Naglabas na ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema nitong Okt. 29 dahil sa mga petisyon ng magkakaibang grupo kabilang ang Bayan Muna Partylist para pigilan ang pagsasauli ng natitirang P29.9 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) sa national treasury.
“Sumisimbolo ng tagumpay ang desisyon ng korte hindi lamang sa mga nagpetisyon kung hindi pati sa mga Pilipinong naniniwala sa kahalagahan ng pananagutan sa paggastos ng gobyerno,” pahayag ni Bayan Muna Partylist vice chairperson Teddy Casiño.
Agarang magiging epektibo ang TRO kaugnay ng tatlong magkakasunod na petisyong inihain ng 1Sambayan, Bayan Muna Partylist at ni Sen. Koko Pimentel na tumututol sa pagsasauli ng hindi nagamit na pondo ng Philhealth na balak gamitin sa unprogrammed appropriations.
Bagaman desisyon ng korte, hindi sakop ng TRO na maibalik ang mga naunang pondong naisalin ayon kay Supreme Court spokesperson Camille Ting.
“‘Yong TRO ay para lang talaga pigilang mailipat pa ‘yong natitirang pondo ng Philhealth sa national treasury,” aniya.
Sa kabuuan, P60 bilyon na ang naisasauli sa Bureau of the Treasury na mariing kinondena ng mga nagpetisyon. Nailipat ang third tranche ng sobrang pondo noong Okt. 16 na nagkakahalagang P30 bilyon kung kailan naghain ng petisyon para sa TRO ang Bayan Muna Partylist sa parehong araw.
Gayunpaman, iginiit pa rin ng grupo na mahalaga ang naging pasya ng Korte Suprema sa sektor ng kalusugan.
“Hinihikayat namin ang lahat na igalang ang TRO at tiyakin na ang mga pondo para sa pampublikong kalusugan ay hindi ginagalaw para sa ibang bagay. Mananatili kaming mulat para siguraduhin ang makabayang gobyerno na uunahin ang interes ng mga tao,” ani Casiño.
Samantala, nirerespeto naman ng Department of Finance ang inilabas na TRO. Sa pahayag ni Finance Secretary Ralph Recto, kinikilala aniya nila ang karapatan ng bawat mamamayan na humingi ng tulong sa Kataas-taasang Hukuman.
Dagdag pa niya na mandato ito sa ilalim ng General Appropriations Act of 2024 na aprubado ng Kongreso at sumangguni muna ang ahensiya sa legal na mga eksperto kabilang ang Office of the Government Corporate Counsel at Commission on Audit bago tumungo sa paggamit ng pondo ng mga government-owned and controlled corporation.
