Para makaagapay sa pagsirit ng mga presyo, napilitang pumasok sa trabahong may mababang pasahod ang mga manggagawang Pilipino batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa June 2023 Labor Force Survey na inilabas ng ahensiya, nasa 95.5% ang employment rate o tantos ng mga taong nagtatrabaho sa bansa. Tumaas umano ng 2.25 milyon ang bilang ng mga mangggawa kumpara noong nakaraang taon.
Pero ayon sa Ibon Foundation, ang malaking bilang ng lakas paggawa sa nasabing ulat ay mula sa mga subsektor na may mababang sahod.
Kabilang dito ang pagtaas na 612,000 sa accommodation and food service activities na P432 ang karaniwang sinasahod kada araw noong 2022; 457,000 sa agriculture and forestry na may P300; 358,000 sa wholesale and retail trade na may P419; at 268,000 other service activities na may P304.
“Pinapatunayan ng pinakabagong datos sa lakas paggawa noong Hunyo 2023 na nahihirapan pa rin ang ekonomiya na lumikha ng disenteng trabaho, sweldo at kita,” sabi ng Ibon.
Dagdag ng independent think tank, pinapatotoo ng ulat ang pagtaas na 1.5 milyong mga Pilipinong nagsasabing sila ay mahirap mula Hunyo 2022 hanggang Hunyo 2023 at ang pagbaba ng halos 100,000 na bilang ng mga pamilyang may ipon sa pangalawang kuwarto ng 2022 hanggang pangalawang kuwarto ng 2023.
Para naman kay Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis, nakababahala ito dahil wala pa ring makabuluhang dami ng trabaho sa manupaktura na siya sanang maglalatag ng istabilidad ng pambansang ekonomiya ngunit nakapako pa rin sa mababang sweldo ang tinatanggap ng mga manggagawa.
“Kailangan ng komprehensibong plano sa pagtatatag ng mga pambansang industriya na tunay na magpapataas sa empleyo at sa kalidad ng trabaho. Kailangan din itong sabayan ng patakaran upang maibalik ang national minimum wage na nakabatay sa nakabubuhay na sahod,” dagdag pa ni Adonis.