Sa darating na ika-24 ng Abril, ipagdiwang natin ang ika-50 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines, ang malapad na alyansang nagbubuklod sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa na nagsusulong ng pambansa-demokratikong kilusan at sumusuporta sa armadong pakikibaka.
Itinatag ang NDFP pitong buwan matapos ipataw ni Marcos I ang batas militar, isa sa pinakamadilim na yugto sa kasaysayan ng bansa. Nagsilbi ang NDFP bilang nagliliyab na sulo na nagbigay liwanag sa landas ng militante at rebolusyonaryong paglaban. Pinatatag ng NDFP ang tapang at kalooban ng bayan na magpunyagi sa mahirap na landas ng pakikibaka patungo sa maaliwalas na bukas.
Binuo ang NDFP Preparatory Commission sa inisyatiba ng Partido upang tipunin ang mga organisasyong masang napwersang kumilos nang lihim dahil sa pagpapataw ng pasistang diktadura. Inihanda nito ang manipesto ng NDFP at ang 10-puntong (malao’y 12-puntong) programa na nagsilbing pambuklod sa malawak na sambayanan. Sa paglipas ng panahon, isa-isang nabuklod sa NDFP ang mga organisasyong anti-diktadura.
Hindi nagtagal, nagsilbi ang NDFP bilang bag-as ng mga pakikibakang bayan at malao’y kikilalanin sa buong bansa at daigdig bilang kinatawan ng sambayanang Pilipinong lumalaban. Nabuo at sumanib sa NDFP ang iba pang lihim na pambansa demokratikong organisasyong masa. Binubuo ito ngayon ng 18 organisasyong kumakatawan sa iba’t ibang mga progresibo at demokratikong uri at sektor na binubuklod ng rebolusyonaryong hangaring wakasan ang paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Ang NDFP ngayon ang pinakakonsolidadong bahagi at pinakabakal na gulugod ng pambansang nagkakaisang prente. Ito ay isang nagkakaisang prente para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Tunay na ang NDFP ang kalasag ng sambayanan, habang sandata nila ang Bagong Hukbong Bayan. Dumadaloy dito ang malawak na suportang pampulitika at materyal para sa BHB at rebolusyonaryong kilusan. Sa pamamagitan ng NDFP at ng mga organisasyong bumubuo nito, nagkaroon ng malawak na pagkilala sa armadong pakikibaka bilang makatwirang anyo ng paglaban sa pasistang tiraniya sa ilalim ni Marcos at ng mga sumunod na pseudo-demokratikong rehimen.
Sa ibayong pagsulong ng digmang bayan sa buong bansa, umusbong ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan, ang binhi ng Demokratikong Gubyernong Bayan ng Pilipinas. Kinakatawan ito sa kabuuan ng NDFP sa pakikipag-ugnayan sa mga kilusan, bayan at gubyerno sa ibang bansa. Mahusay na itinaguyod at kinatawan ng NDFP ang interes ng sambayanang Pilipino sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas mula 1987 na nagpatampok sa makatwirang mga kahingian ng taumbayan at nagbunga ng ilang makabuluhang kasunduan.
Malalim ang kabuluhang pangkasaysayan ng nalalapit na anibersaryo ng NDFP. Sinasagisag nito ang mahigit limang dekadang walang puknat na pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Ang labis na pagdurusa ng mayorya ng masang Pilipino sa ilalim ng kasalukuyang papet at pasistang rehimeng US-Marcos II ay nagdidiin sa pangangailangang ibayong palakasin at palawakin ang NDFP at mga kaanib nitong organisasyon, ang mga pakikibakang masa at ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong bansa.
Sagad-sagad ang pagmamanikluhod ni Ferdinand Marcos Jr sa geopulitikal, pang-ekonomya at pangmilitar na interes imperyalismong US. Kalayaan, kabuhayan at buhay ng mga Pilipino ang inihahain niya kapalit ng puhunan, ayudang militar at mga pautang.
Sa lalong pagtutulak ni Marcos ng mga patakarang neoliberal, kaliwa’t kanan ang pagkamkam at paghuthot ng mga dayuhang monopolyong kapitalista sa mga pinagkukunan ng kabuhayan ng masang anakpawis. Dinadagit at dinadambong ang mga kabundukan, malawak na kalupaan, maging mga karagatan. Winawasak ang kapaligiran, at tinataboy at pinagkakaitan ang masang magsasaka, mangingisda at iba pang anakpawis ng kanilang ikinabubuhay. Upang akiting mamuhunan ang mga dayuhang malalaking kapitalista, nagtetengang-kawali siya sa sigaw para sa umento ng mga manggagawa at karaniwang mga kawani sa harap ng walang-patlang na pagsirit ng presyo ng pagkain at mga bilihin.
Sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), sunud-sunuran si Marcos sa imperyalismong US sa pagbubukas ng karagdagang apat na lokasyon (mula lima) para sa pagtatayo ng mga base militar at pasilidad ng US. Dalawa nito ay sa Cagayan, isa sa Isabela at isa sa Palawan. Dagdag na piyesa ang mga ito sa estratehiya ng US na palibutan at upatan ang imperyalistang karibal nitong China. Bahagi ang Pilipinas ng tinatawag ng US na “First Island Chain” o kawing ng mga isla kung saan nagtatayo ito ng lambat ng mga lunsaran ng misayl na nakatutok sa China. Dahil sa EDCA, maaaring mag-imbak ang US ng mga armas nukleyar o kahit pa anong sandata na hindi man lamang nalalaman ng mga Pilipino. Idinadawit ng mga ito ang Pilipino sa gerang hindi naman kanila, at ginagawang posibleng target ang Pilipinas ng anumang aksyon o kontra-aksyon ng China.
Sa harap ng mga ito, kailangang-kailangang buklurin ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng bandera ng patriyotismo at tunay na demokrasya, upang ipagtanggol ang buhay at kalayaan ng bansa. Dapat makibaka sa lahat ng posibleng larangan ng paglaban, pakilusin ang pinakamalaking bilang ng mamamayan, at ipamalas ang kanilang lakas na baguhin at ukitin ang sariling landas ng kasaysayan.
Hindi matatawaran ang gagampanang papel ng NDFP upang tipunin ang lakas ng sambayanan at likhain ang makapangyarihang daluyong ng protesta at paglaban.
Dapat ubos-kayang palaganapin at buklurin ang sambayanan sa batayan ng pambansa-demokratikong programa ng NDFP. Pangunahin itong nakatuon sa pagwawakas ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal, at sa pagpapalaya ng bayan mula sa dayuhang paghahari at kontrol. Ito ang salalayang kundisyon upang baguhin ang takbo ng kapalaran ng mga Pilipino, wakasan ang ilandaang-taong kasaysayan ng kaapihan at pagkabusabos, at dalhin ang bayan sa bagong kabanata ng pagsulong at kaunlaran.
Walang kasingsidhi ang hangarin ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Hindi ito mapupuksa kahit ng brutal na terorismo ng papet na estado. Humalaw tayo ng lakas at inspirasyon sa libu-libong Pilipinong nag-alay ng kanilang buhay sa ilandaan taon nang rebolusyonaryong pakikibaka. Buong-puso nating ialay ang lahat para paglingkuran ang sambayanan.