‘Olongapo Solar Project, panganib sa kalikasan, pamayanan’

‘Olongapo Solar Project, panganib sa kalikasan, pamayanan’


Nina John Aaron F. Corporal at Emmanuel B. Gata

Nagbabala ang mga grupong pangkalikasan at mga residente sa posibleng pinsala sa kalikasan, kabuhayan, at mga komunidad sa Olongapo City dahil sa Olongapo Solar Project at sa planong pagpapalawak nito.

“Napakayaman nung bundok, may mga iba’t ibang species ng halaman, puno, ibon, at ng iba pang mga hayop. Kung magpapatuloy yung solar farm phase 2, ito yung mga posibleng mawala doon sa biodiversity or doon sa saribuhay. Sa water quality doon sa Gordon Heights, mayroon na siyang oil. At mayroon pang parang putik na isa ring implication na disturbed na yung tubig,” saad ni Julius Roa, PROPEL.

Inilahad ng mga grupong makakalikasan ito sa isang presentasyon ng findings ng kanilang Environmental Investigation Mission (EIM) hinggil sa mga epekto ng Phase 1 ng proyekto ng Aboitiz Renewables, gayundin ang posibleng epekto ng nakaambang Phase 2 expansion.

Isinagawa ang presentasyon sa sa Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City noong Hulyo 21.

Pinangunahan ang presentasyon ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu), Agham–Advocates of Science and Technology for the People, Pro-People Engineers and Leaders (Propel), JPIC-Redemptorist Vice-Province of Manila, at Church and Ayta Partnership in Central Luzon (Pamilalamu), kasama ang mga lokal na residente ng Olongapo at Nueva Ecija, upang iharap ang resulta ng imbestigasyong isinagawa noong Mayo 29 hanggang 31, 2026.

Sinuri ng EIM ang kalagayan ng lokal na biodiversity, kalidad ng tubig, at mga epekto ng umiiral na Phase 1 ng proyekto. Tiningnan din ng grupo ang mga posibleng epekto ng planong pagpapalawak ng solar project.

Renewable energy, sino nakikinabang?

Hindi ang paggamit mismo ng renewable energy kundi ang paraan ng pagpapatupad nito ang pangunahing isyu sa Olongapo Solar Project, ayon sa kanila. 

Sinabi ng grupo na nagdudulot umano ng pagkasira sa kalikasan, pagkawala ng kabuhayan, at paglabag sa karapatan ng mga Katutubo at lokal na mga mamamayan ang proyekto.

Inilantad din ng grupo ang mga implikasyon ng pagpapaunlad at pagpapalawak ng renewable energy projects sa Pilipinas, partikular sa mga residenteng naninirahan sa mga lugar na saklaw ng mga ito.

Kabilang sa mga problemang nilikha ng proyekto ang direktang epekto sa kalikasan na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente, kakulangan ng konsultasyon o proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) na kinakailangan sa mga proyektong nakaaapekto sa lupang ninuno, at pagbabago sa kalidad ng tubig.

Anino ng luntiang pangako

Ibinahagi ng mga magsasaka at katutubong Ayta sa Olongapo kung paano nila nararanasan ang mga epekto ng Pahse 1 ng Olongapo Solar Project sa kanilang kabuhayan.

Ayon sa kanila, naapektuhan umano ang ani ng mga magsasaka, samantalang lumala ang pagbaha sa kanilang lugar. Unti-unting nasisira ang likas na yamang kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay. 

“Nasira ‘yung bundok. So ang Mt. Balimpuyo, lahat ng mga hayop doon lumipat na sa Balimpuyo,” paliwanag ni Marilou Dabon, magsasaka sa Mt. Balmpuyo. 

Ipinalinawanag pa niyang kinain ang kanilang mga tanim na sagot at root crops ng mga ibon at baboy ramo na nadisloka dahil sa proyekto.

“’Yung mga ani naming mangga, dahil sa sobrang init, hindi gaano namumunga at lumiliit. Tapos, dahil nga nabawasan ‘yung tanim namin, lumiit din ‘yung income namin,” paliwanag pa ni Marilou.

Sinabi pa niyang bago ang proyekto, tuwing tag-ulan, isa hanggang dalawang linggo ng tuluy-tuloy na ulan bago bumaha. Pero magmula nang maisagawa ang proyekto, 10 minutong ulan pa lang, bumabaha na. 

Walang konsultasyon

Ayon pa kay Marilou, hindi umano nabigyan ng sapat na pagkakataon ang komunidad na maipahayag ang kanilang saloobin bago sinimulan ang proyekto. Ikinuwento rin niya ang umano’y naging proseso ng pagpirma para rito.

“Wala talagang silang consultation na ginawa. At panloloko ngayon ang ginawa nila diyan kasi sabi nila marami daw taong pumirma. Paanong maraming taong pumirma eh wala nga kaming alam na may Phase 1,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Marilou na nangangamba ang mga residente na lalo pang lumala ang pagbaha, pagguho ng lupa, at pagkawala ng kanilang kabuhayan kung magpapatuloy ang pagpapalawak ng proyekto.

“Natatakot kami na mawalan kami ng kabuhayan. Natatakot kami na mawalan kami ng lupang sinasaka. Actually, kami nakikipaglaban, nagkaroon na kami ng anxiety. Hindi kami makatulog ng maayos, hindi kami makapaghanapbuhay ng maayos,” ani Marilou.

Dagok sa magsasaka

Samantala, sinabi ni Troile Romualdo, punong tribo ng Iram sa Olongapo, na malaking dagok sa kanilang komunidad ang pagkawala ng lupang kanilang sinasaka at pinagkukunan ng pagkain.

“Kaya nangangamba kami sa hanapbuhay namin. Baka marami ng mamamatay sa amin. Kasi ‘yan ang tatayuan nila ng Phase 2, diyan kami kumukuha pantustos sa pag-aaral ng mga anak namin,” ani Troile.

Sinabi pa niya na maging ang dati nilang pinagkukunan ng malinis na tubig ay naapektuhan na rin matapos maitayo ang unang yugto ng solar project.

“Ang mga tubig ay lumalabo na. Hindi kagaya noong walang pang solar project, doon po kami umiinom, ngayon wala na. Wala na kaming aasahan sa inumin sa sapa,” dagdag niya.

Panawagan at pananagutan

Sa kabila ng mga problemang ito, nananatiling buo ang suporta ng gobyerno sa proyekto.

Sa pagbisita ni Energy Sec. Sharon Garin sa Olongapo Solar Plant, pinarangalan niya ang pasilidad bilang isa sa mga pangunahing proyektong isinusulong ng administrasyong Marcos Jr. 

Para sa Department of Energy, ang dambuhalang solar farm ay isang “national priority” na mahalaga sa mabilis na paglipat ng bansa tungo sa mas malinis na enerhiya.

Pero kabaligtaran dito ang sitwasyon sa mismong mga komunidad na apektado ng proyekto.

Noong Disyembre 2025, pormal na nagpasa ng resolusyon ang Barangay Sta. Rita para opisyal na tutulan ang Phase 2 expansion ng proyekto. 

Nanawagan ang barangay sa pamahalaang panlungsod at sa mga kaugnay na ahensiya na tanggihan ang permit ng kompanya dahil sa umano’y malubhang epekto nito sa pamumuhay at hanapbuhay ng mga residente.

Babawi?

Nanatiling mariin ang paninindigan ng Sangguniang Panlungsod, sa pangunguna ni Councilor Vic-Vic Magsaysay, na kailangan munang maresolba ng kumpanya ang lahat ng isyu at pinsalang idinulot ng Phase 1 bago buksan ang usapin hinggil sa pagpapalawak ng proyekto.

Para bumawi sa 1,781 punong pinutol para sa Phase 1, sinabi ng Aboitiz na nagtatanim ito ng mga punla sa ratio na 100 punla sa bawat isang punong pinutol.

Pero sa kabila ng mga pangakong ito, patuloy ang pangamba ng mga residente sa banta ng pagbaha at landslide sakaling ituloy ang pagpapalawak ng proyekto.

“Natatakot kami na ‘pag nangyari ‘yon, kakayurin ang bundok, puputulin ang puno, magkakaroon ng landslide, maraming mamamatay. Natatakot rin kami na mabaha kami, kasi nga alam naman nating bahain,” sabi pa ni Marilou.

Sinabi pa nila na posibleng apektado rin ang ibang mga komunidad kapag nasira ang bundok ng Balimpuyo.

Makataong pagpapatupad

Iginiit ni Funa-ay Claver, pangkalahatang kalihim ng Katribu, na hindi nila tinututulan ang renewable energy bilang alternatibong pinagkukunan ng kuryente. 

Aniya, kinukuwestiyon nila ang hindi makatarungang implementasyon ng Olongapo Solar Project at ang epekto nito sa mga residente.

“Nakikita natin na hindi makatarungan itong Olongapo Solar Project sa dami ng impact nito sa apektadong mga residente. Muli, babalik tayo sa pagiisip tungkol sa RE na maganda siya pero kailangan na maayos ang ating sistema,” pagtatapos ni Claver.



Source link

Altermidya
Altermidya

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning