Natatanging Progresibo ng 2023 – Pinoy Weekly

December 30, 2023


2018 | 2019 | 2020 | 2021 | 2022

Napakahabang paglalakbay ng 2023 pero nakaabot rin tayo sa dulo. Hindi kapos sa mga interesanteng karakter at mga nakayayanig na kaganapan itong taon, higit pa sa hiwalayan ng mga love team sa showbiz.

Sa 2023 nagkaroon ng ikalawang hatol na guilty laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay ng mga inosente limang taon na ang nakalipas, alang-alang sa war on drugs. Higit sa isang dekada rin bago naabot ng kamay ng hustisya ang ilang sangkot sa pork barrel scam mula pa 2007.

Wala namang preno ang mga mapangikil na ahensiya ng gobyerno sa atake sa mga community doctor tulad ni Dr. Naty Castro, mga environmental defender tulad nina Jonila Castro at Jhed Tamano, at iba pang nangangahas tumindig laban sa hindi makataong mga programa.

Malagim itong realidad na kinakaharap ng mga komunidad sa loob at labas ng bansa. Para sa mga Palestino na dumaranas ng karahasan sa kamay ng mga Zionista, ngayon higit kailan nila kinakailangan ang suporta para sa kanilang paglaya.

Mahaba-habang usapan ang kailangan para sa lahat ng mga naging hamon at mga sandali ng pagpupunyagi. Para simulan ang talakayan, malugod na ipinakilala ng Pinoy Weekly ang Natatanging Progresibo ng 2023.

Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Mga transport strike ngayong taon. Nagsimula noong Marso at nagpatuloy hanggang matapos ang taon, ipinakita ng mga welga ang tindi ng paninindigan ng mga tsuper at opereytor sa harap ng nagbibingi-bingihang gobyerno. Ilang ulit naparalisa ng strike ang mga kalsada sa Kamaynilaan at iba pang lungsod sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Napamalas rin ng mga komyuter ang kanilang pakikiisa sa pamamagitan ng mga donation drive at pag-ambag sa mga cultural night.

Mga nominado: Martsa para sa kapayapaan sa Palestine noong Nob. 25; Protesta na mga Cagayano sa Rizal Park, Tuguegarao laban sa  Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites; Mga pagkilos sa Mindanao partikular na sa Marawi para makiisa sa Palestine.

Michelle Mabingnay/Pinoy Weekly

Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston). Malinaw at komprehensibo ang naging panawagan ng Piston sa bawat protesta at strike na naikasa ngayong taon. Hindi biro ang kailangang paghahanda para maglunsad ng strike sa loob at labas ng Kamaynilaan. Naging lunsaran rin ng talakayan ang mga protest center ng Piston na higit na nakapanghikayat sa kabataan at komyuter na makialam sa mga isyu sa lipunan.

Mga nominado: International League of Peoples’ Struggle; AKAP KA Manila Bay; Philippines-Palestine Friendship Association.

Mayday Multimedia/Facebook

Modesto Floranda. Bilang presidente ng Piston, binigyang boses ni Floranda ang mga tsuper, opereytor at komyuter na pawang bulnerable sa nakaambang jeepney phaseout. Pinaliwanag niya sa publiko ang kahalagahan ng mga transport strike at nahimok ang iba pang grupo na lumahok dito. Buong tapang niyang hinarap at hinamon ang mga opisyal ng gobyerno para maibasura ang sapilitang konsolidasyon ng prangkisa. Maagap din niyang naipanawagan ang pagbaba ng presyo ng langis sa harap ng lingguhang oil price hike sa kalagitnaan ng 2023.

Espesyal na Pagkilala: Jude Fernandez para sa hindi matatawarang kontribusyon sa kilusang manggagawa. Mula panahon ni diktador at dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., hanggang sa administrasyon ng anak nito, hindi binitawan ni Ka Jude ang laban para sa makataong paggawa. Ngayong taon at hanggang sa mga susunod, tuloy ang panawagan para sa hustisya sa pagpaslang kay Ka Jude. 

Mga nominado: Debie Faigmani, Wyeth Philippines Progressive Workers Union president; Mong Palatino, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general.

Unity for Wage Increase Now/Facebook

Unity for Wage Increase Now (U4WIN). Sa gitna ng patuloy na taas-presyo ng mga bilihin at kagyat na pangangailangan ng dagdag-sahod, pinagbigkis ng alyansa ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang unyon, samahan at pederasyon. Pinangunahan nito ang mga pagkilos at paghain ng petisyon para sa P530 umento sa Kamaynilaan. Noong Hulyo, nakamit ng mga manggagawa sa rehiyon ang P40 dagdag-sahod, ang kauna-unahan sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr.

Mga nominado: Abolish Confidential Funds Network; All Philippine Trade Unions; No To Jeepney Phaseout Coalition.

House of Representatives/Youtube

Pagtanggal ng Kamara sa panukalang confidential funds sa mga civilian agency. Matapos ang mainit na pagtutol ng iba’t ibang grupo, higit P1 bilyon ng panukalang confidential funds ang tinanggal sa mga ahensiya na hindi direktang sangkot sa national security. Sabi ni House Appropriations Committee chair Elizaldy Co, walang ni isang piso para sa confidential funds ang ilalaan para sa Office of the Vice President, Department of Education, Department of Information and Communications Technology, Department of Agriculture at Department of Foreign Affairs.

Mga nominado: Bail para sa paglaya ni dating Senador Leila de Lima; Pagbasura sa terror charges laban kay Batangas human rights defender Hailey Pecayo.

Larawan mula sa Baguio.ph

Baguio City Council. Tumindig para sa karapatang pantao ang Baguio City Council nang ipasa nila ang resolusyon na tanggalin ang apat na lider ng Cordillera Peoples Alliance mula sa listahan ng Anti-Terrorism Council ng mga terorista. Nitong Dis. 6 naman, ipinasa ang Resolution No. 763-2023 na nagdeklara sa Baguio City bilang “inclusive Human Rights City.”

Mga nominado: Quezon City Mayor Joy Belmonte para sa pagtindig para sa mga cyclist at pagsali sa Mayors for Good Governance; Cagayan Gov. Manuel Mamba para sa pagtutol sa pagtatayo ng EDCA sites sa Cagayan.

Stella Mae Marcos/Pinoy Weekly

ACT Teachers Partylist Rep. France Castro. Kasama ang Makabayan bloc, nagsilbing konsensiya ng Kongreso si Castro nang hindi nito hinayang pasadahan lang ang isyu ng ginastos na P125 milyon na confidential funds ng opisina ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Si Castro naman ang unang naglakas ng loob na sampahan ng kaso si dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga banta umano nito sa isang episode ng “Gikan sa Masa, Para sa Masa” sa SMNI

Mga nominado: Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel; Albay Rep. Edcel Lagman; Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas; Sen. Risa Hontiveros.

Matthew Hatcher/Getty Images

Mga pagkilos para ipanawagan ang kalayaan ng Palestine. Dinagsa ng mga nagpoprotesta ang mga lansangan sa iba’t ibang bahagi ng mundo kabilang na ang United States, mga bansa sa Europe, Yemen, Malaysia na masasabing halos lahat ng kontinente ay may representasyon. Sa Pilipinas, tindig-balahibong mga pagkilos ang inorganisa mula Marawi hanggang Kamaynilaan. Iisa ang panawagan ng daang libong nakilahok—tunay na kalayaan at katarungan para sa Palestine.

Mga nominado: Protesta sa California sa pagtitipon ng Asia-Pacific Economic Cooperation.

Angie de Silva/Rappler

Leonardo Vicente “Cong” Corrales, editor-in-chief ng Mindanao Gold Star Daily. Tuloy sa pagtangan sa responsibilidad ng pagiging alagad ng midya si Cong Corrales sa kabila ng kaliwa’t kanang mga atake. Dahil sa isinampa niyang reklamo sa Meta, kauna-unahan para sa Pilipinas, muling nabigyan ng pansin ang panawagan ng mga peryodista sa mga rekurso laban sa mga red-tagger at malicious commenter. Matapang din niyang hinarap ang harassment at doxxing dahil sa kanyang trabaho bilang lokal na peryodista. 

Espesyal na Pagkilala: Luis Teodoro, namayapang beteranong peryodista at masugid na tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag. Dalawang terminong dekano ng University of the Philippines College of Mass Communication at dating editorial consultant ng Pinoy Weekly at board member ng PinoyMedia Center.

Mga nominado: Atom Araullo; Mike Navallo; Jodesz Gavilan; Roy Barbosa.

Sama-samang Artista Para Sa Kilusang Agraryo/Youtube

Amanda” ng Oriang. Inspirasyon para sa kanta ang danas ni Amanda Echanis, organisador ng mga kababaihang magsasaka sa Cagayan Valley, na tatlong taon nang nakabilanggo dahil sa gawa-gawang kaso. Kabilang ang kanta sa iba pang mapapasama sa album na balak ilabas ng banda sa 2024. Ang mga kanta sa album, tulad ng Amanda na kumukuha ng inspirasyon sa buhay ng kilala para sa kanilang kabayanihan at pagsisilbi sa masa tulad na lang nina Chad Booc at Kerima Tariman.

Mga nominado: Mahal Kong Pilipinas (JMara ng Morobeats) na nakatanggap ng Awit Awards ngayong taon; Umaklas (Sinagbayan); Antema (Gazera); Marcosin (Jon Bonifacio); Made in the USA (Danny Fabella).

Ser Christian Albert Capoquian via The Adamson Chronicle/Facebook

Fashion Against Fascism and Fossil Fuels. Empire of the Son: Drought and Deluge ng Youth Advocates for Climate Action Philippines (Yacap). Gamit ang iba’t ibang obrang ready-to-wear, pinatunayan ng mga kabataang bumubuo ng Yacap na epektibong lunsaran ang fashion para sa mga lehitimong panawagan. Kritisismo sa mga programa ng Marcos Jr. administration at panawagan ng pakikiisa sa Global Climate Strike ang ibinandera sa fashion show.10

Mga nominado: Paggawa ng Alaala, Alaala ng Paggawa na exhibit (Philippine Labor Movement Archive); Macli-ing (panulat ni Malou Jacob at direksyon ni Karlo Marko Almonte); Daang Kalayaan (panulat ni Rommel Rodriguez at direksyon ni Bonifacio Ilagan); Asian Music for Peoples’ Peace and Progress (AMP3), kolektibo ng mga progresibong musikero sa Asya.

Bagong Siklab Productions via Youtube

“Oras de Peligro” ni Joel Lamangan. Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagbaluktot sa kasaysayan, tatayo ang pelikulang ito bilang isa sa mga obrang sining na magpapaalala sa lahat ng karanasan ng mga karaniwang Pilipino sa ilalim ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr. Pinagbidahan nina Cherry Pie Picache at Allen Dizon, may talas ang pelikulang binuo mismo ng mga survivor ng pagkakakulong at tortyur na si direktor Joel Lamangan at Bonifacio Ilagan, na manunulat ng kuwento kasama si Eric Ramos. 

Mga nominado: Invisible Labor (Mayday Multimedia); Third World Romance (Dwein Baltazar); Rookie (Samantha Lee); Who We Become (PJ Raval).

Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

“Doble Kara” effigy ni Max Santiago para sa SONA. Naging laman ng balita itong effigy para sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hindi lang dahil sa agaw-pansin nitong mala-gintong kulay o sa magkabilang-panig na imahe ng pangulo. Huling nabalita ang effigy ngayong Disyembre, ilang buwan makalipas, dahil sa kasong pangkalikasan na isinampa laban kay Santiago, na nauwi rin sa dismissal ng Quezon City prosecutor dahil sa kawalan ng batayan.

Mga nominado: Mukhang Pamilyar exhibit (Jess Santiago); Dark Memories photo book (Rick Ricamora); Press for Freedom exhibit para sa 2nd National Press Freedom day.

“The Singing Detainee and the Librarian with One Book” ni Michael Beltran. Marami nang libro ang nasulat tungkol sa rebolusyon, sa mga komunista sa Pilipinas, at kay Jose Maria Sison na namayapa nitong nakaraang taon. Dadagdag ito doon, bitbit ang mga ilang talakayan na hindi masyado nababaybay, tulad na lang ng kuwento ni Julie de Lima. Tumatak itong koleksiyon ng mga sanaysay dahil sa mga tampok na karakter, malinaw na naratibo at bisa ng estilo ng manunulat.

Mga nominado: Binhi ng Paglaya (Amanda Echanis); Some People Need Killing (Patricia Evangelista); Serve (edit ni Jo-Ann Q. Maglipon); Hanapin Ang Sagot (panulat nina Ergoe Tinio at Margarita Santos, at guhit ni Aldy Aguirre); Patinig at iba pang sanaysay (Soliman Santos); Araw: Mga Aporismo ng Pagkautal at Pagkaulol at Gabi: Mga Aporismo ng Pagtanga at Pagtunganga (Rolando B. Tolentino).

Dolly de Leon/Facebook

Dolly de Leon. Higit pa sa sunod-sunod na parangal at nominasyon na natanggap ngayong taon ni Dolly de Leon, tumindig rin siya para sa karapatan ng mga kapwa artista at mga manunulat sa naging strike ng kinabibilangan niyang unyon na Screen Actors Guild-American Federation of Television and Radio Artists. Nagsisilbi rin siyang inspirasyon para sa mga katulad niya na single mother.

Espesyal na Pagkilala: Willie Nepomuceno, namayapang artista na kilala sa pag-impersonate ng mga politiko para magpukol ng kritisismo. Halimbawa na nito ang pagganap niya bilang “FM” sa EDSA People Power Anniversary noong 2022. Hanggang sa kanyang pagtanda, nanatili siyang kritiko ni dating diktador Marcos Sr.

Mga nominado: John Lloyd Cruz at Vice Ganda.

Plaridel Public Information Office/Facebook

Paglantad nina Jonila Castro at Jhed Tamano sa katotohanan ng pagdakip sa kanila. Hindi biro ang kumontra sa tinahing naratibo ng gobyerno habang katabi mismo ang militar sa isang press conference na inorganisa nila. Ganoon na lang ang paghanga ng mga tao sa taglay na tapang ni Castro at Tamano, parehong environmental defender, nang pabulaanan nila ang pahayag ng militar na sila ay mga sumukong rebelde. Sa kanilang paglantad, lalong naging malinaw ang marahas na proyekto ng gobyerno kontra sa mga aktibista.

Mga nominado: Pagpapanumbalik ng peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines; Subpoena para kay dating pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa isinampang kaso ni Rep. France Castro; Mang Arnel, mangingisdang nakipagpatintero sa Chinese Coast Guard para makapasok sa Scarborough Shoal; Pura Luka Vega at ang kaniyang paninindigan para sa freedom of expression.

Pagtanggal sa SMNI sa Youtube at pagtanggal kay Quiboloy sa Facebook. Higit sa libo-libong mga account at grupo ang nagpapakalat ng maling impormasyon. Isa na dito ang Sonshine Media Network International (SMNI) na konektado kay Apollo Quiboloy. Ginamit ng mga tulad nina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz ang SMNI para magpaulan ng paratang sa mga peryodista, aktibista at sinumang may lehitimong panawagan. Karapatan ang kalayaan sa pamamahayag, at kakambal nito ang responsibilidad na maging tapat sa mga manunuod at magsilbi para sa interes ng publiko.

Mga nominado: Online na kampanya kontra Maharlika Investment Fund; Rambo Talabong at ang kanyang mga TikTok explainer.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Hundreds Released Yemen Prisoner Swap After Houthi-Saudi Talks | News

Following negotiations between the Houthi rebels and Saudi officials, a

TIMELINE ON NEGROS KILLINGS – Panay Today

* A timeline and brief analysis of the recent killings