Uncategorized

NAIA sa kamay ng San Miguel Corp. – Pinoy Weekly

NAIA sa kamay ng San Miguel Corp. – Pinoy Weekly


Kabi-kabila ang daing ng mga pasahero’t manggagawa ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod ng magulong pagpapatakbo at hindi patas na sistema ng paliparan. Subalit sa kabila ng mga reklamo, pribatisasyon ang solusyon ng pamahalaan sa palpak na operasyon.

Pang-apat sa tinaguriang “worst airport” sa Asya ang NAIA sa ginawang pagsusuri ng business finance and lending research and information provider. Resulta ito ng maraming bilang ng delayed flights, problema sa kuryente, mahabang pila sa immigration at talamak na nakawan at katiwalian sa loob ng paliparan.

Dahil dito, nagdesisyon ang gobyerno na gawing pribado ang NAIA sa pamamagitan ng pag-turn-over ng operasyon nito sa San Miguel Corporation (SMC) na nag-alok ng pinakamataas na bid kumpara sa ibang kompanya. Tinatayang aabot sa P123.5 bilyon ang ibinayad ng SMC sa gobyerno bukod pa ang kasunduang P2 bilyong bayad kada taon.

Matapos pormal na mapasakamay ng SMC ang NAIA noong Set. 14, nagbigay ito ng pahayag ukol sa mga gagawing hakbang para sa rehabilitasyon. Anila, layunin nilang ayusin ang mga pasilidad at bigyan ng pagkakataon ang NAIA na makipagsabayan sa mga internasyonal na paliparan sa ibang bansa.

Labinlimang taong patatakbuhin ng SMC ang NAIA. Subalit, maaari pa itong mapalawig kahit matapos na ang kontrata.

Hindi pa man nasisimulan ang rehabilitasyon, nagbigay na ng paalala ang Air Carriers Association of the Philippines (ACAP) tungkol sa dagdag-singil para sa mga pasahero. Iginigiit nila na epekto ng pagbabago sa New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) ang pagtaas ng ilang bayarin sa loob ng paliparan. 

Mula P200, naging P390 na ang babayaran ng mga pasahero para sa terminal fee ng mga domestic flight, samantalang P950 naman ang bayad para sa mga international flight na pumapatak lang ng P550 bago isapriibado ang paliparan.

Bukod sa pagtaas ng terminal fee, tinaasan rin ng SMC ang airfair dahil sa karagdagang aeronautical charges sa mga airline. Mariin namang tinutulan ng Migrante International ang taas-singil ng NAIA. Anila, mahigit 6,000 overseas Filipino worker (OFW) ang maapektuhan nito kada araw. 

Patuloy na lumalaki ang mga pinatatakbong proyekto ng SMC. Sa katunayan, sila rin ang kumuha sa 2,500 ektaryang katubigan ng lalawigan ng Bulacan para itayo ang New Manila International Airport (NMIA) at Bulacan Aerotropolis Project na nakaapekto sa mahigit 700 na pamilya sa Brgy. Taliptip sa bayan ng Bulakan.

Maraming manggagawa rin ang naapektuhan bunsod ng pribatisasyon ng NAIA. Bukod sa mga mangingisdang nawalan ng pagkakitaan sa Bulacan, hindi rin nakaligtas ang mga trabahador ng NAIA dahil sa mga bagong pamantayan ng paliparan.

Tinatayang aabot sa 1,000 manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa pagsasapribado ng NAIA.

Hindi rin ikinatuwa ng ilang empleyado ang bagong proseso ng korporasyon kung saan bibigyan lang sila ng anim na buwang probationary kung sakaling mapipili silang manatali matapos ang rehabilitasyon. Hindi rin mapigilang mangamba ng mga empleyado dahil walang planong inihahain sa kanila ang SMC matapos ang anim na buwang probationary. 

Dahil dito, nagbigay ng pahayag si Samahan ng mga Manggagawa sa Pa­liparan ng Pilipinas (SMPP) vice president Gilberto Bagtas ukol sa hindi patas na desisyon ng korporasyon.

“Ang pangamba ng buong officership, ‘pag lumipat, kung may malilipat lang, ang ibigay sa kanila probationary six months. Hindi namin alam after six months ano mangyayari sa kanila,” ani Bagtas

Kaugnay nito, sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy Batan na nagkaroon daw muna ng pagpupulong at konsultasyon ang NAIA sa mga empleyado nito tungkol sa pagbago ng sistema sa paliparan. Kabilang sa sinasabing usapan ang pag-aalok ng trabaho at dagdag-sahod sa mga empleyadong maapektuhan ng pribatisasyon.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Bagtas. Giit niya, walang kumausap sa kanila upang ipaliwanag kung anong mangyayari matapos ang pribatisasyon.

“Hindi po kami binigyan ng pagkakataon [makita] ang mga dokumento. Wala [pong] consultation. Zero, zero, wala,” giit ni Bagtas.

Dahil sa hindi patas na desisyon para sa mga empleyado, kumuha ang SMPP ng abogado upang tulungan sila sa mga proseso at hakbang na dapat nilang gawin ngayong nanganganib silang mawalan ng trabaho.

Sa kabila ng ipinagmamalaking rehabilitasyon, ordinaryong mamamayan pa rin ang papasan nito dahil sa dagdag-singil, tanggalan at kontraktuwalisasyong dulot ng pribatisasyon.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning