PRWC » Kamtin ang sustenableng kaunlaran at malusog na kapaligiran sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon

April 25, 2024


Napapanahon at mahalaga ang paggunita sa Earth Day sa yugtong ito kung kailan pangita at ramdam ng mamamayan ang epekto ng krisis pangkalikasan na idinulot ng monopolyo kapitalismo. Sa halip na yakapin ang burges at artipisyal na pagdiriwang sa Earth Day na pakana ng mga kapitalista, dapat ituon ang okasyon sa pagsusulong at pagpapalakas ng mga pakikibakang bayan upang pigilan ang pangwawasak sa kalikasan ng imperyalismo at kasabwat nilang naghaharing malalaking kumprador-panginoong maylupa at itaguyod ang sustenableng modelo ng produksyon na kapaki-pakinabang para sa lahat.

Saanmang dako ng daigdig ay ramdam ng mamamayan ang krisis sa kapaligiran. Malaki at biglaan ang pagbabago sa klima dulot ng pagkatipon ng greenhouse gases (GHG) sa atmospera na nagdudulot ng ibayong pag-init ng mundo. Ang walang rendang pagbubuga ng mga industriya ng GHG kasabay ng pagsira ng mga imperyalista sa mga kagubatan, katubigan at sa ekosistema sa pangkabuuan upang huthutin ang mga likas yaman ang pangunahing sanhi ng krisis na ito. Tumindi ang init at lumalakas ang mga bagyo. Natunaw ang mga yelo kaya’t umangat ang tubig sa karagatan. Nitong nakaraang dekada, tampok ang pagsiklab ng mga sunog sa gubat, matitinding pagbaha, pagguho ng mga kabundukan at panganib na mawala ang iba’t ibang klase ng hayop at halaman.

Malubha ang epekto ng mga penomenong ito sa inaapi’t pinagsasamantalahang mamamayan. Dadagan ang mga sakuna sa binabata nilang pasakit tulad ng kawalan ng sapat na pagkain, kawalan o kakulangan sa lupa, kawalan ng trabaho, problema sa tirahan, kasalatan sa serbisyong sosyal, at walang humpay na pasismo at panggegera ng mga estado. Sa harap ng grabeng pagdurusa ng masang anakpawis at napipintong pagkasaid sa yaman ng kalikasan, patuloy ang pandarambong ng mga imperyalistang kapangyarihan sa likas yaman ng mahihirap na bansa at pagpapalawak ng operasyon ng maruruming industriya.

Dito sa Pilipinas, malaki ang pananagutan ng imperyalismong US sa pagkawasak ng kapaligiran at paglala ng mga sakuna. Mabilis nitong sinira ang kapaligiran sa proseso ng pagkuha ng mga yamang mineral, troso at iba pang hilaw na materyales sa panahong direkta nitong okupado ang bansa at hanggang sa ilalim ng mga tutang rehimen nito. Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, winasak ng US ang mga kagubatan upang kunin ang mga troso at magtayo ng mga plantasyon. Noong dekada 1950, higit 10 milyong ektarya ng Pilipinas ang nasasaklaw pa ng kagubatan subalit pagdating ng dekada 1990, wala na itong isang milyong ektarya. Sa ilalim ng reaksyunaryo’t papet na republika, lumawak ang mga negosyong mina ng US at pinalaganap ang mga mapaminsalang kemikal na pang-agrikultura. Iresponsable ang operasyon ng mga dayuhang kumpanya na nagkalat ng lason sa mga katubigan at kalupaan kahit batid na ang mga ito ang siyang pinagmumulan ng pagkain at inumin ng mamamayan.

