Kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagpapalipad ng Tomahawk missile mula Leyte hanggang Nueva Ecija na bahagi ng live fire exercises sa Balikatan joint military exercises ngayong taon.
Sa isang protesta sa labas ng Camp Aguinaldo sa Quezon City nitong Mayo 8, huling araw ng Balikatan, sinabi ng Bayan na hinahayaan ng gobyerno na gamitin ng United States (US) ang bansa bilang base ng mga sundalo nito kahit pa nagiging banta ito sa seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino.
“Hangga’t nandito ang missile system, puwede ’yang targetin ng mga kaaway ng US, kaya hindi ito para sa ating soberanya o kapayapaan,” ani Bayan secretary general Raymond Palatino.
Pinalipad ang Tomahawk missile bandang alas-dose ng madaling-araw noong MAyo 5 mula sa lugar na paglulunsad sa Tacloban Airport sa Leyte patungong Fort Magsaysay sa Nueva Ecija na may distansiyang 630 kilometro.
“Ang Pilipinas, training ground, staging ground ng US at ng mga alyado nito, pumapayag ang gobyerno ng Pilipinas na gamitin ang Pilipinas para sa proteksiyon ng military power ng US, ang mga rekurso na ginagamit for ayuda, for social services, ginagamit for hosting ng Balikatan,” ani Palatino.
Bagaman tapos na ang Balikatan 2026, batid ng grupo na hindi pa tuluyang aalis sa bansa ang mga dayuhang sundalo.
Liban sa mga tropa ng US, kasama rin ngayong taon ang mga sundalo ng Australia, Canada, France, Japan, New Zealand at United Kingdom na aabot sa kabuuang 17,000 na sundalo kabilang ang mga sundalong Pilipino.
Nababahala ang Bayan sa kaligtasan ng mga residente ng nakatira sa paligid ng mga kampo militar ng Armed Forces of the Philippines na nagsisilbi ring kampo ng mga Amerikano sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sa kasalukuyan, mayroong siyam na EDCA site sa buong bansa kabilang ang Fort Magsaysay.
Patuloy na iginigiit ng Bayan na paalisin na ang mga kampo at tropang Amerikano sa Pilipinas at ibasura ang mga tagibang na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas kasama ang Visiting Forces Agreement at EDCA.
