Sa atas ni Marcos Jr., inilulunsad ng Joint Task Force Bicolandia ang isa pang bugso ng atake ng militar sa Masbate. Para sa aming mga magsasaka, wala nang bago sa pakanang ito lalupa’t ilang taon nang umiiral ang batas militar sa prubinsya. Aral sa mga naunang tangka ng naghaharing-uri na durugin ang rebolusyonaryong paglaban ng mga Masbatenyo, matutulad lamang ang pakanang Task Force Sagip ng AFP-PNP-CAFGU sa dati nang nangabigong kampanyang militar sa prubinsya. Ito ay dahil habang tumitindi ang pang-aabuso, mas maraming Masbatenyo ang nahihimok na lumahok sa armadong pakikibaka.
Walang ligtas ang Task Force Sagip sa paglaban ng mamamayang Masbatenyo. Sa pagdagdag ng mga berdugong pwersa, lalo lamang inilalagay ni Marcos Jr ang kanyang mga ipinakalat na militar at pulis sa mga taktikal na opensiba ng aming Bagong Hukbong Bayan.
Ang nakakalat ngayong mga tropa ng AFP-PNP-CAFGU ay daan-daang tropang bahag ang buntot, ginagawang human shield ang mga sonang pangkapayapaan, at nangangatog ang tuhod na mabomba ng BHB. Naglulunsad sila ng malaking operasyong militar sa mga komunidad na labis ang pagngangalit sa mga kahindik-hindik na abusong militar mula pagnanakaw ng kalabaw hanggang pagpatay sa mga sibilyan. Lumalangoy ngayon ang kaaway sa kumunoy ng daan-daang libong Masbatenyong katuwang ng Partido Komunista at BHB sa paghahangad ng hustisya.
Mas maraming Masbatenyo para sa digmang bayan! Nananawagan ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid sa rebolusyonaryong kilusang magsasakang Masbatenyo na ubos-kayang pagsumikapang tumugon sa panawagang labanan ang panibagong kampanyang militar na Task Force Sagip. Tiyaking magbabayad ang kaaway sa mga krimen nito sa magsasaka at buong mamamayang Masbatenyo.##