Mga kaso ng magkaibigan – Pinoy Weekly

April 16, 2024


Imbestigasyon ng International Criminal Court sa drug war, kritisismo sa “gentleman’s agreement” kay Xi Jinping, pagharap sa kaso dahil sa ibinatong mga banta kay Rep. France Castro—tila unti-unting nababaon sa kumunoy si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Dagdag pa sa maraming tanong na kailangan niyang sagutin ngayon ang kaugnay kay Apollo Quiboloy, matalik niyang kaibigan nang tatlong dekada.

Sa kabila ng pagtanggi ni Duterte sa alegasyon na tinatago niya si Quiboloy na humaharap sa kaliwa’t kanang kaso ng pang-aabusong seksuwal at human trafficking, mahirap na balewalain ang koneksiyon ng dalawa. Nitong Marso lang, ginawang administrator si Duterte ng mga ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC). Ilang taon na ring ipinagmamalaki ni Duterte ang pagkakaibigan nilang dalawa.

Mayo 2016, bago pa nahalal bilang pangulo, sinabi ni Duterte na hindi niya kailangan mangurakot dahil malalapitan naman niya si Quiboloy. “Every time magbili si Pastor, dalawa iyan. Ang isa sa akin diyan. Sigurado,” sabi niya tungkol kay Quiboloy, na nakapagregalo na umano sa kanya ng mga kotse, lupain at marami pang iba sa tatlong dekada nilang pagkakaibigan.

Ayon kay Peter Laviña, dating campaign spokesperson ni Duterte, ginamit ng noo’y Davao City mayor ang mga private jet at helicopter ni Quiboloy para sa kampanya. Inalok pa ni Quiboloy noon si Duterte na kapag naging pangulo na ito, ipahihiram na niya nang tuluyan ang kanyang jet na nagkakahalaga ng USD 8.5 milyon at helicopter na USD 6.4 milyon.

Taong 1985 nang itinatag ni Quiboloy sa Agdao, Davao City ang KOJC, The Name Above Every Name, at 1988 naman unang naging mayor ng Davao City si Duterte. Kasama si Quiboloy sa kampanya ni Duterte sa pagkapangulo at sa kampanya bilang pangalawang pangulo ng anak na si Sara Duterte. Matapos ang madugong termino, naglagi sa Sonshine Media Network International (SMNI) si Duterte bilang host.

Sa panahong ito biglang nag-astang kakampi ng malayang pamamahayag si Duterte. Pinatawan kasi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 14-day suspension ang lingguhan niyang programa na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” noong Disyembre. Nakasama niya dito si Quiboloy bilang host.

Kasama rin sa suspensiyon ang programang  “Laban Kasama ng Bayan” kung saan host sina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz, kilalang mga tagakalat ng mga akusasyong walang basehan laban sa mga aktibista, kritiko, pati mga pahayagan na naglalaman naman ng lehitimong datos. Tulad ni Duterte, may kinakaharap na kaso rin ang dalawa kaugnay ng kanilang programa.

Pinatawan rin ng suspensiyon ng National Telecommunications Commission ang SMNI matapos ilabas ang House Resolution 1499 na nagsasabing nilabag ng Swara Sug Media Corp., kompanyang nagpapatakbo sa SMNI, ang ilang panuntunan sa kanilang prangkisa. Sabi ni Duterte, kakausapin niya nang harapan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol sa isyung ito dahil apektado ang kanyang programa, at hindi dahil pinakiusapan siya ni Quiboloy.

Bukod sa mga abogado ni Quiboloy, tila naging spokesperson na rin si Duterte ng puganteng si Quiboloy. Nakapagbiro pa si Duterte at sinabi sa isang interbyu na huwag na siyang idamay ng kaibigan sa kaso nito. Bigo ang gobyernong mapaharap siya sa mga imbestigasyon sa SMNI at sa sarili niyang mga kaso ng child abuse at qualified human trafficking.

Kailangan humarap ni Quiboloy sa korte, ni Duterte sa imbestigasyon ng ICC, at ng iba pang mga nasasakdal para sa paulit-ulit na pag-atake sa kritikal na mamamayan. Isa ang malinaw sa kasalukuyan: Kailangan panagutin ang mga mapapatunayang may sala dahil sa paglabag nila sa karapatang pantao at hindi dahil sa away-politika. 

Tila pumupostura kasi ang kampo ni Marcos Jr. bilang makatarungang oposisyon laban sa huwad na kampo ng mga Duterte. Palakihin pa ang tanaw at kasali na rin ang mga makabagong kolonisador ng Pilipinas—si Marcos Jr. sa United States at si Duterte naman sa China. Dito pa lang makikita nang walang tunay na oposisyon o mas makatarungan sa dalawang panig.

Anong mensahe na lang ang ipinaparating nito sa mga Pilipino kung makikita nilang ang katarungan pala ay isa lang sa mga bala laban sa kaaway sa politika? Na hawak ng magkakaibigan sa politika ang hustisya?

Hindi ito panawagan para magkaisa ang dalawang kampo na parehong may utang sa taumbayan. Panaghoy ito para sa mga Pilipinong nagdudusa na sa nagtataasang mga presyo ng bilihin at ngayo’y naisasantabi pa para sa batuhan ng putik ng dalawang dinastiya na naliligo sa milyong piso, malayo sa reyalidad ng mga karaniwang Pinoy na oras na pagdudahan ng awtoridad, kulungan o bala na ang kaharap.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang Bayan » Pagpupulong ng APEC sa US, pagdalo ni Marcos, binatikos

Sunud-sunod na protesta ang inilunsad ng iba’t ibang organisasyon sa

ICC Appeals Chamber affirms authorization to probe killings in the Philippines

Photo by Bulatlat By ANNE MARXZE D. UMILBulatlat.com MANILA –