Manggagawa ng Converge-Metroworks, tutol sa tanggalan, subcontracting

December 13, 2023


Ni CARLO CABANLIT
Pinoy Weekly

Nanawagan ang mga manggagawang regular ng Converge-Metroworks ICT Construction, Inc. na pagmamay-ari ni Dennis Uy na ibalik sila sa trabaho matapos magbaba ng notice of redundancy ang kompanya nitong Okt. 12 kahit walang matibay na batayan.

Nagtipon ang mga manggagawa ng Converge/Metroworks Metro Manila Employees Union-Associated Labor Unions sa tapat ng Regional Conciliation and Mediation Board-National Capital Region nitong Dis. 6 para ipakita ang kanilang pagkakaisa habang dinidinig ang kaso ng tanggalan.

Ayon sa unyon, mahigit 600 na mga manggagawang regular ang natanggal nang magkabisa ang termination notice nitong Nob. 20. Mga field technician na nag-aayos ng mga linya at kable ng internet na pangunahing serbisyo ng Converge at subsidiary nito na Metroworks ang karamihan sa natanggal.

Sabi ni Dave Bacolod, tatlong taon nang senior line repair sa kompanya at miyembro ng unyon, “redundancy” ang paulit-ulit na idinadahilan ng management.

Magbabago umano ng direksiyon ang kompanya. Pinalilipat din sila sa Myriad ICT Services Inc., subsidiary ng Metroworks, para maging mga kontraktuwal na manggagawa.

Kung magiging kontraktuwal, tuluyang mababawasan ang kanilang mga sahod at mawawala ang mga benepisyo, seguridad sa trabaho, at kalayang magtayo ng unyon.

Tulad ng Converge, parehong pag-aari ng mga Uy ang Metroworks at Myriad.

Dagdag ni Bacolod, kaduda-duda kung anong naging batayan ng management para idahilan ang redundancy dahil parehong posisyon at klase ng trabaho rin naman ang hinahanap sa Myriad.

Giit naman ni Syr Ysrael Alcaraz, limang taong nagsilbi bilang senior technician, tinanggal ang lahat ng miyembro ng unyon. Itinayo ng mga manggagawa ang kanilang unyon nito lang Agosto. Sa katunayan, gumugulong pa ang negosasyon sa collective bargaining agreement nang tanggalin sila sa trabaho.

“[Stressed na stressed] ako noon. Kasi siyempre sanay akong monthly [‘yong suweldo,] mayroon kang pambayad ng bills mo. Noong nalaman ko na [may tanggalan], hindi ako makatulog kasi iniisip ko ngayon lang ako, sa loob ng limang taon, na parang mahirap na wala kang regular na trabaho,” aniya.

Ayon sa unyon, nagsimula ang tanggalan at lipatan sa branches ng Converge sa mga probinsiya tulad ng Cavite.

Samantala, nagsimula naman ang transisyon ng mga manggagawa mula Converge patungong Metroworks noong 2021 kung saan sinamantala ng kompanya ang pandemya at inanunsiyo ang lipatan sa isang online town hall.

Simula noong pandemya, bilyon-bilyon na ang kinita ng kompanya matapos tanggapin ng maraming institusyon ang online setup. Nitong Agosto, sinabi mismo ng Converge na tumaas ang net income nito sa 8.5% sa unang bahagi ng 2023, mas mataas kumpara sa nakaraang taon.

Para sa mga manggagawang regular ng Converge-Metroworks, mahalaga ang kanilang laban dahil sinusundan ng Converge ang mga yapak ng iba pang telecommunications company na matagal nang pinaiiral ang kontraktuwalisasyon.

“Sana magkaisa [ang mga manggagawa] para labanan ‘yong mga nananamantalang employer. Kasi kung iaasa n’yo lang sa ilan-ilang ilaban ‘yong dapat na ilalaban mo rin, wala hindi rin kayo papansinin. Halimbawa kung tatlo lang kayo o apat. Pero kung marami at buo kayo, ‘yan sigurado panalo ‘yon,” ani Alcaraz.



Source link

Don't Miss

Groups defend artist from QCPD’s ‘harassment suit’

Groups condemned the Quezon City Police Department (QCPD) for filing

Extreme Heat in Western US Worsens Insect Infestations

As extreme heat baked the western United States this summer,