“Hindi kami aalis!” halaw ito sa liriko ng kanta ng Musicians For Peace tungkol sa paglaban ng mamamayan par igiit ang karapatan sa paninirahan sa kabila ng kaliwa’t kanang atake. Gayundin ang panawagan ng sektor ng magsasaka at mangingisda na humaharap sa usapin ng militarisasyon, sapilitang pagbabakwit, reklamasyon, at iba pa.
Nakiisa ang mga grupo ng mga magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang dako ng bansa kasama ang mga progresibong organisasyon sa isang kilos-protesta para gunitain ang ‘Buwan ng mga Pesante’ ngayong ika-20 ng Oktubre, 2023, sa kahabaan ng Mendiola.
Bitbit ng kanilang hanay mula Welcome Rotonda ang mga placard, streamer, kasabay ang dagundong na sigaw para sa kanilang panawagan sa tunay na reporma sa lupa, palakasin ang lokal na produksyon, itigil ang militarisasyon at pamamaslang sa mga magsasaka at iba pa.
Kabilang din sa mga nakiisa ang mga mangingisda daing ang proyektong reklamasyon na isinasagawa tulad sa Manila Bay na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan, pagpapalayas sa mga komunidad na kalapit ng mga coastal area, maging ang pagpatay sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Lupa ang dahilan
Tunay na reporma sa lupa at karapatan sa kabuhayan— ito ang nagkakaisang panawagang sigaw ng mga mangingisda at magsasakang dumalo sa kilos-protesta na bunsod ng kabi-kabilang problema sa kanilang sektor partikular ang pangangamkam ng lupain at reklamasyon na hindi nabibigyang aksyon ng pamahalaan.
Mula Rizal, laban para sa lupain ng mga katutubo at magsasaka ang dala-dalang panawagan ni Len, isang babaeng magsasaka at miyembro ng ‘Protect Sierra Madre For the People.’
Paglalahad niya, ang mga proyekto sa kasalukuyan lalo na ang konstruksyon ng Kaliwa, Kanan, at Laiban Dam ay lubhang mapanganib dahil bukod sa pagsira nito sa mga pananim, inaalisan din nito ng tirahan ang mga katutubong Dumagat.
Ani Len, “Binigyan ng karapatan ng ating gobyerno ang malaking dambuhalang proyektong ito, binigyang daan para sa kanilang pansariling kapakinabangan na binabanggit nila na para sa kapakinabangan daw ng mga mamamayan subalit hindi naman nakikinabang ang ating mga katutubong Dumagat at ang ating mga magsasaka dahil ito ay sumisira sa mga pananim at nawawalan ng seguridad sa kabuhayan ng ating mga katutubo.”
Aniya, lumalaban siya hindi lang para sa kaniyang pamilya, kundi para sa buong mamamayan ng Sierra Madre lalo pa’t pitong barangay sa Tanay at dalawa sa Quezon ang lulubog kung magtutuloy-tuloy ang mga proyektong ito.
“Hindi dapat maliitin ang isang babaeng magsasaka dahil ang isang magsasaka ay bumubuhay sa buong lipunan natin kaya isang marangal ito na hanapbuhay,” dagdag ni Len.
Isa rin sa mga pangunahing banta na kinahaharap ng mga mangingisda at magsasakang lumahok sa kilos-protesta ay ang banta ng kaliwa’t kanang reklamasyon.
Sigaw ni Michael Villagracia, Chairperson ng Anakbayan Manila, ang mariing pagtutol sa reklamasyon sa Baseco Compound na nakasisira lamang sa kalikasan at nakamamatay sa kabuhayan ng mga mangingisda.
“Ngayon, dahil sa patuloy na pagtindig ng mga mamamayan ng mga taga-Baseco, ay nariyan din siyempre ‘yung atake ng pasismo, atake ng estado sa pamamagitan ng paghahanap sa mga lider, kinakausap yung mga lider, at nagbabahay-bahay. Nagpapakalat pa sila ng black propaganda,” aniya.
Isa rin sa mga nakiisa sa pagkilos si Ronnel Arambula ng PAMALAKAYA na naniniwalang napakayaman ng bansa at hindi matatawaran ang kasipagan ng mga mangingisda ngunit sila ay patuloy na naghihikahos dahil sa mga programa, batas at patakarang hindi tumutugon sa batayang pangangailangan na ipinapamandila mula pa sa mga nakaraan hanggang sa kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa Philippine Reclamation Authority, kasalukuyang nasa 187 ang proyektong reklamasyon sa iba’t ibang dako ng bansa. 22 dito ay isinasagawa sa kahabaan ng Manila Bay na tinatamaan ang mga lugar sa NCR, Region 3, at Region 4A.
Saad ni Arambulo, sa gawi ng Bulacan kung saan itinatayo ang New Manila International Airport, 700 na pamilya ang nawalan ng kabuhayan at 600 na mga mangroves ang pinutol. Karagdagan dito ang patuloy na dredging sa bahagi ng Cavite. Nasa 80-90% na porsyento ang ibinaba ng kita ng mga maliliit na mangingisda. Ilan sa mga bayang naaapektuhan nito ay ang Naic, Rosario, Tanza at Cavite City.
Sinuspinde ng pamahalaan ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay noong ika-7 ng Agosto ngayon taon. Ngunit sa kabila ng sinasabing suspensyon ay nagpapatuloy ang dredging activities sa karagatan sa bahagi ng Cavite, Maynila, Navotas at iba pa ayon sa PAMALAKAYA.
“Kaya mas maganda na makiisa, lumahok sa tuloy-tuloy na paglaban ng mga mamamayan, dahil ang amin p
ong mga ipinaglalaban ay para rin po sa lahat, hindi lamang po para sa aming sarili, kapag nagtagumpay po ang laban na ito, lahat po tayo makikinabang,” ani Villagracia.
Itigil ang militarisasyon
Malinaw sa mga placard na bitbit ng mga dumalo sa pagtitipon ang kanilang maugong na panawagan na panagutin ang pamahalaan sa mga karahasan at banta tulad ng red-tagging at militarisasyon na kanilang idinulot sa hanay ng maralitang sektor sa siyudad at kanayunan.
Ayon sa KARAPATAN, higit 6,391 na ang kaso ng mga pambobomba, 13,352 sa kaso sa sapilitang paglikas, at 7,712 sa kaso ng mga pamamaril sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr mula Abril hanggang Hunyo 2023. Nakapagtala rin ng 1,579,846 na kaso ng mga pagbabanta, harrassment at pananakot na patuloy pa ring nadaragdagan sa kasalukuyan.
Kamakailan lang din nang naiulat ang pagpatay sa mag-asawang sina Mylene Salgado Vargas at Christian Job Vargas sa E.B. Magalona, Negros Occidental noong ika-17 ng Oktubre. Kinondena naman ito ng Kilusang Magbubukid ng Pilpinas at sinabing kasinungalingan lamang ng militar ang sinabing napaslang ang mag-asawa sa isang engkwentro sa pagitan ng 79th Infantry Battalion (IB) at ng New People’s Army (NPA).
Sa kabilang banda, katumbas ng walang habas na pambobomba dulot ng militarisasyon ay ang sapilitang pagpapalayas at dislokasyon sa mga magsasaka at katutubo mula sa kanilang lupang ninuno tulad din ni Len.
Aniya, dumalo sila ngayon sa kilos-protesta upang ipanawagan ang pangangailangan ng mga magsasaka at katutubo sa dekalidad na edukasyon, pagkilala sa kanilang sariling-pagpapasya, at pagpapahalaga sa kanilang kultura sa halip na burahin ito sa kanilang pagkakakilanlan.