Pambansang industriyalisasyon, hindi Cha-cha – Pinoy Weekly

January 21, 2024


Maayos na paglatag ng gobyerno ng polisiyang pang-industriya at hindi Charter change (Cha-cha), ito ang ipinunto ng Ibon Foundation sa 2024 Yearstarter Birdtalk sa University of the Philippines Diliman nitong Ene. 18 .

Sentro ng panukalang Cha-cha isinusulong ng isang people’s initiative ang 100% tuwirang pagmamay-ari ng mga dayuhan ng lupa at negosyo sa Pilipinas.

Ayon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagbubukas ng ekonomiya ay aakit sa mas marami pang dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Binigyang diin nina Ibon executive director Sonny Africa at research head Rosario Guzman na hindi sapat ang foreign investment para sa economic growth ng bansa.

Sa nagdaang 75 taon na pagkakaroon ng foreign investment sa bansa, nanatiling pinakamaliit na bahagi ng gross domestic product (GDP) ang sektor ng manupaktura at patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga empleyado sa nasabing sektor sa nagdaang dalawang dekada. 

Ayon kay Africa, kung mas maraming foreign investment ang Pilipinas ngayon kaysa sa mga naglalakihang bansa noong economic take-off, nakahanay na rin dapat ang bansa sa mga ito. 

Sabi naman ni Guzman, kinakailangan ng gobyerno na maglatag ng maayos na national industrial policy upang matiyak na tunay na makikinabang ang bansa sa mga papasok na foreign investment.

“We have to lay down the national industrial policy, at mula doon, nandoon ‘yong mga principles na paggamit ng financing, paggamit ng utang, at direksyon nang mismong policy na ‘yon for real industrial development for [the Philippines],” ani Guzman.

Dagdag pa ni Africa na magiging mainam lang ang foreign investment kung mayroon itong kontribusyon sa kalakalan sa bansa sa larangan ng technology transfer, manupaktura, pag-oorganisa ng mga kompanya, at pagkakaroon ng akses sa export markets.

“On the other hand, kung papasukin mo lang [ang mga foreign investor], ‘yong bad niya ang tatampok talaga kasi kikita siya. Kikita [ang mga foreign investor] from the incentives na [ibinibigay ng gobyerno], kikita from the cheap labor, from wage oppression, kikita siya for making sure na hindi siya naoobliga to develop future competitors,” ani Africa. 

Para sa Ibon, magreresulta lang ang Cha-cha sa ibayong kalayaan sa mga dayuhang mamumuhunan para kumita nang malaki mula sa atin na iuuwi nila sa kanilang sariling bansa na hadlang sa tunay na kaunlaran ng Pilipinas.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss