ni Bienvenido Lumbera
Tuwing umaga tumitilaok pa rin ang mga tandang,
Nag-iinat ang murang dahon ng damong ligaw,
Humahagibis ang trak ng military.
Sa hukay na inukab sa parang ng backhoe ng Ampatuan,
Nakanganga ang lupang naghihintay
Sa mga bangkay ng mga pinaslang.
Sa kagubatan, humihilab ang bunga ng durian,
At may isinasabog ang hangin na masangsang na halimuyak
Na pagdaan sa gilid ng nakangangang hukay
Ay mistulang amoy ng nalulusaw na laman.
Walang pakialam ang mga tandang, ang damong ligaw
At ang kumakaripas na mga sasakyan at ang hinog na durian,
Wala silang gunita na may naganap na pamamaslang.
Paano na ang mga inulila na naghihintay pa hanggang ngayon
Na malapatan ng katarungan ang mga berdugo at mastermind?
Sino ang babalot ng kumot sa bunsong giniginaw?
Papaano babahawin ang sugat ng malay
Ng asawang binalo ng pamamaslang?
Paano hihilumin ang pusong winindang ng biglang pasabi
Ang anak na wala namang kaaway ay walang awang pinatay?
Sumusubo ng pandesal ang abogado ng mga Ampatuan.
Minamasahe ni misis ang hita at baywang ng hukom.
Kinakamot ng burukratang kagigising lamang ang kanyang bayag
Habang tinutunghan ang pahayagan.
May nagmamartsang mga kabataan, may tarpulin na iwinawagayway:
Usigin ang mga Kriminal! Hustisya sa mga Biktima!
Ang pangkat ng mga manggagawa ay nagpipiket sa gate ng hukuman.
Nananawagang makilahok ang bayan sa paghingi ng katarungan
Ang mga pari at madreng nagdarasal.
Ang kabuktutan ng mga Ampatuan
Ay krimeng politikal na pinasikal
Ng Pangulong hayok sa kapangyarihan.
Wakasan ang pagtangkilik sa naghahari-harian,
Kamao ng hustisya, idagok sa mga kriminal!
Pag kimi ang pamahalaan, dumarahas ang sambayan.
Unang binasa ng Pambansang Alagad ng Sining at tagapangulo ng Kodao Productions na si Ka Bien Lumbera (+) ang tulang ito noong Hunyo 23, 2010 sa ika-7 buwang komemorasyon ng Ampatuan Massacre sa programang inisponsor ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Ngayon ang ika-14 na anibersaryo ng masaker. Kahit may mga nahatulang nagkasala at ngayo’y nakakulong sa krimen, mayroon pa ring nagtatago at nakakatakas sa hustisya. Samantala, hindi pa rin nakikita ang biktimang si Reynaldo Momay.