Sa anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, inatasan ng Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas sa North Central Mindanao sa mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim nito na pahigpitin ang hawak sa mga prinsipyo sa gerilyang pakikidigma. Panawagan nito ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at paggapi sa nakapokus na mga operasyon ng kaaway.
Sa nakarang limang taon, hinarap ng PKP at BHB-NCMR ang matitinding operasyon ng Armed Forces of the Philippines na naglayong gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Gumamit ito ng maraming tropa at modernong mga armas tulad ng drone, fighter jet, helikopter at artileri. Matingkad ang terorismo ng estado sa rehiyon, kung saan naging gawi ng estado ang hulihin, iditine at ipailalim sa matinding presyur ang rebolusyonaryong mga ina at kanilang mga anak, pananakot at pagsampa ng gawa-gawang kaso sa mga pamilya ng mga martir na mandirigma, pagpaslang sa mga sibilyan, pananakot at panghahalughog sa mga bahay ng mga masa, iligal na detensyon, pagblokeyo sa pagkain, at marami pang paglabag sa karapatang-tao.
Isinasagawa ang lahat ng ito sa gitna ng krisis sa kabuhayan ng mamamayan na nagdulot ng malawakang gutom at paghihirap sa rehiyon. Malawakan ang pagpapalayas sa mga magsasaka at pang-aagaw ng kanilang mga sakahan para sa ekspansyon ng mga komersyal na plantasyon. Kabilang dito ang pagtataboy sa mga magsasaka sa Malitbog, Bukidnon para bigyan-daan ang plantasyon ng kamoteng-kahoy ng San Miguel Foods Inc; pagdemolis sa mga magsasaka sa Balingasag, Misamis Oriental para sa ekspansyon sa plantasyon sa pinya sa Del Monte; at marami pang iba. Laganap ang panggigipit ngayon sa mga barangay ng Manalog, Kibalabag, Silae at Miglamin sa Malaybalay City dahil sa planong pang-agaw ng Del Monte sa 6,000 ektaryang lupa na balak nitong gawing plantasyon ng pinya, papaya at abokado.
Dagdag na pasakit sa mga magsasaka ang bagsak na pagbili sa kanilang mga produkto habang sumisirit ang presyo ng batayang mga bilihin. Sa nakaraang taon, nasa ₱22-₱26 lamang kada kilo ang bilihan ng goma. Ang presyo ng abaka ay nasa mababang ₱48-₱60 kada kilo lamang, at ang mais ay nasa ₱15-₱22 kada kilo.
Para sa Region X, itinakda sa batas ang minimum na sahod na P390 kada araw para sa mga manggagawang di agrikultural at ₱375 para sa mga manggagawa sa agrikultura. Sa aktwal, nasa ₱250-₱300 lamang ang natatanggap ng mayorya dahil sa iskemang kontrakwalisasyon.
Maraming magsasaka ngayon sa rehiyon ang patuloy na naggigiit ng kanilang karapatan sa lupa sa pamamagitan ng sama-samang bungkalan at okupasyon, pagkumpronta sa mga negosyo at panginoong maylupa at iba pang paraan. Mula sa mga pakikibakang ito’y lumilitaw ang mga kabataang bagong mandirigma ng BHB. Pinatutunayan nito na makatarungan at mahalaga ang pagrerebolusyon ng mamamayan.