Ang Napoleon Tumagtang Command, New People’s Army – Southern Panay ay nakikiisa sa rebolusyonaryong pwersa sa buong kapuluan sa pagdiriwang ng ika-54 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Makatwiran na gunitain natin ang patuloy na pag-iral ng NPA sa 54 taon na. Ginintuang tagumpay ng rebolusyon ang paninindigan ng NPA bilang tunay na hukbong bayan sa gitna ng pinatitinding mga kampanyang pulitikal-militar ng mga rehimen na nag-ilusyong wasakin ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayng Pilipino. Karapat-dapat ding bigyan ng pinakamataas na pagpupugay ang Partido Komunista ng Pilipinas. Dahil sa kanyang wasto at absolutong pamumuno napagtagumpayan ng NPA ang inilunsad na mga kampanyang panlulupig mula pa naong 1969.
Para sa pagkumpleto ng pagdiriwang na ito, ginugunita at binibigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay ang lahat ng rebolusyonaryong martir—mga Pulang kumander, Pulang mandirigma, kasapi at kadre ng Partido, masa at alyado na nag-alay ng buhay sa rebolusyon. Higit ding pinagsasaluduhan ang lahat ng Pulang Kumander at mandirigma na nagpupursigi na isabuhay ang walang hanggan na nagmamahal sa uring api’t pinagsamatalahan, lubusan at buong pusong naglilingkod sa kapakanan ng masa sa gitna ng kahirapan, sakripisyo at kamatayan. Ito, ang hindi mapapantayang puhunan ng pagsulong, gaano man kahirap, gaano man kaliko at kasukal ang daan tungo sa tagumpay.
Nagmarka sa ika–limampu’t apat na taon ng NPA ang kabiguan ng OPLAN Kapanatagan ni Duterte at patuloy na pakikipaglaban sa rehimeng Marcos II. Ang NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) at iba pang kaugnay na programa ay nabigong pawiin ang adhikain at tapusin ang rebolusyonaryong paglaban ng masa. Apektado man ng puting lagim at terorismo na inihasik ng estado, nanatiling naniniwala ang masa sa armadong pakikibaka bilang solusyon sa kahirapan at sa NPA bilang tunay nilang tagapagtanggol. Sila’y lalong nagpakahusay sa lihim na pagkilos upang patuloy na iparamdam ang kanilang pagmamahal at maibigay ang hindi nasasaid na suporta sa kanilang hukbo.
Nabigo ang AFP na paibsan ng suportang masa ang NPA! Mahigpit na isinabuhay ng pulang hukbo ang linyang masa sa pamamagitan ng lubusang paniniwala at pagmumulat sa masa na sila lamang ang tanging lakas na makapagpapabago ng kanilang kapalaran. Pinapanatili ng mga yunit ng NPA ang mahigpit na kaugnayan sa masa para patuloy na pukawin, organisahin at pakilusin sila sa gitna ng matindi at malakihang atake ng kaaway. Nagpupunyagi na maipaliwanag ang totoong kalagayan nila at pagka-inutil ng rehimen na bigyang-lunas ang kanilang mga suliranin. Ang mga taktikal na opensiba na nailunsad ng mga yunit ng Napoleon Tumagtang Command nitong taon ay kongkretong naglalarawan ng tinatamasang suporta mula sa malawak na masa.
Nagtamo man ang NPA ng pagkatalo sa labanan na nagresulta ng pagka-martir ng 3 kasama at pagkasamsam ng kaaway ng ilang armas nitong huling kwarto ng 2022, hindi ito karapat-dapat ipagmamalaki ng AFP! Hindi nito nakamit na mai-wipe-out ng kanilang malaking pwersa ang laking-iskwad ng NPA na kanilang nireyd. Lumaban ang pulang hukbo sa superyor na pwersa ng kaaway. Nagpapakita ito na taglay ng NPA ang makauring katapangan para supilin sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ang mersenaryong AFP.
Higit pang hindi dapat ipagmamalaki ng reaksyunaryong estado na hindi nagtagumpay ang 54 taong Rebolusyong Pilipino. Ang 54 taong pag-iiral ng NPA hindi maipagkakailang kabiguan ng naghaharing uri. Ang paggamit ng terorismo at pasismo ng isang estado naglalahad ng pagka-desperado. Obligadong gamitin nito ang bakal na kamay para ipagtanggol ng kanyang paghahari laban sa bulkang puputok at lalansag ng kanyang pinaghaharian. Ang milyon-milyong masang nagpapasyang putulin ang tanikala ng kaapihan ay magiging makapangyarihang lakas na magbabago ng kasaysayan.
Mabuhay ang ika-54 na anibersaryo ng New People’s Army!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!