Mga Asyanong musikero, nagsama-sama

June 26, 2023


Nagtipon-tipon sa unang pagkakataon ang mga miyembro ng Asian Music for Peoples’ Peace and Progress (AMP3) para sa konsiyertong “Ating Awit, Ating Pakikibaka: A Culture of Resistance and Solidarity” sa University of the Philippines Diliman nitong Hunyo 20.

Kabilang sa mga nagtanghal na progresibong banda at musikero ang Pasada, Musikang Bayan, Village Idiots, Bong Ramilo, Mara Peralta, Dania Reyes, Aniya Kalinaw, Boy Dominguez, Aila Bathan, at Katrina Nicole Abuda (Philippines); Ae Niti’kul, Pakapol Kornkranok, Nutchanon Pason, Chi Suwichan, at Jenny Kuewa (Thailand); Samageet (Bangladesh); Vedi Sinha at Sumant Balakrishnan (India); Ika Yuliana at Robi Supriyanto (Indonesia); Kyaw Lin (Myanmar); Messenger Band (Cambodia); at Ikuta Manji (Japan).

Isa sa mga adhikain ng organisasyon ang pagpapatibay ng samahan ng mga musikero sa Asya bitbit ang mga kolektibong panawagan sa mga isyu at problemang kinakaharap ng mga mamamayang Asyano sa pamamagitan ng musika.

Sina Amal Akash (kaliwa) at Bithi Ghosh mula sa Bangladesh. Larawan ni Imee Gatchalian.

“Repleksiyon siya ng freedom of expression, pag-amplify din kumbaga ng voice of the voiceless. ‘Yong mga hindi makapagsalita o hinaharap ng dahas dahil sa kanilang posisyon o pagtutol sa ibang mga polisiya, minsan kapag pinahiwatig mo sa paraan ng [musika] mas marami kang naaabot, at mas naiintindihan ng mga tao ‘yong issues,” ani Joseph Purugganan, miyembro ng AMP3. 

Sa kabila ng mga pagkakaiba, partikular na sa wika ng mga awit, hindi pa rin napigilan ng mga manunuod na makisabay sa ritmo at indayog ng musika.

Ayon sa mang-aawit na si Vedi, mayroong malalim na koneksiyon na siyang nagbubuklod sa atin sa pamamagitan ng musika.

“You don’t understand all the lyrics because of language, but you feel the pain, you feel the anger, you feel the love through that,” aniya.

Nagtanghal din ng gabing iyon si Aniya Kalinaw, na nangangahulugang “she said peace,” isang guro at artista mula sa Batangas City na lumilikha ng mga awit hango sa mga tunog, tanawin at mga kuwento mula sa buhay sa kanayunan.

Ayon sa kanya, nagbibitbit din ang musika ng kasaysayan, pakikibaka, hinanakit at maging pag-asa ng mga tao.

“Lumikha ka nang lumikha tapos makinig ka nang makinig kasi lahat tayo may message na gustong sabihin, at lahat din tayo may kakayahan na mag-empathize sa istorya ng iba, if we could just listen to one another,” payo ng mang-aawit.

Ang bandang Pasada mula sa Pilipinas. Larawan ni Imee Gatchalian.

Naniniwala naman ang organisasyon na sa paglipas ng panahon, ang musika ay hindi lamang panandalian na naririnig o inaawit, ito rin ay isa sa mabisang pagpapahayag ng kalayaan, kapayaan, at pag-unlad ng lipunan.

Huling bahagi ang nasabing konsiyerto ng tatlong araw na Consultation on People’s Music.

Maaaring mapakinggan ang ilan sa mga artista at musikerong nabanggit tulad ng Pasada, Musikang Bayan at Village Idiots sa mga music streaming platform o mapanood ang kanilang mga music video sa YouTube.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Abduction survivor to speak at Geneva ahead of PH govt’s adoption of UN recommendations

Abduction survivor April Dyan Gumanao will speak at around 5

Niger Accepts Algeria’s Mediation To Resolve Political Crisis

The Algerian Ministry of Foreign Affairs said in a statement