Pagpapabayad at sapilitang pagpapasuko, kinondena ng mga residente ng CMF Upper Catmon –

April 18, 2024


Kinondena ng mga residente ng Cornelio Martinez Francisco (CMF) sa Brgy. Catmon, Malabon City ang patuloy na panggigipit, paniniktik, at pananakot kapwa ng Joint Task Force National Capital Region (JTF-NCR) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa kabila ng kanilang laban sa higit tatlong dekada nang paninirahan bunsod ng pangangamkam sa lupa ng nagpakilalang Joselito Lopez mula pa 2017.

Ayon kay Remedios Francisco ng Sandigan ng Nagkakaisang Mamamayan ng Upper Catmon (SNMUC), nagsimula muli ang sapilitang pagdedemolish nitong Marso mula sa mga nakumbinsing residente na magpabayad kapalit ng kanilang paninirahan sa komunidad ng CMF.

Peligro ng posibleng pagguho

Anim na pamilya ang nangangambang malubog o matambakan ng lupa mula sa ginigibang landfill sa kanilang likod-bahay.

Landfill sa likod-bahay ni Remedios Francisco.

2,250 metro kwadrado kabuoang saklaw ng CMF. Higit 150 metro naman ang haba mula bungad hanggang dulong gate ng komunidad.

“Pinutol na ni Atiko Hagad yung mga Ipil-ipil at itutulak nga raw po yung lupa na mataas papunta rito sa giniba nilang bahay. Paano na lang po ang posisyon namin dito na matatambakan yung daanan namin ng lupa. Paano na po yung tubig namin yung mga hose na yan, matatabunan ng lupa e sa ngayon nga po na hindi pa nila tinutulak yung lupa eh gabundok na rin yung dinadaanan namin don?” ani Francisco.

Ayon kay Francisco, si Hagad ang tumatayong caretaker ni Lopez.

Taong 2017 nang putulan na ng kuryente ang CMF bunsod nagpakilalang pagmamay-ari ni Lopez ang lupang inookupahan ng mga residente, habang ipinaglaban naman nila ang kanilang metro ng tubig sa Maynilad.  Samantala noong 2019 ay pinabulaanan na ng mga residente ang sabwatan ng Lopez at Maynilad Malabon nang sabihing isasaayos lamang umano ang leak ng tubig sa lugar kaalinsabay ng ginawang paglipat sa mga residente.

Backhoe sa likod-bahay sa bahaging dulo ng komunidad ng CMF.

Sa kasalukuyan, mayroon nang nakapwestong backhoe sa bahaging dulo ng CMF. Ayon kay Francisco, matapos ang tuloy-tuloy na pagdedemolish ay saka itutulak na ang landfill.

“Sa tagal namin na talagang alam naming dating ilog ito, na kami na ‘yung nagpaganda ng lugar. Ayaw naming pumayag na umalis dito dahil dito na kami nakaahon, napaganda namin ‘tong lugar na ‘to tapos kung kailan napaayos na namin ‘tong lugar na ‘to tsaka nila aangkinin,” pagbabahagi pa ni Francisco.

Panggigipit at sapilitang pagpapabayad

“Alam namin yang Joselito Lopez na maraming lupang inaangkin,” ani Francisco.

Ayon sa kanya, taong 2017 pa nagsimula ang pangungumbinsing magpabayad na lamang ang ilang mga residente mula nang magpakilala ang Lopez na nakabili umano sa lupang nakasasaklaw sa CMF. Aabot sa 18 pamilya ang napilitang lumipat sa Yanga St. sa bahaging Tullahan River sa Maysilo, Malabon.

“In-offer-an nila ‘yung mga tao ng P15,000 kapalit nung pwesto sa Yanga. Ano iyan, sa Tullahan River, na danger zone din ‘yung lugar na yon,” aniya.

Bukod sa tiwangwang na lupa at halagang P15,000 ay hindi rin matibay ang sinasabing dokumento o titulo ng lupa gayong nagbabayad ang mga residente ng buwis sa munisipyo ng Malabon na nakapangalan pa rin kay Lopez, pagbabahagi pa ni Francisco.

Dagdag ni Francisco, nagpapatuloy ang ganitong iskema ng pangungumbising pagpapabayad sa tabing ng “pagbabalik-loob” na pinangunahan ng JTF-NCR kasama ang ilan sa dati nilang kasamahang sumuko sa NTF-ELCAC.

“Ginapang po nila yung mga kasamahan namin dito yun sa offer naman na P156,000, na ang P36,000 ay kay Mayor pa, sa City Hall pa nila kukunin. Habang yong malinis na P120,000 ay dito kay Joselito Lopez. Nagtataka nga kami bakit, na si Mayor nasangkot sa ganito samantalang ang sabi hindi si Mayor makikialam dahil sa ganitong sitwasyon nga namin na ongoing yung kaso,” ani Francisco.

Pinabulaanan naman ni Francisco ang JTF-NCR at NTF-ELCAC sa kabila ng lehitimo ang kanilang inirerehistrong panawagan sa karapatan sa paninirahan.

“Ang tagal-tagal ko na sa Catmon, ‘yong Kadamay ang tunay na samahan para sa maralitang tagalungsod. Pero inanuhan ng mga militar na sinasabing terorista. Walang ginawang masama ang Kadamay, bagkus lahat ng kabahayan diyan sa Sitio Sais ay binigyan pa ng pag-aaral para malaman ang karapatan sa paninirahan. Damayang mahihirap ito,” ani Francisco.

Hindi rin ipinagkakaila ni Francisco ang pagiging miyembro ng Kadamay mula pa 2015.

Mag-iisang dekada nang lumalaban si Remedios Francisco hinggil sa usapin sa katiyakan sa paninirahan.

“Hanggang sa ngayon Kadamay pa rin ako, hindi ko naman tinatakwil yun e totoo naman Kadamay ako at gusto nila akong mahawakan. Hindi ko gusto yung sa kanilang pamamaraan dahil mabuti kung kakausapin ka nang maayos e ang problema e ihahambing ka sa terorista, parang hindi naman tama yon diba?” aniya.

Panlilinlang at pananakot, banta sa pamilya ni Francisco

Ibinahagi ni Francisco na malimit ang pagpunta sa kanya ng nagpakilalang sundalo na si Erick Montemayor. Mula umano sa Civil Military Operation (CMO) si Montemayor habang hindi naman nito kinukumpurma kung saan at ano ang yunit na kinabibilangan.

Si Erick Montemayor na nagpapakilalang sundalo at nagbabahay-bahay sa CMF. (Kuha ni Remedios Francisco)

Ayon pa kay Francisco, bahagi raw ang pangalan niya sa record nina Montemayor.

“Niloko pa nga ng isang nanay yun, sabi ‘Ako Sir Eric, magkano ba makukuha ko?’ ang sagot pa sa kanya, ‘Ay sa’yo balato lang, si Ate Mimi talaga ang babayaran,’ dahil yung pangalan ko raw nakaano na don nakahanay ba na parang may record na… dahil sumasama nga raw sa rally,” ani Francisco.

Nilapitan din ng JTF-NCR ang ilang kapatid ni Francisco tulad ni Lanie Tenedero na pinakitaan pa ng mga larawang pinaslang o napaslang na miyembro ng New People’s Army (NPA). Gayundin ang kanilang nakatatandang kapatid kung saan napilitang ibigay ang imporasyon tulad ng araw ng kapanganakan, edad, at iba pa dulot ng pagkatakot.

Binahagi ni Lanie Tenedero ang pagpapakita sa kanya ng JTF-NCR ng larawan ng mga duguang katawan na hindi umano malabong mangyari sa kanyang kapatid na si Remedios Francisco kung hindi ito makikipag-usap.

“Ipinakita yong mga picture ng Ate Mimi ko, naka-red siyang t-shirt tapos si Ate Sisa, si Kuya Teng ipinakita rin niya. Pwede mangyari sa ate ko ‘to pag raw hindi nakipag-usap, pwede nga raw mangyari yung pinakita yung patay na tao sa bundok? Babae pa nga ata yung nakahandusay na yun eh, tapos meron pa sa lamesa, may mga ano pang mga damit, baril baril pa. Ayun ipinakita niya,” ani Tenedero

“Ang sabi pa nga, naano daw sila kasi kapag raw sila mapunta raw sa ibang lugar, madestino eh may papalit daw sa kanila. Eh naka-ano kung may papalit sa kanila hindi katulad nila na mabait, ayun pa ang sabi niya,” dagdag pa ni Tenedero.

Agad na nagpablotter sa barangay si Francisco kasama ang ilang miyembro ng SNMUC noong Marso 22. Ayon sa kanya, nagdulot ito sa pangangamba para sa kaniyang seguridad.

“Yun ngang sinasabing mga gawa-gawang kaso, ayon yung ikinakatakot ko don tsaka isa pa syempre alam nila na ako tumitindig dito. Iyon bang gawan ka ng hindi maganda ay talagang nandon pa rin yung kaba pero dapat ipaglaban mo iyon dahil karapatan mo iyon” ani Francisco.



Source link

Don't Miss

Relentless resistance against APEC – Bulatlat

The 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) was supposed to showcase

Lightning Strikes Kill 9 in Bangladesh

On Sunday, a sequence of lightning strikes occurred in Bangladesh