P10k teaching allowance, maisasabatas na – Pinoy Weekly

May 21, 2024


Lagda na lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hinihintay upang maisabatas ang dagdag allowance para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng Senate Bill 1964 at House Bill 9682 o Kabalikat sa Pagtuturo Act, isinusulong na gawing P10,000 mula sa kasalukuyang P5,000 ang teaching supplies allowance ng mga guro para sa taong panuruan 2024-2025.

Noong Marso, inaprubahan ng Kamara at Senado ang panukala at isunumite sa Malacañang upang para sa pirma ng pangulo noong Mayo 3. 

Ipinahayag ni Sen. Bong Revilla, principal author ng panukalang batas, ang kanyang pasasalamat sa mga kasamahan sa Senado at tiniyak na kakampi sila ng mga guro sa pagtataguyod sa kanilang kapakanan.

“Isang hakbang pa lamang ito sa marami pa rin nating mga ipapasang panukala upang bigyang-sandata ang ating mga guro lalo na’t ang kanilang papel na ginagampanan sa buhay ng ating mga kabataan ay hindi matatawaran,” sabi niya.

Mariin hinihimok ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang agarang pagpirma ng pangulo sa batas na produkto ng patuloy na sama-samang pagkilos ng mga guro para sa mas pinabuting benepisyo.

“Hindi na dapat patagalin pa ng pangulo ang pagsasabatas ng panukala para doblehin ang teaching allowance ng mga pampublikong guro,” ani ACT chairperson Vladimer Quetua

“Matagal nang abonado ang mga guro sa mga pangangailangan sa pagtuturo at hindi talaga sumasapat ang limanlibo kada taon. Maging ang pagkukumpuni sa klasrum tuwing Brigada Eskwela ay hinuhugot din ng mga guro mula sa sariling bulsa,” paliwanag niya.

Para kay ACT-NCR Union president Ruby Fernando, bagaman maraming guro ang matutuwa sa dagdag na allowance, aminado sila na kulang pa rin ito para tugunan ang iba pa nilang pangangailangan sa paaralan.

“Kung sa suporta, hindi kasi namin ramdam sa kabuuan yan ng gobyerno. Tinutulak yung ganitong mga batas dahil sa pagkilos ng mga teachers na in all form talagang pinaparinig sa ating gobyerno yung dapat naman talaga ay natatamasa ng matagal ng sektor ng edukasyon,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Quetua, kanilang binabalaan niya pangulo na huwag gamitin ang kaniyang kapangyarihang veto tulad ng kanyang ginawa noong sa panukalang batas na naglalayong tanggalan ng tax ang honoraria at allowance ng mga nagbibigay ng serbisyo sa panahon ng halalan, partikular ang mga guro.

Sa ilalim ng Art. 6, Sek. 27 ng Konstitusyong 1987, mayroong karapatan sa veto ang pangulo sa loob ng 30 araw pagkatapos matanggap ang panukalang batas. Maaaring maging isang ganap na batas ito kahit hindi lagdaan pagkatapos ng 30 araw.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

An across-the-board minimum wage hike is urgent, just, doable – IBON Foundation

In a House deliberation on wage hike proposals,

Sri Lanka Shows Solidarity With Gaza After Hospital Massacre

On Wednesday, hundreds of people took to the streets of