Uncategorized

Proseso ng FPIC ng Saltan Dams sa Kalinga, ipinatigil – Pinoy Weekly

Proseso ng FPIC ng Saltan Dams sa Kalinga, ipinatigil – Pinoy Weekly


Tagumpay ang mamamayang Kalinga matapos kumpirmahin ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang pagpapatigil sa proseso ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC) para sa dalawang malaking proyektong dam sa Ilog Saltan na nasa hilagang bahagi ng Chico River System.

Napag-alaman ng mga kinatawan ng Cordillera Peoples Alliance–Kalinga (CPA-Kalinga) ang desisyon sa isang diyalogo kay NCIP Regional Director Roland Calde noong Set. 15. Nagtungo ang grupo sa opisina ng NCIP sa Baguio City upang maghain ng pormal na petisyon na kanselahin ang FPIC para sa 45-megawatt (MW) Saltan E at 49 MW Saltan D Hydroelectric Power Plant projects ng JBD Water Power Inc. (JWPI).

Ayon sa isang opisyal na dokumento na may petsang Hun. 21, 2024, nauna nang naglabas ng “Notice of Termination” ang NCIP para sa nasabing mga proyekto. Nakasaad sa abiso na ipinatigil ang proseso dahil sa kawalan ng aktibidad ng kompanya sa loob ng anim na buwan alinsunod sa mga alituntunin ng FPIC.

Bukod sa mga proyekto ng JWPI, ipinahayag din ni Calde na nakatakda na ring ipatigil ang proseso ng FPIC para sa Upper Tabuk Hydropower Project ng DPJ Engineers.

Ang desisyong ito ay itinuturing na resulta ng matagal at patuloy na pagtutol ng mga apektadong komunidad. Para sa kanila, ang mga proyektong ito ay banta sa kanilang mga lupang ninuno, kultura, at kabuhayan.

“Tagumpay ito para sa mga taga-Kalinga,” ani CPA-Kalinga chairperson Juan Dammay. “Mananatili kaming nagbabantay at umaasa sa mas kongkretong aksiyon mula sa NCIP sa mga susunod na araw.”

Ayon kay Miel Taggaoa, tubong Kalinga at miyembro ng Progressive Igorots for Social Action (Pigsa), ang pagtutol na ito ay sumasalamin sa mas malalim na kasaysayan ng paglaban sa Kalinga, katulad ng makasaysayang Chico Dam Struggle. 

“Tulad ng aming mga ninuno na kasama sa Chico Dam Struggle, nagpapatuloy kaming lumaban nang may matibay na paninindigan para depensahan ang aming lupang ninuno, kultura at indentidad,” ani Taggaoa sa wikang Ingles.

Para naman kay CPA spokesperson Ned Tuguinay, matagal nang dapat kinansela ang mga proyekto.

“Resulta ng tuloy-tuloy na protesta ng mga apektadong komunidad sa mga nagdaang taon ang pagpapatigil ng proseso ng FPIC. Matagal na dapat itong ipinahinto ng NCIP,” sabi ni Tuguinay sa Ingles.

Bagaman isang tagumpay ang pagkansela sa Saltan Dams, nananatili ang banta ng iba pang malalaking proyekto sa Kalinga at kalapit na lalawigan ng Abra.

Kabilang dito ang 200 MW Abra-Kalinga Wind Farm, isa ring proyekto ng JWPI; mga proyektong geothermal ng Aragorn Power and Energy Corporation sa mga bayan ng Lubuagan, Pasil at Tinglayan sa Kalinga; at mga aplikasyon para sa large-scale mining.

Ayon sa CPA, kadalasang may kasamang matinding militarisasyon sa mga komunidad para patahimikin ang pagtutol ng mamamayan sa mga mapanirang proyekto.

Giit ni Tuguinay, hindi tunay na naglalayong maghatid ng serbisyo sa mamamayan ang mga proyekto, kundi para lamang sa kita ng malalaking korporasyon. 

“Sariling kapasyahan ng mamamayan ang pag-unlad. Hindi dapat maging kondisyon ang mga umano’y development project para sa mga [serbisyong inilalako sa kanila],” aniya.

Patuloy ang panawagan ng grupo sa Kordilyera para sa pagkilala sa karapatan ng mga katutubo na magpasya para sa kanilang sariling kaunlaran.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning