Pilipinas, lumilihis sa landas tungong malinis na enerhiya


Bagong batas para sa natural na gas, binansagang insulto ng mga makalikasang grupo

Ni Gaea Katreena Cabico / Dialogue Earth

Nag-aalala si Wilma Abanel sa kumakaunting isdang kanilang nahuhuli mula sa dagat sa palibot ng Verde Island sa Batangas. Ang tinaguriang Verde Island Passage ang sinasabing isa sa sentro ng saribuhay (biodiversity) sa mundo kung saang maraming mangingisdang tulad niya ang umaasa. Subalit banta ang dumaraming pasilidad ng liquefied natural gas (LNG) sa mga kalapit na lugar. Sinisira aniya ng mga pasilidad na ito ang santuwaryo ng mga isda.

“Marami kaming nahuhuli noon at maalwan ang aming buhay bago ang mga plantang iyan. Napagaaral namin ang aming mga anak,” ani Wilma.

“Subalit noong dumami na ang mga planta, nagkaroon kami ng malaking problema dahil hindi lamang ang aming kabuhayan at kita ang apektado. Higit sa lahat, ang pagkasira ng kalikasan at aming aming kalusugan,” dagdag niya.

Isang natural na gas ang LNG, na pinalamig upang maging likido para mas madaling imbakin at ibiyahe ng mga dambuhalang barko gaano man kalayo. Pagdating nito sa mga pantalan, iinitin ito upang bumalik sa dating estado. Mula rito, pinapadaloy sa mga tubo patungong mga planta ng enerhiya kung saan sinusunog para lumikha ng kuryente.

Nitong unang bahagi ng Enero, pinirmahan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Natural Gas Industry Development Act upang isulong ang paggamit ng natural na gas bilang “ligtas, mabisa at murang panggatong” para sa mga planta ng kuryente. Kinakailangan ito umano ng bansa para sa seguridad sa enerhiya.

Isang bahagdan ang paggamit ng bansa ng LNG patungong higit na pagsandig sa nababagong enerhiya, ayon sa batas. Subalit kahit pa sinasabi ng baong batas na ito na uunahin ang lokal na suplay, inilalagay nito ang Pilipinas bilang isang mayor na taga-angkat ng LNG mula sa ibayong dagat.

Ipinaliwanag ni Senador Pia Cayetano, ang awtor ng batas, na ang pagsiguro ng maasahang suplay ay makakabawas sa bulnerabilidad ng bansa sa pabago-bagong presyo dulot ng mga kaganapang geopolitikal tulad ng digmaang Rusya-Ukraine.

“Mukha itong tulay na walang patutunguhan.”
Krishna Ariola, kampanyador ng Center for Energy, Ecology, and Development

Ayon sa Senadora, bawas na ang bilang ng nakikitang pagmumulan ng natural na gas sa Pilipinas nitong mga nakaraang dekada. Samantalang higit na 150 na balon ang hinukay noong 1970s, wala namang bagong paghuhukay simula 2019. Natigil na rin ang paggagalugad ng kumpanyang petrolyo ng Pilipinas na PXP Energy Corp sa mga bahagi ng West Philippine Sea tulad ng Reed Bank na mayaman sa mga deposito. Dahil ito sa panghihimasok ng Tsina na umaangkin sa teritoryo.

Simula pa noong 2001, nanggagaling naman sa Malampaya Gas Field sa gawing Palawan ang kalahati ng kuryenteng gamit ng Pilipinas mula sa natural na gas. Subalit tinatayang mauubos na ito sa taong 2027, bagay na nagtutulak sa bansa na maghanap ng iba pang pagmumulan ng panggatong at enerhiya.

“Una sana ang Malampaya sa maraming balon ng natural na gas sa Pilipinas, subalit nanatiling nag-iisa ito sa matagal na panahon,” ani Cayetano. “Kailangan ng bansa ang marami pa sanang Malampaya, ngunit malapit nang matuyo ang nag-iisa nating balon.”

Subalit ayon sa mga eksperto sa enerhiya at mga tanggol-kalikasan, ang ibayong pagsandig sa natural na gas ay ibayong pananalig sa maruming panggatong na makakapagpabagal sa layuning lumipat na ang Pilipinas sa malinis na enerhiya.

“Malinaw na indikasyon ang batas na iyan na lumilihis ang gobyerno sa ipinangako ng presidente sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) kaugnay ng nababagong enerhiya. Mukha na itong tulay na walang patutunguhan,” ani Krishna Ariola, isang kampanyador ng grupong Center for Energy, Ecology, and Development.

Sa kanyang mga nakaraang SONA, sinabi ni Marcos na aktibong isinusulong ng kanyang pamahalaan ang nababagong enerhiya upang matulungan ang Pilipinas na maabot ang layunin nitong taasan ang paggamit ng malinis na kuryente patungong 35% sa 2030 hanggang 50% sa 2040.

Suliranin, hindi kasagutan

“Kailangangmapawi sa ating isip na kailangang palitan ng LNG ang lokal na natural na gas para sa pangangailangan ng bansa sa enerhiya,” ani Sam Reynolds, isang eksperto ng Institute for Energy Economics and Financial Analysis (IEEFA).

Kahit pa mas kaunti ang carbon dioxide mula sa natural na gas kumpara sa uling (coal) o langis, ipinunto na ng mga kritiko na malaki pa rin ang ambag nito sa pagpapa-init ng temperature mundo. Naglalabas din ito ng methane na sampung beses na mapaminsala kaysa carbon dioxide mula pagkuha (extraction), transportasyon at pagproseso.

Ang pagsandig din sa LNG ay magbubulid sa mga bansa sa pangmatagalang imprasktraktura ng panggatong na fossil, tulad ng mga terminal pang-angkat at mga plantang sumusunog ng gas. Upang malimita sa 1.5 sentigrado ang pag-init ng temperatura, kinakailangang tapusin na ang paggamit ng fossil fuel, kabilang ang LNG, at pumihit na ng buo sa nababagong enerhiya, ayon sa mga siyentista.

Sa mga lugar malapit sa Verde Island Passage kung saan nangingisda sina Wilma, limang plantang gamit ang gas ang gumagana, kabilang ang dalawang planta ng LNG. Mayroon pang panukalang isang dosenang bagong planta. Delikado ito sa tinaguriang Triyanggulo ng Bahura (Coral Triangle) na sakop ang anim na bansa ng Timog-Silangang Asya at Melenesia na tahanan ng 76% na uri ng mga bahura at higit 2,000 na uri ng mga isdang nananahan dito.

Bentahan ng isda sa Puerto Galera, malapit sa Verde Island Passage. (Larawan: Robert Gilhooly / Alamy)

Sa kabuuan, mayroong 19 terminal ng LNG sa Coral Triangle. Ang pagpapalawig ng imprastrakturang ito ay magpapalala ng masamang dulot ng polusyon sa tubig, paparaming trapiko ng mga barko at pagkatapon ng langis, ayon sa ulat ng Earth Insight at SkyTruth ng Estados Unidos. Ang lahat ng ito ay banta sa yamang-dagat at kabuhayan ng mamamayang umaasa sa kanila.

Dagdag ng ulat, higit na isandaang lugar sa loob ng Coral Triangle ang pinagmumulan ng langis at gas; mayroon pang karagdagang 450 na lugar ang planong pagtayuan ng mga balon. Kung matutuloy ang lahat ng ito, 16% ng buong rehiyon ang maapektuhan.

“Pumapangalawa ang Pilipinas sa may pinakamaraming natapong langis sa loob ng Coral Triangle dahil sa mga naglalayag na barko. Samantalang nasa yugto pa lamang ng pagpaplano ang pagtatayo ng mga bagong balon, may pagkakataon pang ihinto ang mga ito at bigyang proteksiyon ang mga sensitibong lugar na ito,” dagdag ng ulat.

Sa ilalim ng bagong batas, inaatasan ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan (Department of Environment and Natural Resources, DENR) na magbalangkas ng mga pambansang pamantayan para sa paglabas ng mitein (methane emissions) at iba pang pollutant mula sa industriya ng gas na hindi pa kinokontrol ng mga kasalukuyang batas.

Inaatasan rin ang kagawaran na tukuyin at subaybayan ang pagsunod sa pamantayang pangkalikasan ng mga kasalukuyang planta ng gas, kabilang ang pagtatayo ng bago’t pagpapanatili, ekspansiyon, pagpapasara at pag-abandona ng iba pa.

Landas mula sa fossil fuel

Sa kanyang pagbabalik sa White House, muling pinayagan ni Donald Trump ang pag-proseso ng mga permiso sa pagpapaluwas para sa mga bagong proyektong LNG. Samantalang maliit ang epekto nito sa Pilipinas, magdadagdag pa rin ito sa mga panganib na mula sa LNG, ani Reynolds ng IEEFA.

“Nakikita na natin ito sa Tsina. Target ang LNG sa pang-uupat at paghihiganti na lumilikha sa pangkalahatang kawalang-kasiguraduhan sa kalikasan,” dagdag niya.

“Mahalagang mapag-isipan ito ng Pilipinas. Malaking bahagi ng LNG na kanyang inaangkat ay mula sa US, at hanggang saan mapapapalala ni Trump ang mga usapin na kaugnay ng panggatong na ito?” tanong ni Reynolds.

Tsina ang pinakamalaking taga-angkat ng LNG samantang US ang pangunahing tagapagpaluwas. Subalit itinigil ng Tsina ang pagbili sa US simula Pebrero kung kailan inanunsiyo ni Trump ang mga bagong taripa sa kanila, ayon sa Nikkei Asia.

Maraming kontrata ng LNG sa US ang muling mag-uumpisa sa hinaharap subalit maaring hindi na kasali rito ang Tsina dahil sa kontrobersiyal na polisiya, ani Reynolds. Kaya iniisip niyang ibebenta na lamang ng Tsina ang mga LNG ng US na kailangan nitong bilhin sa ilalim ng mga lumang kasunduan. “Naniniwala akong lilikha ito ng dagdag-presyur sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya na bilhin ang mga ito mula sa Tsina,” aniya.

Sa kasalukuyan, bumibili na ang kumpanyang Pilipino na First Gen Corporation mula sa China National Offshore Oil Corp., ang pinakamalaking prodyuser ng langis at gas mula sa mga balon sa gitna ng dagat.

Habang umiinit ang temperatura ng mundo at hinaharap ng Pilipinas ang matitinding epekto mula rito, babala ng mga eksperto at mga tanggol-kalikasan na iwasan na lamang ang gas sa anumang plano sa enerhiya. Dahil sa bulnerabilidad ng bansa sa mga sakunang kaakibat ng pagbabago sa klima, marapat umanong unahin ang nababagong enerhiya. 

Insulto rin sa mga biktima ng mga kamakailang sakuna dulot ng nagbabagong klima ang tiyempo ng pagpapasa ng batas, ayon kay Jefferson Chua, kampanyador ng Greenpeace Philippines. Tinutukoy ni Chua ang anim na magkakasunod na bagyo na tumama sa bansa sa pagitan ng Oktubre at Nobyembre 2024.

“Kailangang gamitin ng presidente ang kanyang kapangyarihan na baligtarin ang desisyon na ito at paunlarin ang polisya at imprastraktratura para nababagong enerhiya. Marapat na ipag-utos ng kanyang administrasyon ang isang net-zero target na magsisiguro ng pagtatanggal ng uling, langis at gas at mag-uumpisa sa pagpihit ng sistemang pang-enerhiya tungo sa makabuluhang pagpasok ng mga malilinis na panggagalingan ng mga ito,” dagdag niya.

Dagdag ni Ariola ng CEED, sa nababagong enerhiya sana dumulo ng planong umalis na sa fossil fuel. “Hindi tayo makakaalpas sa fossil fuel kung hindi natin pakikinabangan ang ating dambulahang potensiyal para sa nababagong enerhiya,” aniya.

“Babalik at babalik din lamang sa hinaharap ang industriya sa uling at iba pang maling solusyon kung hindi natin sila aalisin. Kailangang mamayani na ang nababagong enerhiya,” kaniyang paliwanag.

Nagsusumamo naman si Wilma, ang mangingisda sa Batangas, na itigil na sana ang operasyon ng mga planta ng gas sa kanilang pamayanan at bigyang proteksiyon ng pamahalaan ang Verde Island Passage.

“Nakasalalay ang aming kabuhayan sa kalagayan ng Verde Island Passage. Wala nang matitira sa amin kapag nasira ito,” ani Wilma. # (Salin sa Filipino ni Raymund B. Villanueva)

= = = = =

Unang inilimbag ang artikulong ito sa wikang Ingles sa Dialogue Earth sa ilalim ng Creative Commons BY NC ND licence.”



Source link