May kumakalat sa Facebook na opinyon na “Why the ‘Winnability’ Mindset is Undermining Democracy” mula sa Ang Alpas Publication. Ipinupunto nito na pumapabor ang ganitong kaisipan sa mga “winnable” na kandidato kahit wala silang prinsipyo, plataporma at kakayahang karapat-dapat na iboto. Pakikisangkot at paghulma sa kinabukasan ang demokrasya (at pagboto) sabi nito.
Mahusay na ipinaliliwanag ng opinyon kung bakit kailangang bumoto ng mga kandidatong may mga kaparehong pinahahalagahan sa mga botante, kahit pa “unwinnable.” Pagsuhay ito na tama lang na bumoto batay sa ating mga pinaniniwalaan.
Medyo kalabisan ang pagdidiin na “parasitiko sa ating politika” ang kaisipang “winnability” na sumisira sa demokrasya. Maaaring magdulot ito ng maling interpretasyon na ‘di malabong humantong sa paninisi sa mga botanteng Pilipino.

Totoong kontrabida
Mas dapat pagbuntunan ng sisi sa pagsira sa demokrasya ang mga tradisyonal na politiko (trapo) at kanilang mga backer na malalaking negosyante na nangingibabaw at bumabaluktot sa sistemang elektoral.
Kontrolado ng kanilang salapi at poder ang mga halalan, habang iniitsapuwera ang mga totoong makamasang alternatibo. Ginagamit nila ang pamamadrino at karahasan para pagtibayin ang kanilang dinastiya. Tinitiyak nila na pabor ang mga patakaran sa mga mayayaman imbis na sa mas nakararaming mahihirap. Minamanipula nila ang isipan ng mamamayan sa mga kasinungalingan at disimpormasyon.
Higit pa sa kagustuhang mapabilang sa panig ng mga nagwagi, maraming Pilipino ang walang totoong pagpipilian, wala ring naaayong impormasyon at espasyo para paglimian ang kanilang pinili. Higit sa pagboto sa “winnable,” bumoboto ang mga Pilipino sa mga pamilyar na pangalang paulit-ulit nilang naririnig at partikular doon sa mga ipinipinta ang sarili bilang matuwid at umiiwas sa mga kontrobersiyang maaaring makabawas sa kanilang boto.
Sa huling sarbey ng Pulse Asia noong Abril 20-24, 2025 para sa senatorial preference, may 95-99% na universal awareness ang nasa top 15 na kandidato, habang mag 97-99% ang tinaguriang “Magic 12.”
Hindi ito dahil sa prinsipyo o patakarang isinusulong, kundi dahil sa kanilang mga pamilyar pangalan bilang dinastiya, mandarambong at media personality. Maluluklok sila sa kapangyarihan dahil sa kanilang kasikatan, hindi dahil may magagawa silang makabuluhan.
Totoong bayani
Sa kabilang banda, may 2% hanggang 30% awareness ang 15 kandidato ng Kaliwa na may potensiyal na makapag-ambag sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipino. Karamihan sa kanila’y nasa ibaba ng nasabing saklaw. Nasa tatlong kandidato lang ang nasa 20% pataas, may tatlo na nasa 10-19% habang ang iba’y nasa 2-9% awareness.
Kung titingnan, malayong mapasama sa “Magic 12” ng sarbey ang mga progresibong Kaliwang kandidato kahit iboto sila ng lahat ng nakakakilala sa kanila, liban kay Teddy Casiño ng Makabayan Coalition na may pinakamataas na awareness sa kanila sa 30%.

Sa madaling sabi, hindi ka iboboto kung hindi ka kilala ng botante, at lalong mas mahirap kung kilala ka nga ng mga botante pero puntirya ka naman ng sistematikong paninira at red-tagging ng estado at ng naghaharing uri sa lahat ng paraang kaya nila.
Mabunga ang pananaw hinggil sa pagboto sa isang demokrasya, kailangan nating bumoto ayon sa ating pinaniniwalaan, may kritikal na kuwalipikasyon na totoo at hindi binaluktot ng kasinungalingan, dismpormasyon at propaganda ang pinaniniwalaan natin. Ipinapakita ng ating boto naniniwala tayo sa mas mabuti.
Kaya naman ginawa ng Kaliwa ang pinakademokratikong paraan nitong halalan. Nagpatakbo ang Makabayan Coalition ng 11 senador na may komprehensibong plataporma na kumakatawan sa mga kahingian, pangangailangan at mithiin ng mga ordinaryong Pilipino. Sila ang pinakamalaking balakid sa mga trapo, oligarko at dayuhang kapital na malaon nang namamayagpag sa bansa sa mahabang panahon.
Totoong pagbabago
Kabilang ang pagsabak sa halalan sa mapangahas na politika ng Kaliwa na bagaman limitado sa kakayahan nitong magdala ng radikal na pagbabago ay maaari pa ring maging lunsaran ng pagtataas ng kamalayan, panghahamon sa dominanteng naratibo at pagbubuo ng kilusang masa.
Ibinabaling ng Kaliwa atensiyon sa karapatan sa paggawa at katarungnang panlipunan, pananamantala at sistemikong ‘di pagkakapantay-pantay, at pambansang industriyalisasyon sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo—mga paksang ‘di pinapansin ng mga trapo.

Ang kanilang paglahok ay isa ring senyales na may alternatibo sa politika ng mga naghaharing uri at mas mahirap sa sistema na ‘di sila pagtuunan ng pansin. Mainam kung mas may malawak na media coverage, debate at panayam sa kanila para ipamandila ang kontra-makapangyarihang ideya imbis na lalong pag-usapan ang eleksiyon bilang isa uri ng karera, kompetisyon o paligsahan ng popularidad.
Isang plataporma ang kampanya para makipagusap sa mamamayan para magbigay ng pampolitikang edukasyon at mahimok na sumama sa pampolitikang pagkilos labas ng eleksiyon.
Madalang mangyari ang madaliang pampolitikang pag-igpaw at nasa pang-araw-araw na pakikibakang masa na may pana-panahong kampanyang elektoral ang maaaring makapaghanda ng daan sa rebolusyonaryong tagumpay kapag pumabor ang kalagayan. Nagmumula sa kilusang masa ang totoong pampolitikang pagbabago, hindi sa ilang sandali ng tagumpay sa halalan.
Nasa paninindigan ng isang tao ang halaga ng isang boto, hindi sa pagpili ng madaling manalo. Hindi ito pagtataya ng kung sino ang mauupo sa poder, kundi isang pagkilos ng konsensiya at
Kapag ang boto sa Kaliwang tumitindig kasama ng mga maralita, obrero, magbubukid, katutubo at marhinado, isa rin itong deklarasyon ng pakikiisa at pagtatakwil sa nakasanayan. Isa itong pagpili sa lalim ng unawa hindi kababawan, liwanag hindi kasikatan, at prinsipyo hindi populismo.
Kailangan ng pag-asa at tapang ng laban tungo sa hustisya at maaaring magbunga nang malago ang mga boto sa panandaliang sandali ng halalan. /Salin ni Marc Lino J. Abila
*Unang inilathala ng Ibon Foundation noong Mayo 12, 2025.
