Minsang pangarap – Pinoy Weekly

May 18, 2024


Hayskul pa lamang ako nang una kong mapagtanto ang pangarap ko na maging isang mamamahayag. Ang maging boses ng mga mamamayang hindi nabibigyan ng sapat na plataporma pa ang inspirasyon ko noon.  

Bagaman unti-unti kong kinumpuni ang kumpiyansa ko sa aking kakayahan, agad ko itong nabitawan nang umapak na ako sa kolehiyo. Dala ng ideyang hindi ko kayang makipagsabayan, pinili ko na lamang linangin ang sarili sa ibang kasanayan hanggang sa natunaw na lang ang minsan kong pinangarap sa pagsusulat.

Akala ko kasi noon, sapat nang may kaalaman sa mga isyung panlipunan. Sapat nang makapag-share ng mga litrato’t mahahabang posts online bilang pakikiisa sa mga nangangailangan.

Subalit, nagbago itong muli nang makadalo ako sa protesta noong Mayo 1 sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Iba pala talaga kapag dama mo na ang bugso ng damdamin ng mga mamamayang may pinaglalaban. Iba pala kapag narinig mo na ang sigaw ng mga manggagawang may mabigat na panawagan.

Ito ang aral na iniwan sa akin ng Mayo Uno. Nang makita ko ang mahabang hanay ng iba’t ibang organisasyon at unyon upang manawagan para sa sahod, kabuhayan, karapatan at soberanya ng bansa. Hindi ko mapigilang mapatanong, bakit kaya tila sarado ang mata at tenga ng mga nakatataas?

Nais lang naman ng mga tsuper ng tradisyonal na jeepney na hindi mawalan ng kabuhayan dahil sa inilunsad na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.

Panawagan lang naman ng mga manggagawang maisabatas ang nakabubuhay na sahod. Lalo na’t kasalukuyang nasa P610 ang minimum wage sa National Capital Region (NCR). Gusto lang naman ng mga kapwa nating Pilipino na sama-samang nagtungo sa United States Embassy na panghawakan ang ating kalayaan at kasarinlan bilang bansa.

Hindi ko lubusang maintindihan kung bakit dahas ang salubong sa mapayapang pag-usad noon ng protesta. Para bang walang awa sa mga mamamayang kalaban din noon ang pagod, puyat at init.

Kaya minsan, nakakapagtaka kung paano pa rin nagagawa ng mga tsuper na magbigay ng lakas, pagkain at tubig sa amin kahit nakalaan na ito sa kanilang magdamagang protesta. Ang ilan pa sa kanila, kabilang sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) na nanatili ng dalawang araw sa Liwasang Bonifacio sa Maynila bago makiisa sa hanay ng mga manggagawa sa España Boulevard noong Mayo 1.

Hindi ko rin alam kung bakit kahit bilang intern sa alternatibong midya, may takot tuwing may iilang pulis na nagtatanong kung anong kinukuhanan ko gamit ang kamera. Ganunpaman, imbis na matakot, mas pinaigting nito ang kagustuhan kong ipagpatuloy ang dati kong pangarap.

Kahit tila ilang linggo na ang lumilipas, buhat-buhat ko pa rin sa aking puso ang motibasyong binuhay ng Mayo Uno. Isa itong paalala na kailangan ko pang linangin ang aking kakayahan upang tunay na maging boses ng mga kapwa ko Pilipino. 

Lalo na’t malaking responsibilidad ang maging tagapagbahagi ng kuwento nilang kumikilos para sa hangaring makabubuti sa mga maralita. Sa pag-asang marami pa ang magbubukas ng kanilang mga mata at isipan sa kanilang pakikibaka.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss