Marcos Jr., hinimok makipagtulungan sa ICC – Pinoy Weekly

December 2, 2023


Nagprotesta ang mga grupo ng kabataan sa harap ng Batasang Pambansa nitong Nob. 29 para suportahan ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga pagpaslang sa ilalim ng “war on drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Diin ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP), dapat panagutin sa mga paglabag sa karapatang pantao sina Duterte at Sen. Ronald dela Rosa na hepe ng pulisya na nagpatupad ng “Oplan Tokhang.”

Mula 2016 hanggang 2022, tinatayang mahigit 7,000 ang pinaslang sa mga kampanya kontra-droga sa ilalim ni Duterte ayon sa Department of Justice. Tinataya naman ng mga human rights group na umabot sa mahigit 20,000 ang pinaslang.

Iginiit ng mga grupo ng kabataan na hustisya ang hinihingi nila at ng napakaraming pamilyang Pilipino na naging biktima ng madugong giyera kontra-droga.

“Sa bibig mismo ni Digong, lumalabas ang kanyang intensiyon na patayin ang lahat ng mamamayang Pilipino na sa tingin niya ay kaaway ng estado,” ani Elle Buntag ng League of Filipino Students.

Dadag pa niya, hindi kaaway ng mamamayan ang tinutukoy nilang kaaway ng estado kung hindi kaaway umano ng mga politiko sa kanilang mga personal na interes.

Samantala, inaprubahan ng House Committees on Justice at on Human Rights ang mga pinagsamang resolusyon para himukin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipag-ugnayan sa ICC hinggil sa imbestigasyon matapos ang apat na oras na deliberasyon na kasabay ng kilos-protesta ng mga grupo ng kabataan.

Ngunit sinabit ni Solicitor General Menardo Guevarra, nakasalalay pa rin kay Marcos Jr. ang desisyon na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC kung kaya mananatili ang posisyon nitong hindi makipag-ugnayan sa ICC.

“Hindi kami makikipagtulungan ngunit malaya ang mga imbestigador na makapunta at gawin ang kanilang trabaho rito,” wika ni Guevarra sa magkasamang pagdining ng mga komite ng Kamara.

Naunang nagpahayag si Pangalawang Pangulong Sara Duterte na irespeto ang posisyon ng pangulo kaugnay ng imbestigasyon sa extrajudicial killings sa panahon ng panunungkulan ng kanyan ama.

Ayon pa sa kanya, isang pangmamaliit at pagpapababa ng mga legal na institusyon sa bansa ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng ICC.

Sa kabilang banda, handa namang makipag-ugnayan ang Commission on Human Rights (CHR) sa imbestigasyon ng ICC sa extrajudicial killings.

“Kaya maaari at ikalulugod naming makipagtulungan kung sa tingin ng ICC ay angkop na kailangan nila ng tulong sa CHR,” ayon kay CHR Commissioner Faydah Dumarpa.

Magpapatuloy pa rin ang mga progresibong grupo sa pagpapalakas ng kampanya para sa katarungan ng mga pinaslang. 

“Anuman ang mangyari, ang sambayanang Pilipino pa rin ang magiging greatest judge sa paghahanap ng pananagutan, katuwiran at closure,” ani SCMP chairperson Kej Andres.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss