PRWC » Ipagbunyi ang 51 taong tagumpay ng National Democratic Front of the Philippines! Palakasin at palawakin ang pambansa-demokratikong prente ng masang Ilokano! Ibagsak ang pasistang diktadurang US-Marcos II at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan!

April 24, 2024


Ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Ilocos at ang buong rebolusyonaryong puersa at masang Ilokano ay nagpapaabot ng pinakamilitanteng pagbati sa ika-51 anibersaryo ng NDFP!

Tayo ay nagdidiwang dahil umabot tayo sa mahigit limang dekada ng demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino, na hindi nagapi ng mabagsik na estado ng naghaharing-uri, kundi matatag na tumatayo at tumatangan sa maniningning na mga tagumpay sa madugong pakikihamok sa nagsalit-salitang rehimen ng mapang-aping uri. Ang mga tagumpay na ito ay ating ialay sa lahat ng mga rebolusyonaryong martir na nagbuwis ng kanilang buhay para sa rebolusyon. Iginagawad natin ang pinakamataas na pagpupugay sa ating Pulang hukbo na buong giting na nakikihamok sa kaaway at walang pag-iimbot na nagpapasan ng pinakamabigat na sakripisyo para makamit ang mga tagumpay ng ating pakikibaka. Iginagawad natin ang pinakamataas na pagkilala sa mga rebolusyonaryong puersa at mga alyado ng NDFP na walang humpay na nagbibigkis sa masang api para sa rebolusyon.

Ang rebolusyonaryong kasaysayan ng Ilokos mula 1969 ay hitik sa magiting na pakikibaka ng mamamayang Ilokano. Marami itong pinagdaanang hamon, pangunahin ang mga hakbanging pangwawasak ng kaaway, kabilang ang mga paglihis at pag-atras dahil sa mga panloob na kamalian, subalit sa kabuuan ay sumulong ito at nakapag-ambag sa pagtataguyod ng demokratikong rebolusyon sa buong bansa sa mahigit limang dekada. Dahil ito sa mahigpit na pagtangan sa gabay ng Partido at tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Naipundar ang rebolusyonaryong kilusan ng masang Ilokano sa panahon ng pasistang paghahari ng rehimeng US-Marcos Sr na nagkaanyo sa Ilocos sa marahas na paghahari ng mga warlord na mahigpit na kumontrol sa burukrasya at militar, upang manatili ang kanilang monopolyo sa lupa at kalakalan sa tabako. Tinangka ng rehimen na pigtasin ang bubot nito sa pagpapataw ng Martial Law subalit nabigo lamang.

Nagkahugis ang pambansa-demokratikong alyansa ng mga manggagawa, magsasaka at panggitnang uri sa rehiyon noong pang 1969. Panahong naipataw ang Martial Law, umusbong ang demokratikong kilusang masa ng kabataan-estudyante at panggitnang puersa sa mga sentrong bayan ng La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte. Sa pagputok ng Sigwa ng Unang Kwarto, ang mga Ilokanong kabataan-estudyante at manggagawa ay nagbalik sa kanilang mga bayan sa Ilocos upang mag-organisa at sumampa sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Napundar ang rebolusyonaryong armadong kilusan sa Ilocos noong 1971, sa kasagsagan ng pasistang diktadura. Bunsod ito ng pakikibaka ng masang magsasaka na naggiit sa pagpapababa sa upa sa lupa at interes sa pautang ng mga panginoong maylupa. Muling napatunayan na sa matinding panunupil ay napapaypayan at lumalagablab ang digmang bayan. Sa pagpapaigting ng armadong pakikibaka at anti-diktadurang pakikibakang masa, naging aktibong bahagi ang masang Ilokano sa pagpapabagsak sa diktadura ng unang rehimeng Marcos.

Pinatatag at pinalawak ng Partido ang pambansa-demokratikong alyansa ng masang Ilokanong magsasaka, manggagawa at panggitnang-uri sa pagsusulong ng pakikibakang anti-pyudal, anti-imperyalista at anti-pasista. Sa pamamagitan nitong pambansa-demokratikong alyansa, isinulong ang pakikibakang magsasaka na nagkamit ng mga kongkretong tagumpay sa pagpapababa sa upa sa lupa, laban sa usura at mapagsamantalang iskema sa kalakalan ng tabako at mga produktong bukid at pagpapataas sa sahod ng manggagawang-bukid. Walang-humpay na lumaban sa pasistang panunupil at pagtatanggol sa karapatang pantao. Nakibahagi sa pambansang paglaban para sa paglalansag ng base-militar ng imperyalistang US na nakatayo dito sa Ilocos. Lumaban sa pandarambong at pagwasak sa kalikasan at sa burukratikong korapsyon ng mga gahamang pulitiko sa rehiyon.

Sa paglakas ng demokratikong kilusang masa na nagkamit ng mga tagumpay ay lumakas at sumulong ang armadong pakikibaka sa Ilocos. Dumagsa ang mga kabataan sa kanayunan at kalunsuran sa mga sonang gerilya. Lalong lumakas ang agraryong rebolusyon ng magsasaka sa pagpapatupad ng BHB ng mga hakbanging pamamarusa sa mga despotikong panginoong maylupa at mga mapagsamantalang kumpanya ng tabako, sa mga pasistang tropa at kanilang mga ahenteng espiya. Dahil dito, lalong lumawak at lumakas ang mga rebolusyonaryong samahan ng masa na nakapaloob sa NDFP na naging balon ng paglawak ng mga yunit ng Partido at BHB. Lumawak at lumakas din ang impluwensiya ng NDFP sa panggitnang uri kabilang ang mga naliliwanagang panginoong maylupa, mga negosyante at mga burukrata ng Ilocos.

Ang tagumpay sa pakikibaka ng pambansa-demokratikong prente ng masang Ilokano sa loob ng 51 taon ay pilit hinahablot at pinupunit ng reaksyunaryong rehimen. Subalit ang lupang sinibulan nito ay lalong tumataba, sa pagsidhi ng krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunan, kung kaya’t lalo pang yumayabong at tumatatag.

Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, ang batayang suliranin ng monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa sa Ilocos ay nananatili at sumisidhi pa. Ang monopolyo sa tabako ay nasa kamay pa rin ng mga malalaking burges-kumprador. Tuloy-tuloy at tumatarik ang pagbagsak ng ani at kita ng magsasaka dahil sa pananatili ng pyudal na pagsasamantala sa mataas na upa sa lupa at usura, na sinasabayan ng mataas na gastusin sa pagsasaka at iba pang epekto ng liberalisasyon sa agrikultura gaya ng pagdagsa ng imported na palay, bawang at sibuyas, mapagsamantalang iskema sa contract growing ng tabako, tahasang pagpapabaya ng reaksyunaryong gubyerno sa serbisyo sa agrikultura gaya ng irigasyon at subsidyo sa pagsasaka at pangungurakot sa pondong laan sa serbisyong agrikultura gaya ng excise tax sa tabako.

Sa programa nitong gawing sentro ng pamumuhunan ng Southeast Asia ang Ilocos, lalo pang ibinubukas ng rehimeng Marcos Jr., sa mga dayuhang kapitalista at lokal na malalaking burges-kumprador ang lupa at natural na kayamanan ng Ilocos.

Pinasisidhi ang kawalan ng lupa ng magsasaka sa land-use conversion ng lupang sakahan para sa mga negosyo, imprastraktura at eko-turismo. Tampok dito ang pang-aagaw sa libo-libong ektarya ng lupang ninuno ng mga pambansang minorya ng mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista para sa mga windmill, solar at hydropower plant. Malaking panganib din sa buhay ng pambansang minorya at mamamayang Ilokano ang planong malalaking dam sa Ilocos.

Lalo ding nanganganib ang kabuhayan ng mangingisda ng Ilocos sa patakarang liberalisasyon sa pamumuhunan sa pangisdaan ng bansa. Ang mga patakarang ito ay pinahihigpit sa pagpapatupad ng mga lokal na gubyerno ng mga ordinansa’t batas kagaya ng zoning, na nagtatakda ng limitadong perimetro ng pinahihintulutang pangisdaan upang bakuran ang laot ng Lingayen Gulf para sa mga kapitalistang fishing vessel. Dagdag banta sa kabuhayan ng mangingisda at pagkawasak ng kapaligiran ang muling pagtutulak ng black sand mining, gayundin ang plano ng rehimeng Marcos Jr. na itayong mga offshore windmills.

Dahil sa pagkawala ng kanilang lupa at kita sa pagsasaka, tumatampok ngayon sa Ilocos ang pagdami ng bilang ng mga manggagawang-bukid, mala-manggagawa sa konstraksyon at serbisyo at iba pang di-istable at hindi disenteng pagkakakitaan. Ang mga manggagawa at maliliit na empleyado ay nagtitiis sa hindi nakabubuhay na sahod at laging nanganganib ang kabuhayan dahil sa malaganap na kontrakwalisasyon. Ang mga drayber at opereytor ay nasa bingit ng pagkawala ng kanilang kabuhayan dahil sa kontra-mamamayang transport modernization program ng rehimeng Marcos Jr.

Sa panunumbalik ng dinastiyang Marcos sa tuktok ng poder, lalo pang pinagtibay ang kanilang monopolyo ng kapangyarihan sa Ilocos. Maliban sa mga posisyon sa pambansang gobyerno, hawak ng mga Marcos ang lahat ng susing posisyon sa lokal na gubyerno ng Ilocos Norte. Samantalang ang kanilang dating mga warlord na dinastiya ng Fariñas ng Ilocos Norte, Ortega sa La Union at Singson sa Ilocos Sur ay nananatili sa kapangyarihan at mayhawak sa ekonomiya. Kasabwat ng mga ito ang mga malalaking burges-kumprador at panginoong maylupang Lopez, Ayala, Aboitiz at Villar at mga dayuhang kapitalista sa pangangamkam sa lupain, likas na yaman at monopolyo sa negosyo sa rehiyon.

Mas pinatatag pa ng dinastiyang Marcos ang proteksyon at pasistang paghahari nito sa Ilocos. Tahasang idinedeklara ng mga nakadeploy na yunit ng AFP at PNP sa Ilocos na sila ay nakatalaga dito upang bigyang proteksyon ang pamilyang Marcos at kanilang mga negosyo.

Kahit patuloy na idinedeklara ng AFP na malaya na ang Ilocos sa insurhensiya, buhos pa rin ang mga tropang militar sa mga komunidad—ang mga puersa ng Philippine Army na 102nd Infantry Battalion at 50th Infantry Battalion sa Ilocos Sur, ang 702nd Infantry Brigade sa La Union, ang 24th Infantry Battalion at 4th Marine Brigade sa Ilocos Norte. Katuwang ng AFP units na ito ang mga Mobile Forces ng PNP, CAFGU at intelligence units. Nagsasagawa ang mga ito ng tuloy-tuloy at mararahas na focused military operations at civil-military operations na nagsasailalim sa mga komunidad ng magsasaka, mangingisda at pambansang minorya sa matinding militarisasyon. Muling rumurok ang militarisasyon sa pambobomba ng AFP sa hangganan ng Sta. Maria, Ilocos Sur at Pilar, Abra nitong Abril 2.

Sa ilalim ng programa ng NTF-ELCAC, pinag-iibayo ang harassment, red-tagging, fake surrender at warrantless arrest sa mga lider at kasapi ng mga legal na organisasyong masa, gayundin sa mga retirado at matagal nang bumabang mga dating kasapi ng BHB, at kahit sa mga inosenteng sibilyan at mga taong-simbahan. Pinag-ibayo pa ang pasistang pang-aatake nitong huli dahil sa pag-igting ng laban ng pambansang minorya sa mga mapanirang proyektong enerhiya at pagrerehistro ng demanda ng magsasaka’t mangingisda.

Hindi man deklarado, nasa Ilocos Norte ang isang EDCA site at base militar ng imperyalistang Amerikano sa kanyang paghahanda sa gyera sa China. Ipinuesto ang Headquarters ng 4th Marine Brigade sa coastal area sa Burgos, Ilocos Norte na tumatanaw sa South China Sea, at nagsisilbi ngayong monitoring facility ng US Marines sa galaw ng China.

Muling isasagawa ang ibang bahagi ng Balikatan Exercises ngayong taon sa Ilocos Norte, kung kaya’t matinding pangamba ang muling sumasaklot ngayon sa mamamayan dito. Ang base militar ng imperyalistang US sa Ilocos Norte ay pain sa atake ng kaaway nitong China, kung kaya’t nanganganib ang buhay ng mamamayang Ilokano na madadamay sa gera ng mga ganid na imperyalista.

Sa paghahari ng rehimeng US-Marcos II, marapat na balikan ng masang Ilokano ang kasaysayan ng kanilang magiting na pakikibaka upang labanan hanggang maibagsak ang unang rehimeng US-Marcos. Nararapat na kanilang sariwain na mula naipundar ang kanilang rebolusyonaryong kilusan noong 1969 dito sa Ilocos ay pilit nang winawasak ng kaaway. Subalit dahil sa ito ay malalim at malawak na umugat sa nakararaming masang api, ay hindi na basta-basta matitinag.

Higit pa sa ngayon, sa pagpapatuloy ng paghahari ng dinastiyang Marcos ay ipinagpapatuloy ang sagad-sagaring pagpapakatuta sa mga among imperyalista at isinusuko ang pambansang soberanya at patrimonya ng bansa. Higit pa sa ngayon, na lalo pa nitong pinagtitibay ang paghahari ng mga malalaking burges kumprador at panginoong maylupa na ibayo pang nagsasadlak sa bayan sa di mabatang paghihirap.

At higit din sa ngayon, na ibayo pang napanday ang paninindigan ng rebolusyonaryong puersa sa Ilocos sa mga aral na nahugot sa mga pinagdaanan nitong mga kilusang pagwawasto ay nagpapanibagong lakas at nagpapanibagong sigla sa pagharap sa mga lumalaking hamon sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa tagumpay.

Sa okasyon ng ika-51 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines, ang masang magsasaka, manggagawa, mangingisda, pambansang minorya, kabataan-estudyante at panggitnang puersa ng Ilocos ay higit pang magbigkis, magpalakas at magpalawak. Isulong ang ating istorikal na pakikibaka sa pagbabagsak ng pasistang diktadura, at kinaluluklukan nitong imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Higit pa nating paalingawngawin ang mga panawagan sa agraryong rebolusyon, sa pagpapatalsik sa base militar ng imperyalistang US at pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas, sa paggigiit sa karapatang pantao, hustisya at tunay kapayapaan.

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Updates Philippines | April 30, 2024

  Download here English: PDF _____ UPDATES Philippines is a

Dagmang 2021-2022

  Download here Pilipino: PDF The post Dagmang 2021-2022 appeared