Uncategorized

Manggagawa sa Mactan EPZ, Herma shipyard, ABS-CBN, tinanggal – Pinoy Weekly

Manggagawa sa Mactan EPZ, Herma shipyard, ABS-CBN, tinanggal – Pinoy Weekly


Sunod-sunod ang tanggalan ng daan-daang empleyado sa mga pribadong kompanya sa bansa sa nagdaang linggo.

Mahigit 337 manggagawa ng isang suplayer ng electronics ang mawawalan ng trabaho sa Mactan Export Processing Zone (MEPZ) sa Lapu-Lapu City, Cebu. Nauna na ring nagtanggal ang MEPZ ng mahigit 4,500 garment workers nitong Mayo.

Ayon sa Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (AMA Sugbo-KMU), nagpapakita ng kahinaan sa ekonomiyang umaasa sa mga dayuhang mamumuhunan ang mga serye ng tanggalan na ito.

“Ang patakaran ng gobyerno, kahit sino ang nasa Malacañang, ay patuloy na hinihikayat ang mga dayuhang mamumuhunan sa pamamagitan ng mababang sahod, flexible na paggawa na sinusuportahan ng kontraktuwalisasyon, at mga paghihigpit sa karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon sa pamamagitan ng panre-redtag sa mga nag-oorganisa gayundin sa mga progresibong unyon,” sabi ni AMA Sugbo-KMU chairperson Jaime Paglinawan.

Sa Mariveles, Bataan naman, ilegal na tinanggal ng Herma Shipyard Inc. ang mahigit 50 manggagawa. Tinatayang aabot sa dalawa hanggang 25 taon na ang serbisyo ng mga tinanggal na manggagawa.

Sa ulat ng Nagkakaisang Manggagawa ng Freeport Area of Bataan (NMFAB), kumukuha ang Herma ng maraming subcontractor bilang kapalit ng mga manggagawang ilegal na tinanggal sa trabaho.

Liban sa tanggalan, may namatay na dalawang manggagawa ng Herma matapos mahulog at makuryente habang nasa trabaho. Subcontractor din ng kompanya ang mga nasawing manggagawa.

Umabot na sa apat na manggagawa ng kompanya na ang naitalang namatay sa trabaho mula Marso ngayong taon. Hindi pa kasama rito ang mga aksidente habang gumagawa ng barko ang mga manggagawa.

Kinondena ng NMFAB ang mga pangyayari sa Herma. Diin nila ang pangangailangan ng isang unyon sa loob ng kompanya.

“Ang pangyayari sa Herma ay palatandaan lang na mapang-api, mapagsamantala at hindi ligtas ang paggawa ng mga manggagawa sa kabuan,” sabi nito.

Samantala, randam pa rin ng ABS-CBN Network ang naging epekto sa kanila ng kawalan ng prangkisa. Mahigit 100 empleyado ang tinanggal ng kompanya dahil sa hirap sa kita. Kasama rito ang mga mamamahayag at camera operator na ilang taon nang nanilbihan sa kompanya.

Matatandaang nasa 5,000 empleyado ang kinailangang tanggalin ng ABS-CBN matapos hindi i-renew ng administrasyong Duterte ang kanilang prangkisa noong 2020. Sa ngayon, nasa 3,300 na lang ang empleyo ng kompanya.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning