News

Pribatisasyon ng Carbon Public Market sa Cebu, binatikos – Pinoy Weekly

Pribatisasyon ng Carbon Public Market sa Cebu, binatikos – Pinoy Weekly


Kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas ang proyektong modernisasyon sa Carbon Public Market sa Cebu City. Tinawag nila itong anyo ng pribatisasyon at iginiit ang agarang rebyu sa joint venture agreement (JVA) nito.

Sa isang pahayag noong Peb. 11, iginiit ng grupo na ang JVA sa pagitan ng Cebu City Government at Cebu2World Development Inc., isang subsidiary ng Megawide Construction Corp., ay paraan lang talaga para pagkakitaan ang pampublikong espasyo.

Sa ilalim ng JVA na nilagdaan noong 2021, binigyan ng mga awtoridad ang private sector proponent na i-redevelop, patakbuhin at mangolekta ng renta at iba pang bayarin sa Carbon Public Market. Nagbabala ang Bayan-Central Visayas na magreresulta ang pribadong kontrol sa mas mataas na renta, pagpapalayas sa mga manininda at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil uunahin ang pagkakamal ng kita.

“Tiyak na pipinsalain nito ang maliliit na manininda at kargador na nakadepende ang kabuhayan sa araw-araw na akses sa Carbon, habang magdurusa ang mahihirap na mayorya ng mga mamimili sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” sabi ng grupo sa isang pahayag.

Punto pa ng Bayan-Central Visayas, minadali ang JVA at ang nagpapatuloy ang proyekto nang walang tunay na konsultasyon sa publiko, manininda at mamimili.

“Hindi ito konsultasyon, ito ay pamimilit. Pinipilit ang mga manininda na tanggapin ang mga kasunduan na hindi nila binuo, hindi inaprubahan at sa huli’y pagdurusahan nila,” anang Bayan-Central Visayas.

Noong Peb. 5, nagsagawa ng protesta sa interim market ang mga manininda ng Carbon Public Market sa pangunguna ng Carbonhanong Alyansa. Kasunod ito ng anunsiyo na magsisimula nang mangolekta ng renta ang Cebu2World Development Inc. Giit ng mga manininda, dapat manatili sa kontrol ng publiko ang koleksiyon ng bayad.

“Nakikiisa kami sa mga manininda at mamamayan sa paglaban sa pribatisasyon, dislokasyon at pananamantala,” sabi ng Bayan. Iginiit nilang dapat agad na repasuhin ang JVA at ipawalang-bisa kung mapatunayang dehado ang lungsod at mamamayan. /Unang inilathala ng Aninaw Productions. Salin ni Jeoff Larua.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning