Pribatisasyon ng tubig sa Bulacan, binatikos – Pinoy Weekly

July 22, 2024


Nanawagan ang mga unyon sa publikong sektor at residente ng San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan noong Hul. 18 na imbestigahan at tuluyang repasuhin ng administrasyong Marcos Jr. ang joint venture agreement (JVA) ng lungsod at iba pang munisipalidad sa Prime Water dahil sa mataas na presyo at mababang kalidad ng tubig nito.

Pinangunahan ng Water for the People Network (WPN), Water System Employees Response (Water) at Alliance for Consumer Protection (ACP) ang protesta sa tapat ng San Jose del Monte City Water District (San Jose Water) at Prime Water Joint Venture station. 

“Ang naging protesta d’yan ay ‘yong hindi maayos at hindi kalidad na serbisyo ng tubig na binibigay ng Prime Water,” ani Manuel Baclagon ng Water. 

Mula nang maipasa sa Prime Water ang operasyon ng water services sa SJDM noong 2018, inulan na ng reklamo ang kompanya dahil sa madalas na “emergency leak repair” sa iba’t ibang bahagi ng lungsod na nagdudulot ng water interruption na minsa’y tumatagal nang mahigit isang araw.

Dagdag pa sa mga hinaing ng mga San Joseño ay ang kalawangin, amoy lupa at mahinang buga ng tubig galing sa Prime Water. 

Ayon kay Baclagon, inirereklamo rin ng mahihirap na mamamayan ng lungsod ang hindi umano patas na pagtrato sa mga residente na hindi nakatira sa subdivision.

“[Ang] hinaing [nila], kapag sa subdivision, maayos ang buga ng tubig. [Sa kanila], bago makapagpakabit, maraming requirements na hinihingi, tapos kapag kinabit na, hindi naman maganda ‘yong daloy ng tubig,” ani Baclagon. 

Sa pahayag ng WPN noong Enero 2024, dumoble nang mahigit P200 ang singil sa tubig ng Prime Water at bumaba rin sa lima ang lifeline level ng tubig mula sa pinanggalingan nitong 10 cubic meters. 

Sa kabila nito, sa pinakahuling report ng Commission on Audit, nakapagtala ng P2 milyon net loss ang San Jose Water noong 2020 sa ilalim ng JVA matapos magkaroon ng downward trend sa net income nito mula 2018. 

Bukod sa pagboses ng mga hinanaing sa serbisyo ng Prime Water, panawagan din ng isinagawang pagkilos na ibalik sa kamay ng publikong sektor ang water services ng mga lungsod dahil bukod sa mababang kalidad ng serbisyo galing sa mga pribadong konsensyonaryo gaya ng Prime Water, malaki rin ang nalulugi ng mga lokal na pamahalaan sa JVA.

“‘Yong gastusin, sa mga [repair] and tenants, sa gobyerno pa rin kinukuha, pero ‘yong kita, doon na [halos] napupunta sa private concessioners,” sabi ni Baclagon.

Wala ring transparency sa parte ng Prime Water pagdating sa kabuuang kita na nalilikop nito galing sa mga local water district (LWD) na kasosyo nito, kabilang ang sa SJDM.  

Sa kasalukuyan, sa mahigit 500 na LWD sa bansa, nasa 200 na ang nakailalim sa JVA at karamihan sa mga ito’y nasa ilalim ng Prime Water na pagmamay-ari ng negosyante-politikong pamilya Villar. 

“Dapat ang mga [local water district ay] pinapanatiling nasa publiko pa rin ang pamamalakad at ang serbisyo sa tubig dapat ay hindi ginagawang negosyo,” wika ni Baclagon.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang Bayan » Isang katutubo, dalawa pang magsasaka, pinatay ng 15th IB

Magkakasunod na kaso ng pagpatay ang naitala sa timog na

Badoy, guilty sa pagbabanta sa huwes – Pinoy Weekly

Hinatulang nagkasala ng Korte Suprema ang red-tagger na si Lorraine