Modernisasyon para kanino? – Pinoy Weekly

March 16, 2023


Simple lang ang katuwiran ng sektor ng transportasyon. Mahal ang bagong jeepney na inilalako ng gobyerno sa mga drayber at maliliit na operator. Para mabayaran ito kailangan ng taas-pasahe na babalikatin ng mga komyuter na manggagawa, na hindi naman tumataas ang suweldo.

Taong 2017 nang ilatag ng gobyernong Duterte ang grandiyosong Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa pangunguna ng Department of Transportation (DoTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon sa PUVMP, layon nitong palitan na ang mga lumang Public Utility Jeepney (PUJ) sa buong Pilipinas ng “ligtas, maasahan, mura at makakalikasang” sistema ng transportasyon.

Itinuturo nito ang mga PUJ na sanhi ng polusyon sa hangin at malalang daloy ng trapik sa Kamaynilaan at buong bansa.

Ayon sa University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UP-CIDS), sa 2.5 milyong sasakyan sa Metro Manila, 73,000 lamang ang mga PUJ. Sa buong bansa, nasa 300,000 lang ang mga ito kumpara sa 12.75 milyong kabuuang bilang ng mga sasakyan sa buong Pilipinas.

May katangiang import-dependent ang PUVMP, dagdag ng UP-CIDS. Dahil galing sa ibang bansa ang sasakyan na ilalako sa mga drayber at operator kasabay ng bagsak ang halaga ng piso kontra dolyar, tiyak ang malaking utang na papasanin ng mga drayber at operator.

Dahil minamadali ang kita kaysa serbisyo sa proyekto, 2017-2020 sa unang pagtaya ng gobyerno, nakikita ngayon ang malalang problema sa rekursong kinakailangan tulad ng imprastraktura at pinansya at akmang pamamahala, at lubusang pag-asa sa dayuhang manupaktura sa halip na lokal na industriya.

Larawan mula sa Pinoy Weekly

Pasakit sa operator at drayber

Iminamandato ng DoTr na dapat isuko ang mga indibidwal na prangkisa para sa konsolidasyon o Fleet Management System. Itutulak sila na bumili ng 15 imported na minibus kada rutang ibibigay sang-ayon sa Department Order 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines.

Ayon kay Mody Floranda, pambansang pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), nagkakahalaga ng P2.4 hanggang P2.8 milyon bawat isa ang minibus kumpara sa tradisyunal na jeepney na naglalaro ang halaga sa P200,000 hanggang P600,000.

“Hanggang sa ngayon ay malinaw na bigo ang PUVMP dahil marami pa ring mga operator ang patuloy na tumututol isuko ang kanilang mga prangkisa at kabuhayan,” pahayag ni Floranda noong Marso 1.

“Kapag isinuko na nila ang kanilang indibidwal na prangkisa manganganib ang kanilang kabuhayan lalo kapag nabigo silang bayahan ang magastos na halaga ng modernisasyon,” dagdag niya.

Noong 2017, nasa pagitan ng P1.4 hanggang P1.6 milyon ang presyo ng modern jeepney. Subalit pagdating ng 2020, lumubo ang presyo nito sa P2.5 milyon.

Paliwanag ng UP-CIDS, nangangahulugan din ito ng mataas na taunang bayad at kaukulang pinagsama-samang (compounded) interes.

“Annual amortization costs increase by 25% at 6% interest. If the base price of the jeepney is P2.5 million, the total amount to be paid increases to about P3.125 million (an increase of about P625,000 or 28.6 %) after seven years,” ayon sa UP-CIDS.

Kita sa negosyante

May oportunidad na nakita ang malalaking negosyante sa malalang krisis ng transportasyon sa bansa.

Noong Setyembre 2022, pinasok ng business tycoon na si Manuel V. Pangilinan ang programang PUVMP. Sa pamamagitan ng kanyang modern jeepney operator na Byahe, naglagak ng P1.5 bilyon para makabili ng 500 modern jeepney na bibiyahe sa 35 ruta sa buong bansa sa taong 2027. 

“We have investors who are keen on these e-vehicles. They are looking at the path of sustainability, the reason we are introducing a lot of innovation to make the operation of e-jeepneys viable,” ani Laurence Bahia, Chief Executive Officer ng Byahe noong Setyembre 2022. 

Isa ang operasyon ng Byahe sa Metro Manila, partikular ang rutang Cubao-Quiapo, sa rutang may malaking bilang ng mananakay. 

Alternatibong ruta

Madaling pulaan ng gobyerno ang mga drayber at maliliit na operator na kontra-modernisasyon at kaunlaran dahil sa kanilang pagtutol sa phaseout.

Lingid sa kaalaman ng publiko, ang inilalakong modernisasyon nina Duterte at Marcos Jr. ay kaunlaran lamang ng dayuhang nagmamanupaktura ng sasakyan at lokal na negosyante.

Panawagan ng Piston at mga commuter group, dapat magkaroon ng modernisasyong nakabatay sa rehabilitasyon at pag-aayos ng mga lumang jeepney para maging malinis at kumportable.

“Kami ay sumusuporta sa pagpapaunlad ng sarili nating manufacturing industry para makalikha ng trabaho sa milyon nating manggagawa na kasalukuyang walang pormal na trabaho,” paliwanag ni Floranda.

Ganito din ang pagsusuri ng UP-CIDS. Anila, dapat bahagi ng inklusibo, sustenable at pangkabuuang plano ang lokal na modernisasyon ng pampublikong transportasyon na maaring hatiin sa transition stage na isa hanggang 10 taon at long-term na 11 hanggang 25 taon o higit pa ang modernisasyon ng jeepney.

Mapapabilang ang rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga lumang jeepney sa transition stage. Kabilang ang overhaul at pag-aayos ng makina para mabawasan ang emisyon at pumasa sa emission standards.

Maaari din na kumpunihin ang sira sa kaha ng mga lumang jeepney upang pumasa sa Philippines National Standard for modern jeepneys. Makakatulong din ang local fabrication ng modern jeepney upang hindi tayo nakasandal palagi sa dayuhang kompanya.

Sa pangmatagalan, pambansang industriya ang kailangan ng bansa. Makatutulong ito sa paglikha ng trabaho, mababawasan ang paglabas ng dolyar dulot ng importasyon, mapapataas ang halaga at kita ng nagtatanim ng goma, at mga local maker at provider ng vehicle parts at accessories.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

PRWC » Mga bunga ng pakikibakang magsasaka sa panahon ng El Niño sa Negros

Sa harap ng tagtuyot bunga ng El Niño, nagkamit ng

3 outstanding achievers get Davao’s prestigious Datu Bago awards

(From left to right) Antonio Ajero, Brenda Sofronia Barba, and