Paglaya ni Cumpio, iginiit ng mga mamamahayag – Pinoy Weekly

February 10, 2024


Sa ikaapat na taon nina Frenchie Mae Cumpio at dalawa pa sa piitan sa Tacloban City sa Leyte nitong Peb. 7, lumiham ang mga mamamahayag kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla upang hilingin ang kanilang agarang paglaya.

Sa liham ng Altermidya Network, National Union of Journalists of the Philippines at College Editors Guild of the Philippines (CEGP), hinimok nila si Remulla na pag-aralan ang paggamit sa mga batas laban sa mga mamamahayag at kritiko.

Sinabi rin ng mga grupo sa liham na obligasyon ng kagawaran na protektahan ang mga kalayaan at karapatan ng mga mamamahayag at mamamayan at itaguyod ang pagbabasura sa mga batas na ginagamit sa paglabag sa mga karapatang pantao tulad ng Anti-Terrorism Act.

Kasunod ito ng mga rekomendasyon ni United Nations (UN) Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan sa kanyang kakatapos lang na opisyal na pagbisita sa bansa. Sinabi rin ng UN expert sa kanyang exit statement na agarang palayain o pabilisin ang paglilitis sa mga kaso.

Si Khan ang kauna-unahan dayuhang pinayagan ng pamahalaan na makabisita at makausap sina Cumpio, Domequil at Abinguna sa loob ng Tacloban City Jail.

Sa 2023 Prison Census ng Committee to Protect Journalists, si Cumpio ang kaisa-isang mamamahayag na nakakulong sa Pilipinas. Sinabi ng mga grupo sa liham na lubha itong nakarurungis sa reputasyon ng bansa sa kalayaan sa pamamamahayag.

Sa parehong tala, nasa 15% ng mga mamamahayag na nakapiit sa buong mundo ang babae. Itinuturing din ni Altermidya Network chairperson Raymund Villanueva na si Cumpio ang pinakabatang babaeng mamamahayag na nakapiit sa daigdig sa edad na 25.

Sa gabi ng parehong araw noong 2020, ni-raid ng pulisya ang opisina ng alternative media outfit na Eastern Vista, kung saan executive director si Cumpio, inaresto at sinampahan ng mga gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives ang tinaguriang “Tacloban 5.”

Kasama ni Cumpio na inaresto sina Marielle Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines-Eastern Visayas, Alexander Abinguna ng Karapatan-Eastern Visayas, Mira Legion na lider-estudyante sa University of the Philippines (UP) Tacloban, at Marissa Cabaljao ng People’s Surge.

Pinayagang makapagpiyansa at pansamantalang makalaya sina Legion at Cabaljao, ngunit sinampahan naman ng panibagong kaso na “terrorist financing” sina Cumpio, Domequil at Abinguna.

Sa UP Visayas sa Miag-ao, Iloilo, nananawagan ang mga mamamahayag pangkampus at lider-estudyante ng UP System na palayain na ang community journalist na si Cumpio. Panay Today/Facebook

Ginunita rin ng iba’t ibang progresibong grupo sa Kabisayaan ang ikaapat na taon sa piitan nina Cumpio at nananawagan para sa pagbasura sa mga gawa-gawang kasong isinampa sa kanila.

Sa UP Visayas sa Miag-ao, Iloilo, nananawagan ang mga mamamahayag pangkampus at lider-estudyante ng UP System na palayain na ang community journalist na si Cumpio na dating editor ng UP Vista sa UP Tacloban at dating coordinator ng CEGP-Eastern Visayas.

Nagtipon naman ang mga mag-aaral sa UP Tacloban para talakayin ang kalagayan ng Tacloban 5, kalayaan sa pamamamahayag at karapatan ng mamamayan sa Eastern Visayas.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Reporting in Gaza conflict must be sensitive to war victims, say PH journalists

“Do no harm.” Journalist Jamela Alindogan said that this is

Arab League Congratulates Arab Countries for BRICS Membrecy

On Thursday, Arab League Secretary Ahmed Aboul-Gheit congratulated Egypt, Saudi