Mga boladas sa pakanang ChaCha

February 23, 2024


Ni Nuel M. Bacarra

Sa dinaranas na mataas na presyo ng mga bilihin na tinutuwangan pa ng kawalan ng dagdag na kita o sahod, hibahib na si Juan dela Cruz sa kakakayod sa lansangan para lamang makaraos. Pinapasan niya ang krisis sa ekonomya na pinalalala ng mga garapal na patakarang pabor sa dayuhan at mga kapitalista at ng mga palsong hakbang ng pamunuan para sa pansariling interes.

Nakapako ang sahod ng manggagawa. Ang mga nagsitaasang presyo ng mga batayang bilihin tulad ng bigas, gulay, isda at marami pang iba ay natural na tendensya ng patakarang iasa sa importasyon para matugunan ang batayang mga pangangailangan ng bansa. Ang mga lokal na prodyuser ng mga produktong agrikultural ay ibayong pinahihirapan pa ng laganap na ismagling na siyang namamayagpag sa pagpapabaha ng mga angkat na produkto sa merkado. Kaya kung may anunsyo ng ayuda, asahang pipilahan ito ni Juan.

Sa isang taon at siyam na buwang panunungkulan ng pangkating Marcos Jr., kalabisan nang singilin ang rehimen kung nasaan na ang ipinangako nitong ₱20 na kilo ng bigas. Hindi ito plataporma kundi buladas ng isang tipikal na politiko. Ngayon, may bagong pambubuladas na muling inilalako sa mamamayan na gagastusan ng bilyun-bilyon na hindi maglulutas ng krisis sa ekonomya bagkus ay ibayo pang magsasapanganib sa lupa, kabuhayan, kalayaan at kasarinlan ng bansa—ang planong pagbago ng konstitusyon o Charter Change (ChaCha).

(Larawan ni N. Bacarra/Kodao)

Mamamayan ang puhunan sa pag-unlad

Kahit ang karaniwang masa sa kalsada ay nagsasabing hindi ang konstitusyon ang problema kundi ang mga pulitiko na may hawak ng kapangyarihan. Panis na ang linyang “para ito sa kaunlaran ng bansa.” Kung nais sana ng kaunlaran, dapat mamuhunan ang pamahalaan sa mamamayan na siyang tunay na tagapaglikha ng yaman ng bansa.

Dapat paunlarin, suportahan at pakilusin ang pinaka-produktibong pwersa ng lipunan na walang iba kundi ang mga magsasaka at manggagawa.

Hindi pa rin nagbabago ang komposisyon ng lipunan sa loob ng ilang dekada. Ang magsasaka pa rin ang dominanteng uri sa usapin ng bilang na aabot pa rin sa 70%. Kung lulutasin ang problema nila ng kawalan o kakulangan sa lupa, mas magiging produktibo sila at tiyak na uunlad dahil ang malaking bahagdan na dating inaangkin ng mga panginoong maylupa sa pamamagitan ng mataas na upa sa lupa, ng mga kumprador at usurero, sa pamamagitan ng mataas na interes sa pautang ay mapupunta na sa kanila.

Dahil pinakamalaking bilang sila ng bansa, sisigla ang mga industriya dahil magiging pangunahing konsyumer sila ng mga produkto nito ng mga pagawaan. Sila ang magtutulak sa bansa para mag-industriyalisa. Ang tunay na reporma sa lupa ang magpipihit ng direksyon para sa tunay na industriyalisadong pagsulong.

Kailangan ding ilapit sa tunay na pangangailangan ng mga manggagawa ang sahod nila. Kung pananatilihin ang sahod na nakasayad sa antas lamang ng “kape at pandesal,” na kundisyon ng pagpapatuloy lamang ng sikdo ng dibdib para huminga at makapagtrabahong muli, patuloy ang pagkabansot ang industriya.

Ang silbi ng mga manggagawa at magsasaka sa kasalukuyan ay tagalikha ng yaman ng mga kapitalistang dayuhan at lokal at pagtugon sa kapritso ng naghaharing uri.

Kailangang iwaksi ng pamahalaan ang pagsunod sa dikta ng dayuhan upang maiangat ang sarili tungo sa pag-unlad. Sa paglikha ng mga produkto para sariling pangangailangan ang susi. Bilang isang agrikultural na bansa, nakapanlulumo na inaangkat natin sa ibang bansa ang bigas, asukal, asin, maging isda (sa kabila ng pagiging pulu-pulo ng bansa natin) at gulay mula sa mga kanugnog na bansa. Hindi wasto na tinutugunan natin ang pangangailangan ng ibang bansa sa kapinsalaan ng lokal na produksyon para sa sariling pangangailangan na siyang susi para sariling industriyalisasyon.

(Larawan ni N. Bacarra/Kodao)

Mga kontra-mahirap na batas

Ano pa nga bang dapat asahan sa naghaharing uri? Interesado lamang sila kung ano ang pabuya sa kanila ng mga among imperyalista para sa pananatili sa poder at gamitin ito para makapagpayaman. Hindi kailangang baguhin ang konstitusyon ng Pilipinas dahil lamang sa ambisyon sa pulitika ng mga nagsusulong nito. Bagamat hindi sapat ang mga probisyong nagbibigay ng proteksyon sa mamamayan, agrikultura at industriya sa kasalukuyang konstitusyon, ang mga panukalang pagbabago rito ay lantarang ibayong magsasadlak sa bansa sa kahirapan sa pamamagitan ng todo-largang pagbubukas ng ekonomya sa dayuhang pagmamay-ari at pamumuhunan at pagtanggal sa mga probisyong nagpoprotekta sa lokal na industriya, agrikultura at sa mamamayan. Dagdag na papasanin na naman ito ng mga Juan at Juana bukod pa sa dati nang nariyan.

Nang isabatas ang Rice Tariffication Law o R.A. 11203, inilarga nito ang todo-todong importasyon ng bigas ng mga sindikato sa loob at labas ng gubyerno at lumumpo sa lokal na produksyon ng bigas. Nagdiwang ang malalaking korporasyon sa yutilidad sa pagsasabatas ng R.A. 9136 na mas kilala bilang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA). Kanya-kanya ang kooperatiba sa kuryente sa pagtataas ng bayarin sa nakokonsumo ng publikong tagatangkilik. Tuliro ang sambayanang Pilipino nang isabatas ang Downstream Oil Industry Deregulation Act ng 1998 o R.A. 8479 dahil hindi na bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa nakaraang 25 taon taliwas sa propaganda ng gobyerno ng episyenteng regulasyon para mapababa ang presyo nito. Habang tila naman nanunuhol pa ang pamahalaan sa malalaking lokal at dayuhang negosyante noong panahon ng pandemya nang isabtabatas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act o R.A. 11534 para diumano bigyan ng kaluwagan ang mga korporasyon sa mga bayaring buwis at makaakit pa ng pamumuhunan. Ang dating 30% buwis sa kita na ipinapataw sa mga korporasyon ay ibinababa sa 25% na lamang.

Sa ganitong tunguhin ng mga mga sinasabing batas para sa kaunlaran, hindi ito para sa mamamayan. Patuloy itong nilalabanan at hinahamon ng mga tunay na nagmamalasakit sa bansa. Ngayon, muling nahaharap ang bansa sa isang hamon ng katinuan kung talagang kailangang- kailangang baguhin ang konstitusyon.

(Larawan ni N. Bacarra/Kodao)

Galaw ng dayuhang kapangyarihan

Ang pagiging pursigido ng mga kongresista sa ilalim ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng mga senador na isulong ang ChaCha, bagamat magkaiba ang nais na pamamaraan, ay udyok ng dayuhang kapangyarihan na pumaypay sa apoy na pansariling interes na makapanatili sa poder at para sa pagpapayaman. Kahit pabor lamang diumano si Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga pang-ekonomyang probisyon, hindi maipagkakaila ang ganap na basbas niya sa pagbago ng konstitusyon dahil nasa interes niya ang manatili sa poder para buhayin pa rin ang imahe ng pamilya nila na hindi niya kakayaning gawin sa saklaw ng kanyang kasalukuyang termino. Buhay pa rin sa diwa ng mamamayan ang popular na pag-aalsa sa EDSA na siyang pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng konstitusyon ng 1987. Gayunpaman, hindi ito inisyatibang bunga ng malasakit ng rehimeng Marcos Jr. sa bansa kundi lantad na maniobra para sa sariling kapakanan at tagapagpaganap ng programa ng dayuhan sa mas malaking saklaw.

Ang agresibo at butangerong postura ng China sa West Philippines Sea (WPS) ay reaskyon nito sa ginagawang pang-uupat ng gera ng US sa pamnamagitan ng mga ehersisyong militar sa Pilipinas, pagtatayo ng mga basa militar at pagmobilisa sa iba pang bansa kontra China. Paghahanda ito ng US sakaling okupahin ng China ang Taiwan.

Mula sa dating limang base militar sa ilalim ng kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong 2014, sa maagang bahagi ng panunungkulan ni Presidente Marcos Jr, noong Abril 2023, idinagdag ang apat pang lugar para sa pagtatayo ng mga base militar ng US sa bansa na nakapwesto sa mga estratehikong lugar na malapit sa Taiwan. At nakatanggap ang rehimeng Marcos Jr. nang $100 milyong “pabuya” mula sa US.

Kaya kapag tumindi ang alitan sa pagitan ng US at China kaugnay sa Taiwan na maaaring lumundo sa aktwal na gera, hindi na kailangang pumunta pa ang mga aircraft carrier at jet fighters ng USsa mga base militar nito sa Japan at Guam para sa refueling dahil seserbisyuhan na sila sa mga base militar na nasa Lallo at Sta. Ana sa Cagayan at Gamu, Isabela o ng dalawa pang base militar ng US sa Palawan na nakaharap sa China. Agresibo itong ginagawa ng US dahil nasa balangkas pa ito ng programang “Asia Pivot” ng dating rehimeng Barrack Obama. Kaya asahan nang iigting pa rin ang pagiging butangero at agresibo ng China sa WPS.

Samantala, kapag ibinukas ang syento porsyentong pag-aari ng lupa at negosyo ng dayuhan dito sa bansa sa pamamagitan ng pagbago sa konstitusyon, ang mga komunidad ng mga pambansang minorya at mga lupain ng mga magsasaka ay maaaring maging pag-aari ng mga dayuhan para maging instrumento sa gera bilang mga base militar o ng mga dayuhang negosyo para sa ibayong pagsasamantala.

Malinaw na ang rehimeng Marcos Jr. ay tuta ng US kontra kay Duterte na maka-China. Ang pagkatig ng dating Pangulong Duterte sa China at ang banta nitong ipawalambisa ang Visiting Forces Agreement sa pagitan ng US at Pilipinas ay larawan ng pulitika sa bansa na nakaangkla sa kumpas at basbas ng dayuhang kapangyarihan.  Ang ganitong hanayan ng malalaking pulitiko ay magkakahugis nang lubos sa darating na eleksyon sa 2025 at 2028 at kung anong kahihinatnan ng impestigasyon ng International Criminal Court na tila nagiging armas ng rehimeng Marcos Jr kontra kay dating pangulong Rdorigo Duterte.

(Bulatlat photo)

Tumindig at lumaban

Ang isang anim na taong termino ng isang presidente sa pwesto na nakasaad sa saligang batas ay sapat na upang patunayan ang kanyang kakayanang pamunuan at paunlarin ang bansa. Dahil kung kung may ekstensyon, pag-upo pa lamang sa pwesto, ang magiging prayoridad ng nakaupong presidente ay pagplanuhan na kung paano muling mananalo sa susunod na eleksyon.

Ang isang anim na taong termino ng presidente ay mekanismo ng konstitusyon para hindi maabuso ang kapangyarihan para sa pansariling interes.

Sa manera ng kondukta ng ChaCha, katakut-takot na ang anomalya para ihirit ito sa pamamagitan ng People’s Initiative na isang paraan na nasa konstitusyon mismo para baguhin ito. Ginamit ang pondo ng bayan, nangako ng ayuda na inireklamo na ni Juan dela Cruz na matapos makapirma ay nananatiling pangako lamang. Nasa yugto ngayon ang mamamayang nalinlang ng pakanang ito na bawiin ang pirma nila para hindi sila maging bahagi ng 12% na kailangan sa buong bansa para baguhin ang konstitusyon. Huwad ito kung gayon!

Ang Konstitusyon ng 1987 ay bunga ng pakikibaka ng mamamayan na nagpabagsak sa diktadurang US-Marcos noong 1986. Ginulantang ng pakikibakang ito ang kalakhan ng daigdig. Ito ay turo ng kasaysayan at aral na marapat isapuso laban sa mga mapagsamantala at mapang-api at sa mga pagtatangkang lapastanganin ang mga karapatan ng taumbayan.

Batbat ng anomalya ang mga isinasalaksak na pamamaraan para baguhin ang konstitusyon na ibayong naglalantad rito kung para kanino ito. Kailangang tumindig at labanan ito ng mamamayan.

Mayaman ang karanasan ng sambayanang Pilipino sa pakikibaka at sa pagkakataong ito, kumakaway ang pangangailangang isalba ang bansa sa nakaambang banta ng ibayong pagpapalakas ng kontrol ng dayuhan sa bansa at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino dahil sa pagbago ng konstitusyon. #





Source link

Kodao

Kodao Productions is an award-winning multi-media production outfit. It produces videos on burning social issues in the Philippines, such as environmental destruction, human rights, and other civil liberties. Aside from videos, Kodao also produces radio programs for national radio networks and community radio stations throughout the country. Both its video and radio productions have been awarded and cited by private and government institutions.

Don't Miss

Councilor seeks to penalize Central 911 prank callers

DAVAO CITY, Philippines – A councilor from the city’s first

2 environmental activists defy military, expose abduction

By RAYMUND B. VILLANUEVABulatlat.com MANILA — The two missing Manila