Bukod sa US, lubusan ding nandambong at nakinabang ang Japan at China. Nagkakailan ang mga kumpanya ng mina ng Japan na nag-oopereyt sa bansa, habang walanghiya namang hinahakot ng China ang mga buhangin sa dalampasigan ng bansa upang gamiting sangkap ng bakal at kinokordon ang mayamang karagatang saklaw ng Pilipinas sa West Philippine Sea para kamkamin ang isda at iba pang yamang marino sa rehiyon. Nagtatayo rin ang mga ito ng maruruming planta ng enerhiya at nagtutulak ng mga proyektong “renewable energy” lalo ng mga dam na pipinsala sa ekosistema bukod pa sa palalayasin nito ang mga katutubo’t magsasaka mula sa kanilang lupa. Pinalalawak ang mga proyektong reklamasyon na nagtataboy sa mga mangingisda at nagdudulot ng malulubhang pagbaha.

Sa harap ng sumisidhing krisis ng monopolyo kapitalismo, lalong sumasahol ang pambubusabos ng imperyalismo sa Pilipinas at sa iba pang mahihirap na bansa ng daigdig sa ngalan ng supertubo. Tumatampok din ang kriminal na kapabayaan ng mga papet na estado na isalba ang mamamayan sa harap ng malulubhang sakuna. Hindi masansala ang ibayong pagkawasak ng kalikasan at dulot nitong mga kalamidad dahil sa pagmamatigas ng mga imperyalistang kapangyarihan na tigilan ang pang-aabuso sa kalikasan at pagiging sunud-sunuran ng mga gubyerno sa mga dayuhang korporasyon.

Nagdurusa ang masang api sa sunud-sunod na mga trahedya, pinakahuli ang pagkasawi ng daang tao sa Maco, Davao de Oro nitong Pebrero at pagkatuyo ng mga pananim dahil sa El Niño. Ginagatungan nito ang naghihimagsik na damdamin ng mamamayan at binibigyang-katwiran ang kanilang paglaban. Sa hanay ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan at iba pang sektor, tumataas ang kamalayan hinggil sa tunay na ugat ng krisis pangkapaligiran at ang kinakailangang pagkilos ng bayan upang lutasin ito. Ikinalulugod ng NDFP-ST na mayroon at dumarami ang mga aktibista at samahang nagtataguyod ng adbokasiyang pang-kalikasan na umaayon sa pambansa demokratikong adhikain ng bayan. Nagpupugay rin ang NDFP-ST sa mga pambansang minorya na marubdob na nakikibaka sa lahat ng larangan upang ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno, hanggang humantong sila sa paghawak ng armas at pukpukang makipaglaban sa mga bayarang armadong pwersa na utusan ng mga gahaman.

Maaasahan ng mamamayang Pilipino na kasama nila ang rebolusyonaryong kilusan sa pangunguna ng CPP-NPA-NDFP sa pakikibaka para ipagtanggol ang kapaligiran laban sa pananalanta ng imperyalismo. Tunay at konsistente itong nagsusulong ng maka-kalikasang programa at patakaran na nakatanaw sa pagkakamit ng sustenableng kaunlaran sa Pilipinas. Hindi nito pinagbabangga ang pangangalaga sa kapaligiran at paggamit sa likas na yaman upang mag-industriyalisa, bagkus, sinisikap na pagtagpuin ang matalinong paggamit sa mga rekurso at pangangalaga sa kapaligiran at balanse ng ekosistema na mahalaga para sa pangmatagalang pag-unlad ng isang lipunan. Ipinatutupad na nito ang rebolusyonaryong programa sa mga eryang saklaw ng Pulang kapangyarihan batay sa kakayaning antas at nang may demokratikong partisipasyon.

Handa rin ang rebolusyonaryong kilusan na imobilisa ang NPA upang ipagtanggol ang kapaligiran at armadong labanan ang mga mapangwasak na operasyong mina, plantasyon, huwad na proyektong renewable energy at iba pa.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Isang dekada mula Yolanda, hindi pa rin natuto

ni Michael BeltranPinoy Weekly Nagtataka si Mayteh Martinez. Pinalayas ang

Thousands Remain Displaced After Türkiye's Earthquakes

Nearly six months after deadly earthquakes devastated southern Türkiye, thousands