Pagpaslang sa brodkaster sa Cotabato, kinondena ng NUJP – Pinoy Weekly

Pagpaslang sa brodkaster sa Cotabato, kinondena ng NUJP – Pinoy Weekly


Nanawagan ng hustisiya ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa pagpaslang sa brodkaster ng D’ Empire Radio 104.3 FM Pikit na si Nestor Micator noong Mayo 21 sa harap ng barangay hall ng Barangay Fort Pikit sa Malidegao, Cotabato.

Ayon sa mga awtoridad, inatake ng isang hindi kilalang indibidwal ang biktima habang pauwi siya kasama ng kanyang asawa matapos nilang mamili sa bayan.

Idineklarang dead on arrival si Micator sa Cruzado Medical Hospital mula sa kanyang natamong tama ng bala sa ulo habang sugatan naman ang kanyang asawa.

Dalawang rason ang tinitingnan ng mga imbestigador sa kaso, ang pagiging miyembro ng barangay peace council at trabaho bilang mamamahayag sa radyo. 

Si Micator ang ika-11 mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa NUJP, lubhang nakababahala ang insidente dahil wala pang kaso ang nabigyang hustisya at hindi dapat madagdag si Micator sa listahan.

“Patunay ang pagpatay kay Micator na nananatili ang kawalanng hustisya at kapabayaan ng administrasyong Marcos Jr. sa pagprotekta ng mga mamamahayag at manggagawa sa midya,” panawagan ng NUJP.

Mula sa datos ng Reporters Without Borders, ika-114 ang Pilipinas sa 180 na bansa 2026 Press Freedom Index dahil sa talamak na pandarahas at panggigipit sa midya.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning