PRWC » Ang OFW sa gitna ng pangungulila at krisis

December 21, 2023


Ang kapaskuhan, para sa kalakhan ng mga overseas Filipino worker (OFW), ay hindi lamang isang panahon ng pagdiriwang kundi isang panahon din ng matinding pangungulila at pangangarap. Ang kanilang pinakaaasam na regalo: ang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sa gitna ng matinding krisis sa ekonomya, mga hamong panlipunan, at patuloy na pampulitikang sigalot sa buong mundo, maraming OFW ang nahaharap sa mapait na katotohanang ang kanilang pangarap na pag-uwi ay maaaring hindi maisakatuparan ngayong Pasko o sa malapit na hinaharap.

Sinasalamin nina Miriam, isang caregiver, at Ana, isang domestic worker, sa United Kingdom, ang pangarap ng maraming OFW na nagnanais makauwi ngunit napipigilan ng maraming mga balakid. “Kung kami lang ang masusunod, gustong-gusto naming makauwi. Pero napakamahal ng pamasahe at lagi kaming pinipigilan ng napakahirap na sitwasyon sa Pilipinas. Kung hindi kami makabalik rito, paano na?” anila.

Para naman kay Carlos, isang seaman na pansamantalang dumaong sa Southhampton. England, “Hindi bale nang wala akong noche buena, ang mahalaga ay makapagpadala ako ng pera at regalo sa aking pamilya. Kahit man lang sa ganoong paraan maramdaman ng pamilya ko na kasama nila ako ngayong Pasko.”

Tinatayang nasa mahigit-kumulang 300,000 ang migranteng Pilipino sa United Kingdom, ito na ang pinakamalaking populasyon ng mga OFW sa buong Europe. Samantala, nananatiling nasa 75% ng kabuuang populasyon ng mga seafarer ng mundo ay mga Pilipino.

Komun ang pangarap nilang lahat: edukasyon para sa kanilang mga anak, isang maayos na tahanan, at matatag na kinabukasan sa Pilipinas para sa kanilang mga mahal sa buhay. Sa kabila nito, ang mga hamong pampinansya, pagkalugmok sa utang, kawalan ng seguridad at kawalang pag-asa sa Pilipinas ang patuloy na nagpapahirap sa kanilang mga sitwasyon.

Kamakailan, lumabas ang isang diumano’y pagsusuri ng gubyerno na nagsasabing marami raw OFW ang “nagbabalak” na umuwi pagkatapos ng limang taon sa ibang bansa. Hindi ito totoo noon, at lalong suntok sa buwan ito ngayon.

Ang lumalalang krisis sa ekonomya sa Pilipinas na kinatatangian ng paglobo ng presyo ng mga bilihin at batayang serbisyo, kawalang lupang sakahan at trabaho, at kaliwa’t kanang mga pahirap na patakaran ng gubyerno ay nagdudulot ng kawalang-katiyakan sa pag-uwi ng mga OFW. Kalakhan sa kanila ay lumabas ng bansa dahil walang trabahong may nakabubuhay na sahod sa Pilipinas. Nag-aalala sila na sakaling sila ay bumalik sa Pilipinas, maaaring dumoble o triple ang kanilang karagdagang pinansyal na mga pasanin at kawalan ng seguridad sa trabaho.

Ang mga kontra-migrante at kontra-manggagawang patakaran, pagtaas ng halaga ng pamumuhay at kawalang trabaho sa Pilipinas ang pangunahing dahilan kung bakit nag-aatubili ang mga OFW na umuwi. “Ang balak na umuwi, laging nandiyan iyan. Pero lagi naming kailangang timbangin ang maraming bagay. Hindi ito basta-bastang desisyon na pwedeng taningan ng lima o ilang taon lang,” sabi ni Carlos.

“Kung talagang gusto ng gubyerno na umuwi na ang mga OFW, dapat tiyakin nilang may sapat na oportunidad para sa amin para mabuhay kami at maitaguyod namin ang aming mga pamilya. Matagal nang sinasabi na ang mga remitans ng mga OFW ang salbabida ng ekonomya natin, pero bakit hanggang ngayon, walang pa ring pag-unlad?” ani Miriam.

Dagdag pa ni Ana, “Tapos mababalitaan naming si Presidente (Marcos), panay-panay ang pag-abroad. Buti pa siya kung gustong mag-abroad at umuwi ng bansa, kahit kailan niya gusto, pwede niyang gawin. Mga ‘official trip’ daw iyon, galing sa kabang-yaman ng bansa. Doon ba napupunta ang mga remitans namin?”

Ayon sa Migrante International, upang malutas ang suliranin ng pwersahang migrasyon ng mga manggagawang Pilipino, hindi patakarang labor export kundi trabaho at nakabubuhay na sahod sa Pilipinas ang dapat na tugon ng gubyerno.

Noong Disyembre 18, ginunita ng mga migranteng manggagawa at kanilang mga pamilya ang Internasyunal na Araw ng mga Migrante sa pamamagitan ng pagkundena sa rehimeng Marcos sa pagpapabaya nito sa kagyat na mga usaping ng mga OFW at migranteng Pilipino kasabay ng pagpapaigting nito sa programang labor export.

Samantala, sa kabila ng mga hamon at layo, patuloy na umaasa ang mga OFW na balang araw, makauuwi rin sila at makakasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa isang tunay na masaganang Pasko para sa kanilang mga pamilya at lipunang Pilipino.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Groups rally at Manila police HQ, demand release of 6 arrested activists on Labor Day

by Maujerie Ann Miranda Progressive organizations staged an indignation rally

Fruitful Talks Between Cuban and Angolan Presidents

The Cuban president Miguel Díaz Canel Bermúdez met with his