat mula sa fossil-fuel dependent na lipunan mula sa sustainable na lipunan, hindi dapat mag-isang pasanin ng mga manggagawa at frontline communities ang bigat at gastos ng pagbabago.

Kinikilala rito na dapat magsakripisyo ang lahat para sa sustainable na lipunan, ngunit dapat ay karampatan at makatarungan ang magiging pagbahagi ng lahat.

Sumasang-ayon ang lahat na dapat agad matugunan ang climate change ngunit kung mali ang magiging pagtingin sa just transition, maaari itong makita bilang pagpapatagal ng proseso.

Maaaring makita ng iba ang karampatang paghahati-hati bilang simpleng abala. Ngunit hindi dapat tingnan ang just transition bilang opsyonal. Marapat na tingnan ito bilang mahalagangkaakibat ng pagtungo sa sustainable na mundo.

Habang kinikilala natin ang kakailanganan ng mabilis napagtugon sa climate change, hindi dapat isakripisyo ang kapakanan ng mga marhinalisado at pinakanangangailangan.

 Sa konteksto ng PUVMP, inanunsyo ng pamahalaan noong Marso 1 ang na mae-extend ang deadline ng phaseout ng mga traditional na jeep. Ngunit nakaabang pa rin ang phaseout na ito, hindi man sa Hunyo ngayong taon, maaaring sa Disyembre kung matutupad ang pahayag nila.

Hindi naman dapat maging dahilan ang just transition ng pagpapatagal ng PUVMP. Sa katunayan, dapat ay nasa sentro ng PUVMP ang just transition. Hindi lamang tinitiyak ng just transition ang pagtungo sa sustainable na lipunan, sinisiguro rin nitong magkakaroon ng programa para sa pampublikong transportasyon na makatarungan, demoktratiko at nakatuon sa serbisyo.

Dapat nating siguraduhing pagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang pag-aayos at pagpapatupad ng modernization program nang hindi isinasakripisyo ang kapakanan ng mga operator at tsuper.

Kung ano man ang maging resulta ng programa, didiktahan nito kung anong kayang gawin ng pamahalaan para tugunan ang climate change. Kung hahayaan nating manaig ang inhustisya sa ngalan ng sustainability, tunay bang kumikilos tayo patungo sa mas sustainable na hinaharap?

Dapat na nakasentro ang just transition sa kahit anong programang rumiresponde sa sustainability. Kung hindi, baka nga makapagtaguyod tayo ng “bagong lipunan” na makakalikasan ngunit hindi pa rin naman makatarungan ang pagtrato sa masa.

* Mula sa artikulong unang inilathala sa Rappler ang kolum ngayong linggo. Isinulat ko ito kasama sina Kaloi Zarate at Jayvy Gamboa.

Lahat ng nagsulat ng artikulong pinagmulan ng kolumn na ito, kabilang na ang sarili ko, ay mga matapat na advocate ng pagtugon sa climate change. Kampeon din kami ng climate justice.

Avatar

Atty. Antonio La Viña

Isang lider, guro, manunula, at abogado si Dean Tony La Viña. Tatlong dekada na siyang manananggol ng karapatang pantao, lalo na ang karapatan ng mga katutubo. Isa rin siyang kilalang climate at environmental justice advocate hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Siya ang abogado ng Save our Schools Network at Lumad Bakwit Schools, Kabataan Partylist, at Masungi Georeserve.
Isinilang at lumaki sa Mindanao si Dean Tony. Nagsusulat din siya para sa Rappler, Manila Standard, at Mindanews. Kasaluluyang miyembro siya ng Board of Trustees ng Pinoy Media Center at Lead Convenor ng Movement against Disinformation.

Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ethiopia: British Museums Hand Over Looted Artifacts

On Friday, Ethiopian state-affiliated media outlet Fana Broadcasting Corporate reported

Ang Bayan » 4 na riple, isang pistola, nasamsam ng BHB-Northern Negros

Inambus ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern