Nabawasan ba ang naghihirap na Pilipino? – Pinoy Weekly

August 2, 2024


Nakakita na tayo ng social media posts kung saan may kunwaring nagrereklamo na pagod sila sa biyahe, pero may retrato na nagpapahiwatig sa magarbong karanasan sa business class. May pasimpleng pagyayabang rin ang panimula ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2024 State of the Nation Address (SONA).

Una niyang binanggit ang paulit-ulit na sinasabi ng kanyang administrasyon mula nakaraang taon pa, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa—ang Pilipinas ang “isa sa pinakamahusay ang performance sa buong Asya.” Sinundan niya ito ng tila makataong punto na “wala itong saysay [sa mga Pilipino]” na naghihirap dahil sa nagtataasang presyo ng bilihin, lalo na ng bigas.

Pero mabilis ring natapos ang pakitang-tao. Imbis na akuin niya ang responsibilidad sa mataas na presyo ng mga bilihin na pahirap sa milyon-milyong Pilipino, sinisi niya ang lokal at internasyonal na pamilihan, giyera, mga supply chain at pati ang kalikasan. Naging pundasyon ng SONA ang pagpili ng datos o ebidensya kuno na hindi nagpapakita ng buong sitwasyon, para magmukhang ginagawa ng gobyerno ang lahat para sa mga Pinoy.

Bago natapos ang SONA, may panghuli siyang pagyayabang sa lagay ng ekonomiya: milyong Pilipino raw ang umahon mula sa kahirapan at nabawasan na ang nakatala na mahirap o “poverty incidence.” Patunay ito na pakitang-tao lang ang saglit niyang pagkilala sa naranasang paghihirap ng mga tao. Sa huli, sinasabi ng pangulo na anuman ang danas o tingin ng mga Pilipino, nabawasan pa rin ang kahirapan dahil sa kanyang panunungkulan.

Kapuri-puri namang tunay kung nabawasan ang kahirapan sa Pilipinas. Ang tanong, nabawasan ba talaga ang naghihirap na mga Pilipino, tulad ng anunsiyo ng pangulo?

Walang dahilan para pagdudahan ang nalilikom na datos kada dalawang taon ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa kanilang Family Income and Expenditure Survey (FIES). Lumabas sa 2023 FIES na nabawasan ang naitala na mga naghihirap na Pilipino mula 18.1% ng populasyon naging 15.5% na lang o 17.5 milyon. Dito nanggaling ang inanunsiyo ng pangulo sa SONA na 2.5 milyong nakaahon sa kahirapan.

Ngunit ang sinasabi talaga ng mga numero na ito ay nabawasan ang naiulat na naghihirap na mga Pilipino—hindi nangangahulugan na mas kakaunti ang mahihirap na Pilipino. Pinapakita lang ng datos ng PSA na umangat kaunti ang kinikita ng pinakamahihirap na Pilipino para maungusan nila ang napakababa na ngang opisyal na poverty line.

Kung tutuusin, mahirap na pagbatayan ang sitwasyon sa pagitan ng 2021 at 2023 dahil kasabay nito ang muling pagbubukas ng ekonomiya matapos ang pagkatagal-tagal na mga lockdown ng nagdaang administrasyong Duterte. Dito nanggaling ang tila pagsigla ng ekonomiya, kaysa sa tunay na pag-unlad.

Kapag nilikom ang numero para sa buong bansa, nasa P91 para sa isang tao kada araw ang opisyal na poverty threshold o pinakamaliit na kita na sasapat sa gastusin ng isang tao. Malinaw na masyado itong maliit para sa pangunahing gastusin ng isang tao—para sa pagkain, tirahan, gastusin sa bahay, at gastos sa transportasyon, komunikasyon, edukasyon, kalusugan at pananamit. Para sa pamilya ng lima, nasa P13,873 lang kada buwan ang poverty threshold.

May ibang datos na nagpapakitang hindi husto ang opisyal na standard ng istatistika sa kahirapan. Halimbawa, mas madalas makalikom ng datos sa kahirapan ang ang pribadong institusyon na Social Weather Stations (SWS), na apat na beses sa isang taon na nagkakaroon ng mga self-rated poverty survey, nagsimula sa dalawang beses kada taon noong 1986.

Hindi halos gumagalaw datos sa bilang ng mga Pilipinong naniniwala na mahirap ang kanilang pamilya: nasa 48% noong 2017, 46% noong 2021 at 48% noong 2023. Mas kalunos-lunos pa ito kung isasama ang nasa borderline o mga naniniwalang nasa pagitan sila ng pagiging mahirap at hindi mahirap [nasa bingit ng kahirapan]. Aabot ito sa 76% noong 2018, 80% noong 2021 at 79% noong 2023.

Sa tala ng SWS, nasa P15,000 kada buwan ang median o panggitna na self-rated poverty threshold na kanilang mga nakapanayam.

Hindi nalalayo sa datos na ito ang resulta ng Consumer Expectations Survey (CES), na apat na beses kada taon isinasagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) mula 2004. Mataas lagi ang bilang ng mga kabahayan na walang ipon, at mas tumataas pa ang taunang naitatala mula 65% noong 2018 naging 72% noong 2021, at 69% naman noong 2023.

Kapag tiningnan ang dami ng apektado, ayon sa SWS, tumaas ang bilang ng mga Pilipino na naniniwalang mahirap sila, mula 11.2 milyon noong 2018 naging 13.2 milyon noong 2023. Kapag kasama ang nasa bingit ng kahirapan, aabot ito sa 17.7 milyon at 21.6 milyon sa parehong panahon. Ayon naman sa BSP, dumami ang kabahayan na walang ipon mula 16.1 milyon noong 2018 naging 18.4 milyon noong 2023.

Kailangan linawin na hindi kinokontra ng mga numero na ito ang opisyal na ulat sa kahirapan ng PSA, dahil magkaiba sila ng sinusukat. Sinasabi ng resulta ng 2023 FIES ng PSA na lumaki ang kinikita ng 2.5 milyon na pinakamahirap na mga Pilipino kaya naungusan na nila ang opisyal na poverty threshold at hindi na sila itatala bilang mahirap.

Sa bisa ng resulta ng mga sarbey ng SWS at ng BSP, mas buo ang imahe ng laganap at lumalalang kahirapan sa bansa, dahil sa datos mula sa sariling pagtataya ng mga ininterbyu at datos sa ipon ng mga kabahayan. 

Kung pagbabasehan ang karanasan ng karamihan sa mga Pilipino, mas tapat siguro sa katotohanan ng paghihirap sa Pilipinas ang batayan (ng SWS at ng BSP) na nagpapakita na pito o walo sa kada sampung pamilyang Pilipino ang maituturing na mahirap o bulnerable.

Kaya magandang suriin kung ano ba ang nagpalaki sa kinikita ng pinakamahirap na mga Pilipino, sapat para makaangat sila sa opisyal na income-based poverty threshold. May sapat na dahilan para maniwalang dala ito ng dumaragdag na ayuda o mga ad hoc na social assistance mula sa gobyerno (lalo na ang tulong-pinanasyal), at hindi ng pagdami ng nakabubuhay na trabaho.

Mahalagang sinsinin ang pagkakaiba na ito. Masasabing may tunay na pag-unlad ang ekonomiya kapag marami ang pamilya na lumaki ang kinikita dahil mas produktibo at mas mataas ang sinasahod ng mga breadwinner. Sa kabilang banda, artipisyal o hindi tunay na ginhawa sa mga pamilya kapag lumaki ang kanilang kita dahil lang sa ayuda o mga social assistance program ng gobyerno. 

Makatwiran pa rin at nananatiling bahagi ng pangunahing tungkulin ng gobyerno ang pagbibigay ng emergency assistance. Ngunit may punto na hindi na patunay ng responsableng gobyerno ang lumalawak na mga ayuda program, kundi sintomas ng talamak na mga problema at pagkabigo sa kaunlaran (pati na rin ng tumitindi na sistemang padrino sa politika). Umabot na ang Pilipinas sa puntong iyon.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

VERA FILES FACT CHECK: ‘Israel-Palestine’ video OLD, does NOT show ongoing Israel-Hamas war

A video on Facebook (FB) is claiming to show combat

Ang Bayan Ngayon » US builds military infrastructure in Batanes

US imperialism continues to drag the Philippines into its potential