Halos apat na dekada na mula nang unang inihain ang panukalang divorce sa bansa matapos itong tanggalin sa Civil Code of the Philippines noong 1950.
Sa kasalukuyan, nanatiling nakabinbin sa 19th Congress ang House Bill (HB) 9349 o An Act Reinstituting Absolute Divorce as an Alternative Mode for the Dissolution of Marriage matapos itong maipasa ng Committee on Population and Family Relations noong 2023. Hinihintay nito ngayon ang ikalawang pagbasa sa plenaryo.
Urong-sulong
Ang pagpasa sa komite ay isang malaking hakbang sa pagsulong sa usapin sa diborsyo, subalit sa sesyon ng Kamara noong Ene. 22, tinalakay ang pagbalik muli ng divorce bill sa antas komite, dahil sa hindi umano ito dumaan sa Committee on Appropriations.
Mariin itong tinutulan ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, isa sa mga pangunahing may-akda at nagsusulong ng divorce bill.
Aniya, libo-libong kababaihan sa Pilipinas ang naghihintay ng pagpapatupad ng batas na ito, lalo na’t ang mga asawa ang biktima ng mapaminsalang relasyon at nawasak na mga kasal dahil sa karahasan.
“Kahit na walang nakasaad sa batas para sa laang-salapi, maaari itong bigyan ng karampatang pondo sa General Appropriations Act. Kaya walang dahilan upang baliktarin pa ang desisyon sa partikular na kasong ito. Ginagawa lang ito para maantala ang pagpasa ng diborsiyo sa Pilipinas,” ani Lagman sa Ingles.
Sinegundahan ito ni Gabriela Women’s Party (GWP) Rep. Arlene Brosas, “Ito po ay kailangan ng mga kababaihan na nagsusulong sa pangangailangan sa divorce law sa ating bansa. Ito po ay pagbabalik sa divorce bilang rights-based option ng majority ng ating mga Pilipino.”
Hindi na bago ang urong-sulong na sitwasyon. Noong 18th Congress, nahinto rin ang panukala dahil pa rin sa kakulangan daw ng probisyon sa paglalaan ng pondo.
“Isang challenge sa amin [sa GWP] na maraming mambabatas na ayaw sa divorce bill, marami rin conservative groups na ayaw sa divorce. Challenge ito para mapalawak pa [ang] lobbying. At hopefully, this quarter ay maipasa ito sa Congress,” ani Cha Castaño, public relations officer ng GWP.
Dismayado ang Divorce for the Philippines Now International (DiPi) sa naging desisyon ng Kamara na ibalik muli ito sa antas komite dahil ang “4th hearing” na ito ay makakapagpabagal lang ng proseso.
Nitong Peb. 6, isinalang sa close door meeting ang HB 9349 para sa “further consideration” sa ilalim ng Committee on Population and Family Relations, na pinamumunuan ni Isabela Rep. Ian Paul Dy, kasama sina Lagman, Brosas, Negros Occidental 4th District Rep. Juliet Ferrer, at ang ilang miyembro ng DiPi.
Naging positibo ang usapan sa komite at inaasahang maisasalang na sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ang divorce bill sa Peb. 20.
Naghahanda na ang grupong pabor sa diborsiyo, hinihikayat ang mga miyembro at publiko na makiisa at sama-samang tumungo sa Batasang Pambansa bilang suporta sa pagsulong ng pagsasabatas nito.
Kalayaan sa abuso
Kalayaan mula sa siklo ng pang-aabuso mula sa mga asawa ang hiling ng mga kababaihang nagsusulong ng pagsasabatas ng diborsiyo.
Sa buong mundo, bukod sa Vatican City na sentro ng Katolisismo, Pilipinas na lang ang wala pang batas sa diborsiyo.
Nitong Enero, isang overseas Filipino worker (OFW) na patungong Qatar ang naudlot ang sana’y pansamantalang paglaya mula sa pang-aabuso ng mister. Ngunit hindi ito natupad matapos sirain ng kanyang asawa ang kanyang pasaporte’t mga dokumento sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon sa OFW na si Myren Detari, nakipaghiwalay siya sa kanyang asawa noong nakaraang taon dahil sa pisikal na pang-aabuso.
Isa ang kaso ni Detari sa 17% o isa sa apat na kasal na babae na nakararanas ng pisikal, seksuwal at emosyonal na abuso mula sa kanilang asawa ayon sa 2023 National Demographic and Health Survey.
Para kay Shey Abonita, miyembro ng Divorce Pilipinas Coalition, “insekyuridad ng lalaki” ang isa sa dahilan sa pang-aabuso sa kanilang asawang babae dahil nagagampanan nito ang trabahong sila dapat ang gumagawa para sa pamilya, upang maipakita ang kanilang “dominasyon,” nauuwi ito sa karahasan.
“Bukod sa kakulangan sa trabaho at mababang sahod dito sa Pilipinas ay nakakaranas din talaga [ang mga babaeng OFW ng] abuso sa kanilang partners, kaya ito ‘yong nagiging way out nila para magpunta sa ibang bansa para mag-break free doon sa toxic at abusive relationship,” ani Castaño.
Sa ulat Center for Women’s Resources noong 2022, umabot sa 24,635 kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan at bata. Katumbas ito ng 75 biktima bawat araw o tatlong biktima kada oras.
“Malaki po ang kasalanan natin kung according sa study ng [Center for Women’s Resources], every 14 minutes and 16 seconds, a woman is battered by [her] husband or partner. Matindi ang domestic violence sa atin, not by the hour, but in minutes,” ani Brosas isang sesyon sa Kamara.
Itinuturing pa rin na mababa ang bilang dahil maraming kaso ng karahasan at pang-aabuso sa mga kababaihan ang hindi naiuulat dahil sa takot, kahihiyan at kultura ng paninisi sa biktima (victim blaming).
“Kung alam lang sana ng lahat ang malulungkot at nakakatakot na kuwento ng mga solo parent at iba pang mga kababaihan mula sa kanilang mga mapang-abusong asawa o kasintahan, at kung gaano kahirap ang pinagdadaanan kahit pagkatapos ng paghihiwalay,” dagdag ni Abonita na 10 taon ng hiwalay sa asawa at mag-isang itinataguyod ang tatlong anak.
Habambuhay na pagkatali
Sa kawalan ng diborsiyo sa bansa, patuloy na natatali ang babae sa kanilang mga dating asawa, partikular ang pagdadala ng apelyido nito kahit matagal ng hindi nagsasama.
Ayon sa Women’s Priority Legislative Agenda ng Philippine Commission on Women, ang mga legal na paraan sa kasalukuyan tulad ng annulment o legal separation ay limitado at dumadaan sa mahaba at magastos na proseso na hindi kayang bayaran ng mga babaeng nalimitahan sa bahay o maliit ang kinikita.
Pinahihintulutan lang ng umiiral na batas na mamuhay nang hiwalay mula sa asawa, ngunit patuloy na nakatali ang kanilang mga ari-arian at dokumento sa dating karelasyon. Hindi nito lubos na nabibigyan ng proteksiyon ang kababaihan sa kasong adultery kung sila ay magpasya na pumasok sa bagong relasyon.
“Ten years na naming nila-lobby ang divorce, maawa naman sila,” ani Cici Jueco, convenor ng DiPi.
Dagdag ni Jueco, “Kadalasan ang mga kababaihan ang naiiwan, sila ay nahihirapan, marami [sa miyembro namin ay nakipagrelasyon muli pagkatapos makipaghiwalay sa asawa], pero ang tawag pa rin sa kanila ay kabit. They are all living in limbo, they were ostracized as immoral or satanic.”
Noong 2010, nagsimula ang adbokasiya ni Jueco sa pagsusulong ng diborsiyo at pagsisimulang mag-lobby upang tuluyang maproseso ang pakikipaghiwalay niya sa kanyang dayuhang asawa.
Kinikilala man sa Pilipinas ang diborsiyong ipinetisyon at inaprubahan sa ibang bansa ng banyagang asawa sa ilalim ng Family Code of the Philippines, masalimuot pa rin ang proseso ng Recognition of Foreign Divorce sa mga korte.
“As a Filipina, ipapa-recognized mo [ang foreign divorce] dito sa regional trial court, but [you] still have to get an international lawyer na Filipino to represent you. Ang daming process niyan lalo na kung hindi English ang first language ng foreign spouse mo,” dagdag ni Cici.
Nakikita niyang “hindi patas” ang mga kasalukyang umiiral na batas dahil hanggang ngayon dala pa rin niya ang apelyido ng dating asawa, magiging sapat lang ito kung tuluyang nang maisasabatas ang divorce sa Pilipinas.
Bagong simula
Simula ng sumabak sa Kongreso ang GWP, isa ang pagsulong sa diborsiyo ang pangunahing panukala na nais nilang maisabatas.
Para sa kanila, ito ang pagkakataon ng mga kababaihan na makapagsimulang muli ng kanilang buhay mula sa abusadong relasyon.
“Itong divorce bill [ay] magbibigay [din] ng chance sa mga bata na lumaki sa isang environment na healthy at hindi nila nakikita ang mga magulang nila na nag-aaway. This is not only for those who want to break up with their partners, but for the children as well,” ani Castaño.
Saksi si MJ Sibalon, 40, at mga anak niya sa bagong simulang buhay sa piling ng kanyang bagong partner na tinanggap at minahal na parang tunay na ama ang kanyang apat na anak.
Nakipaghiwalay si MJ sa kanyang mister noong 2018 dahil sa pisikal na pang-aabuso at paggamit ng ipinagbabawal na gamot na nakakaapekto sa kanilang mga anak.
Mula nang naghiwalay, hindi na muli nagbigay ng suporta ang kanyang dating asawa at mag-isang itinaguyod ang mga anak. Noong nakilala niya ang kanyang bagong partner, naging “katuwang at nagpagaan” nito ang pagpapalaki sa mga bata.
“Kapag naipasa ‘yang divorce [bill], isa ako sa unang magpa-file [dahil] deserve kong maging masaya [muli],” tugon ni Sibalon nang tanungin sa balak na pagpapakasal sa kanyang bagong kinakasama.
Sa kasalukuyan, patuloy na nananawagan ang mga pro-divorce advocate na magkaroon ng referendum o bigyang partisipasyong bumoto ang publiko hinggil sa desisyon ng pagsasabatas ng diborsiyo sa bansa.
Kaisa ang GWP sa pagsulong para sa bagong pagsisimula ng mga kababaihan ang pagpasa sa divorce bill. Hangad nilang mapalawak at maipaliwanag pa sa mamamayan ang importansya ng diborsiyo at marinig ang saloobin ng tao dito at hindi lang ng iilan.