Pagkakaibigang isahan

Pagkakaibigang isahan


Sa buhay natin, hangad natin ang isang tunay at pangmatagalang kaibigan. Iyong tipong mabait, maaasahan, masasandalan, mapagkakatiwalaan, at higit sa lahat, nakasuporta sa iyo at sa mga pangarap mo sa buhay. Bata pa lang tayo, tinuturuan na tayo ng mga nakatatandang pumili ng kaibigan. Ika nga nila, “Tell me who your friends are and I’ll tell you who you are.”  

Umiiwas tayo sa mga madamot, mapanakit, plastik, mapagsamantalang kaibigan, iyong mga manggagamit at backstabber. Ang pinakadelikado sa lahat, iyong mga mapagpanggap, nagsusuot ng maskarang kaibigan, pero ang totoo, hangad ang ating paghihirap at pagdurusa.

Aplikable ang prinsipyo ng tamang pagpili ng kaibigan hindi lang sa personal na buhay, pero kahit sa pagbubuo ng relasyong bansa-sa-bansa. Sa pambansang antas, ang pagpili ng kaibigang bansa ay dapat kumikilala sa ating soberanya at kalayaan, hindi nanghihimasok sa mga usaping internal at pambansa, hindi nagtatayo ng mga base militar sa loob ng ating teritoryo, hindi nangangamkam ng mga likas na yaman at lupain, hindi nangbabansot ng pambansang ekonomiya at industriya, at higit sa lahat, hindi tayo kinakaladkad sa gitna ng digmaang wala naman tayong kinalaman. 

Kung gayon, walang dapat ipagdiwang tuwing ika-4 ng Hulyo o ang tinatawag na Filipino-American Friendship Day, dahil simula’t sapul, hindi kaibigan ng mamamayang Pilipino ang imperyalistang United States (US). Kasaysayan na ang magpapatunay na simula nang binili nila tayo mula sa kamay ng mga Espanyol hanggang sa pagbibigay ng huwad na kalayaan, hanggang ngayon, sa ilalim ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr., pagsasamantala, paghihirap at labis na panganib ang dala ng US sa samabyanang Pilipino.

Sa buong mundo, umaani ng kaaway ang US. Kung tutuusin, sino nga bang gugustuhin pang makipagkaibigan sa isang bansang hilig ang manghimasok at manggiyera? Mula sa henosidyong ginawa sa Palestine kakuntsaba ang Zionistang Israel, ilegal na pag-aresto kay Venezuelan President Nicolas Maduro at ang pag-atake sa Iran, desperado si Donald Trump sa pagigiit ng hegemonya ng US sa harap ng paghamon ng China. 

Sa desperasyong isalba ang bulok na sistemang kapitalista, ubos-lakas ang US sa pangangamkam ng pinakamalalaking reserbang langis, pagtutulak sa mga bansang itaas ang paggastos sa militar at depensa, pagluluklok ng mga papet na lider sa mga neokolonya, at labis-labis na pagpapabilis sa produksiyon gamit ang teknolohiya para sa pagtitiyak ng supertubo kapalit ang malawakang pagkasira ng puwersa ng lakas-paggawa. 

Espesyal ang lugar ng Pilipinas sa US bilang isa sa pinakamasunuring tuta. Sa nagdaang Shangri-La Dialogue sa Singapore nitong Hunyo, ipinagmalaki pa ni US War Secretary Pete Hegseth ang Pilipinas bilang matagumpay na ehemplo ng “burden sharing” sa usapin ng pagpapalakas ng depensa. Ibinida ni Hegseth ang pangunguna ng Pilipinas sa pinakamalaking magkasamang ehersisyong militar o Balikatan exercises ngayong taon.

Bagaman aminado ang Pilipinas na hindi nito kayang tugunan ang panawagan ng imperyalistang U.S. na maglaan ng mahigit 3% ng gross domestic product (GDP) ang mga bansa sa Asya para sa depensa at militar, buong-buong ibinuyangyang nito ang bansa sa mga base militar at kagamitang pandigma ng US.  

Ngayong taon, dumagdag sa pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr. ang pagpasok bilang ika-13 kasaping bansa sa inisyatibang Pax Silica ng US. Hindi na lang tayo base ng mga tropa at imbakan ng mga armas ng mga Kano, bahagi na rin tayo ng pinaigting na pandaigdigang produksiyon ng mga armas at teknolohiya ng US at ibayong pagpapalakas ng makinaryang pandigma nito. 

Sa harap ng matinding kagutuman dahil sa walang humpay na palit-gamit at pangangamkam ng lupa at kawalan ng suportang agraryo sa mga magsasaka, handa pang ipagamit ng Pilipinas ang mahigit 1,600 ektaryang lupain sa Gitnang Luzon para tayuan ng mga pabrika ng semiconductor at electronics. Dagdag pa dito ang pagpayag ng Pilipinas sa pagpasok ng mga dayuhang minahan para sa mga kritikal na mineral sa ating mga kabundukan. 

Hindi oportunidad ang ibinubukas ng Pax Silica para sa mga Pilipino. Kapalit nito ang pagkasira ng mga kabundukan, pagkamkam ng mga lupang sakahan, pagpapalayas sa mga lupang ninuno at paglalagay sa buong bansa bilang isang malaking target ng dumaraming kaaway ng US.  

Sa ika-80 taon ng paggunita sa huwad na pagkakaibigan, paalala ito sa tuloy-tuloy na paglaban ng mamamayang Pilipino para sa ganap na kalayaan at soberanya ng bansa. Kasabay ng pagtatakwil sa imperyalismong US, ang pagtatakwil sa numero unong tuta at taksil sa sambayanan, si Marcos Jr.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning