Patnugot ako noon sa aming pahayagang pangkampus nang masabihan ako na mataas ang pamantayan ko sa mga ulat at istorya. Ganoon pa rin naman ngayon at mukhang hindi iyon magbabago sa hinaharap.
Lagi kong sinasabi sa mga correspondent at reporter ng Pinoy Weekly na kailangang panghawakan at tumalima sa pinakamataas na pamantayan sa peryodismo. Hindi puwede ang “puwede na. Bilang patnugot, alam ko rin kapag kinulang at kinapos sa desk at field research.
Metikuloso ang proseso sa pagbuo ng bawat ulat at istorya. At hindi makakatikim ni isang patak ng tinta sa print o ni isang byte sa website ang mga artikulong halatang minadali at hindi gaanong pinag-isipan.
Mataas para sa iba ang personal kong pamantayan, pero nagbibigay pa rin ako kaunting luwag at pagkakataon, lalo na sa mga baguhan. Paraan ito upang iwasto ang mga dapat iwasto at palalimin ang pagsusuri sa mga usapin kailangan ng masusing pagpapaliwanag.
Hindi ko sinasabing napakahusay ng Pinoy Weekly (kayo na ang humusga), ngunit masasabi kong nagsisikap ang bawat isa sa amin na magpakahusay sa larangan ng alternatibong pamamahayag. Ginagawa namin ito para sa aming mga mambabasa sa mga marhinadong komunidad.
Kaya nang mapabalita ang mga aresto sa founder ng isang organisasyong nagpoposturang midya at isang dating brodkaster na may mga kuwestiyonableng gawain sa kasalukuyan, naging usap-usapan ang mga pamantayan. Sa sirkulo ng mga mamamahayag at sa pampublikong espero, tinatanong ulit, “Ano nga ba ang tunay na peryodismo?”
Sa simpleng sagot, pinanghahawakan at isinasapraktika sa peryodismo ang pinakamataas na pamantayan sa pag-uulat. Tumatalima ito sa proseso ng pagbusisi at pagsusuri sa katumpakan (accuracy) ng bawat impormasyong nakukuha mula sa iba’t ibang source. At kung hindi tumatalima sa mga pamantayan, hindi nararapat na malimbag o maipalabas sa kahit anong plataporma.
Mahigpit ngunit esensiyal ang mga pamantayan sa responsableng peryodismo sa lahat ng panahon. Mas litaw ang pangangailaingang nito lalo na sa panahon ng mga kasinunangalingang pinalulubha ng mga mapagsamantalang indibidwal at entidad na naghahasik ng misinformation, disinformation at malinformation.
Ang pagtalima sa mga pamantayan ang naghihiwalay sa peryodismo mula sa pampolitikang propagandang nagbabalatkayo bilang pamamahayag. Mahalaga ang integridad sa larangan ng pamamahayag at walang lugar ang mga mangingikil at sinungaling.
Pero paano nga ba paghihiwalayin ang mga peryodista at nagkukunwaring peryodista?
May mga mungkahi noon pa na kailangan ng batas o patakaran para sa akreditasyon o paglilisensiya ang mga mamamahayag. Taliwas ito sa prinsipyo ng malayang pamamahayag laban sa prior restraint.
Mapanganib ang ganitong hakbangin na maaaring gamitin ng estado para sa sensura laban sa mga pahayagan at mamamahayag na kritikal sa pamahalaan. Paano nga naman namin pagkakatiwalaan ang estado na protektahan ang aming mga karapatan kung ito mismo ang lumalabag sa aming mga kalayaan? Sila mismo ang pumipigil sa pagsisiwalat ng mga maling gawi at kabaluktutan sa burukrasya.
Hindi rin ito makatutulong dahil ililimita nito ang praktika ng pamamahayag sa mga nagtapos ng programa sa komunikasyon at peryodismo. Sa katotohanan, maraming mahuhusay at batikang peryodista sa loob at labas ng bansa ang hindi nagtapos ng komunikasyon o peryodismo. Nahasa sila sa mismong pagsasapraktika nito.
Tulad ng tinuran ng yumaong si Luis V. Teodoro, walang ibang pamamaraan para tiyakin ang integridad ng peryodismo kundi ang self-regulation ng mga media organization at ng industriya sa kabuuan.
Naipapatupad ito ng mga newsroom sa pamamagitan ng kani-kanilang mga patakarang editoryal. Nakabatay ito sa mga prinsipyong pinanghahawakan ng isang media organization, pangunahin ang pasisiwalat sa katotohanan.
Halimbawa nito ang sa Pinoy Weekly na hindi kailanman nangimi sa paninindigan na ang pahayagang ito’y para sa boses ng mga marhinadong sektor. May pangunahing tuon ang aming mga pahina para sa mga alternatibong pananaw at solusyon sa mga suliranin ng lipunan. Nakasandig kami sa mga realidad ng mamamayang araw-araw na dinaranas ang hagupit ng inhustisya.
Nagtatakda rin ng mga etikal na pamantayan ang mga asosasyon sa pamamahayag. Ilan sa mga ito ang Philippine Press Institute, National Union of Journalists of the Philippines at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.
Hindi sensura ang tugon sa malaon nang suliraning ito sa peryodismo, kundi ang pagkakaroon ng bawat media organization ng mataas na pamantayang editoryal upang pangalagaan ang kanilang integridad at ang publiko.
Ang pagtalima sa mga pamantayan ang naghihiwalay sa peryodismo mula sa pampolitikang propagandang nagbabalatkayo bilang pamamahayag. Mahalaga ang integridad sa larangan ng pamamahayag at walang lugar ang mga mangingikil at sinungaling.
