Isang 9th IBPA/CAFGU detachment na nakabase sa Sitio Cupido Brgy. Malaya bayan ng Labo, Camarines Norte ang matagumpay na pinaputukan ng riple ng isang tim ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ilalim ng Armando Catapia Command (ACC).
Isinagawa ang aksyong harass noong Abril 1, 2023 ganap na alas-onse ng gabi. Ayon sa ulat isang sundalo ang kumpirmadong napatay. Samantala, ligtas na nakapagmaniobra ang nagsagawang tim ng BHB.
Ang nasabing CAFGU detachment ay katatayo lamang nitong unang kwarto ng kasalukuyang taon. Ngunit bago pa man ang ganap na pagtatayo ng kampo ay pabalik-balik na ito sa baryo at ginagawang base ang bahayan. Ang mga kampo ng mga pasista at berdugong AFP-PNP at CAFGU sa mga barangay na saklaw ng bayan ng Labo ay nagsisilbing proteksyon sa muling pagpasok ng Mt. Labo Exploration and Development Corporation na sasaklawin ang dating erya ng EL DORE Mining Corporation na dati ng pinarusahan at pinalayas ng ACC-BHB taong 2007 sa mga kaso ng paninira ng kalikasan, pang-aagaw ng kabuhayan at mga paglabag sa karapatang pantao.
Ang aksyong pamamarusa ng ACC-BHB ay tugon sa panawagan at kahilingan ng mamamayan ng Camarines Norte na tutulan at huwag hayaang makapandambong ang dayuhang pagmimina sa buong probinsya.
Nagpapasalamat ang ACC sa mamamayan ng probinsya sa patuloy na pagsuporta at pakikipagkaisa sa BHB bilang kanilang tunay at natatanging hukbo.
Laging handa ang Bagong Hukbong Bayan ng Armando Catapia Command- Camarines Norte na ipagtanggol ang kaligtasan at kabuhayan ng mamamayang api at pinagsasamantalahan sa buong probinsya sa pamamagitan ng kanilang malawak na suporta at pakikipagkaisa.#