Militarisasyon at agresyon sa mga katutubo, dinulog sa UN Special Rapporteur – Pinoy Weekly

August 8, 2024


Inulat ng iba’t ibang samahan at komunidad ng mga katutubo sa bansa ang kanilang mga kinakaharap na suliranin sa ancestral domain kay United Nations (UN) Special Rapporteur on the rights of indigenous peoples Francisco Calí Tzay

Kaiba sa official visit, kagaya ng mga nakaraang pagdalaw ng mga eksperto ng UN, dumalaw si Calí Tzay sa Pilipinas nitong katapusan ng Hulyo para sa isang academic visit o pagsisiyasat sa kalagayan at kultura sa bansa. 

Matapos makapakinig sa mga ulat ng komunidad mula sa Hilagang Luzon hanggang Mindanao sa isang academic forum, sinabi ni Calí Tzay na “ang nangyayari sa Pilipinas ay nangyayari sa buong mundo. At ang nangyayari sa buong mundo ay nangyayari sa Pilipinas.”

Bumiyahe papuntang Kalinga si Calí Tzay para kausapin ang mga Igorot at nakita niya ang kalagayan ng mga tatamaan ng mga proyektong dam.

Ayon kay Caselle Ton ng Cordillera Human Rights Alliance, binubugbog ng mga mapanirang proyekto na isinasagawa ang kanilang rehiyon habang isinasantabi ang mga konsultasyon na dapat ginagalang ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Tila nagiging negosyador pa raw para sa mga korporasyon ang NCIP sa halip na itaguyod ang boses ng komunidad. 

Sa buong Cordillera, may 102 hydropower project na inaprubahan ng Department of Energy at 106 na mining tenement. 

Sa ilog ng Saltan sa Kalinga, may apat na itatayong dam ang kumpanyang JWPI. Nagsimula noong 2021 ang konsultasyon para sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC) ng mga lokal. Lima sa anim na apektadong tribo ang tumanggi sa proyekto, ngunit nagpapatuloy pa rin ang JWPI sa mga hakbangin ng FPIC process kakampi ng NCIP.

“‘Di rin binigyang pansin ng FPIC ang mga petisyon laban sa mga proyektong ito,” ani Ton. 

May mga ibibigay naman na scholarship, ayuda at paglalagay ng kalsada, hikayat ng marami sa mga korporasyong may proyekto sa probinsya.

Pero para sa dating alkalde ng Balbalan, Kalinga na si Eric Gonayon, “Malamang wala pa sa 1% ng kikitain nila ang ibibigay sa atin, samantalang likas na yaman ito ng komunidad.”

Kaakibat naman madalas ng mga proyekto ang laganap na militarisasyon at pambobomba sa mga sibilyang komunidad. 

Tinawag ni Ton itong “investment defense forces” na kumikilos para umano’y “linisin ang mga komunidad at magpapalaganap ng takot. Kung nasaan ang mapanirang proyekto at oposisyon ng mamamayan ay naroon din ang mga sundalo.” 

“Takot ang nararamdaman namin tuwing lalabas ng bahay,” ani Gerge Cuba, isang Manobo mula sa Sultan Kudarat. Binahagi ni Cuba ang pamamaslang ng mga sundalo sa kanyang 13 anyos na kapatid na si Kuni nitong Hunyo. Siya at ang iba pang taga-Brgy. Kiadsam ang inaakusahang mga supporter umano ng New People’s Army. 

Kasabay niyan inaagaw ang kanilang lupang ninuno ng Magsaysay & Sons Company (M&S), isang kompanya para sa logging at plantasyon ng kape. 

Hinikayat naman ni Beverly Longid, national convenor ng Katribu ang buong UN at opisina mismo ni Calí Tzay na maglunsad ng isang “independent investigation.” Dapat payagan ito ng pamahalaang Marcos Jr, giit ni Longid. 

Nagpaalala naman si Atty. Mai Taqueban ng Legal Rights and Natural Resources Center na ang Pilipinas ay kabahagi sa mga iba’t ibang pandaigdigang kasunduan para sa proteksiyon sa mga karapatan ng mga katutubo at minorya.

“Ang walang habas na mga paglabag sa karapatan ng mga katutubo ay sumasalungat ‘di lamang sa mga kasunduang ito, kundi sa mga karapatan nila sa ilalaim ng konstitusyon ng bansa,” dagdag ni Taqueban.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Reflections after a prison visit

No one enters and leaves a jail facility in the

Cordillera pocket miners still struggling to legalize operations

By SHERWIN DE VERANorthern Dispatch First published on Rappler.com on September 25,