PRWC » Paigtingin ang digmang bayan para labanan ang imperyalistang agresyon sa Asia Pacific

April 4, 2023


Nananawagan ang Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog sa lahat ng yunit ng NPA at mamamayan ng Timog Katagalugan na ibayong magpunyagi at paigtingin ang pagsusulong ng digmang bayan bilang sagot sa papatinding agresyon ng US sa bansa at sa rehiyong Asia Pacific. Kailangang ilunsad ang mga taktikal na opensiba at mga anti-imperyalistang pakikibaka sa lahat ng larangan upang ipakita ang pagkamuhi ng sambayanang Pilipino sa imperyalismong US. Marapat na ubos-kayang labanan ang mapandigma at hegemonya ng imperyalismong US na naghahasik ng terorismo sa buong mundo sa gitna ng ibayong pandaigdigang krisis pang-ekonomya at pampinansya.

Dapat tutulan at labanan ang mga pinagsanib na ehersisyong militar sa pagitan ng AFP at tropang Amerikano sa loob ng teritoryo ng Pilipinas sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng imperyalismong US at China. Isinasapanganib nito ang kaligtasan ng mamamayang Pilipino na maiipit sa nakaambang imperyalistang gera.

Sa darating na Abril, nakatakdang lumahok sa ika-38 Balikatan exercises ang 17,000 pwersa (12,000 Amerikano at 5,000 Pilipino). Pinakamalaki ito sa kasaysayan ng Balikatan. Bago pa ito, naganap ang PH-US Warfighting Functions Exchange 2023-1 noong Pebrero at kasalukuyang inilulunsad ang ehersisyong “Salaknib” na kapwa isinagawa sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija. Dadalhin at gagamitin sa pagsasanay ang mga weapons of mass destruction ng US tulad ng Patriot missile, mga drone, eroplano at barkong pandigma para umano “sanayin sa pagpapalubog ng mga barko at eroplanong pandigma ng kalaban.” Ang live-fire exercises ay nakatuon diumano sa teritoryal na depensa ng bansa. Ang ehersiyo ay ginawa matapos i-anunsyo ni Marcos Jr. nitong Pebrero na palalawakin pa ang mga base militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng Enhance Defence Cooperation Agreement (EDCA).

Sa mga ehersisyong ito, mapipinsala ang buhay at kabuhayan ng mamamayan. Perwisyo sa mga mangingisda at komunidad ang pagpapasabog, pambubulabog at pagsosona sa karagatan. Magdudulot pa ito ng pagkasira sa mga bahura, isda at iba pang yamang dagat. Pangmatagalan ang pinsala ng toxic wastes mula sa mga aktibidad militar. Higit pa rito, ginagatungan nito ang iringan ng US at China at inuupatan ang huli sa paglulunsad ng mga atake sa Pilipinas.

Ang sunud-sunod na pinagsanib na ehersisyong militar ng US at Pilipinas ay bahagi ng pakana ng US na iputok ang isang proxy war sa Asia Pacific pagsapit ng 2025. Bahagi ang Pilipinas sa first island chain ng US na itinakda ng huli bilang posibleng lunsaran ng digma laban sa China. Kapag nangyari ito, tiyak na magdurusa ang buong bayan na maiipit sa gitna ng dalawang imperyalistang kapangyarihan. Kamatayan, gutom at ibayong kahirapan ang sasapitin ng mamamayang Pilipino.

Ang paggamit ng US sa Pilipinas bilang piyon para sa imperyalistang agresyon sa Asia Pacific ay tahasang paglapastangan sa kasarinlan ng Pilipinas. Pinatutunayan nitong isang malakolonya ng US ang Pilipinas na malaon nang ginagamit bilang base militar para panatilihin ang hegemonikong paghahari sa Asia-Pasipiko. Ginawa rin nitong malapyudal ang ekonomya ng bansa para makapanghuthot ng murang hilaw na materyales at lakas-paggawa. Kasabwat ng US ang papet na republika sa Pilipinas.

Bilang Amboy at papet ng US, sunud-sunuran si Marcos Jr. sa mga plano ng US. Walang kahihiyang isinasangkalan ni Marcos Jr. ang seguridad at depensa ng Pilipinas upang ikatwiran ang interbensyon ng US sa bansa. Kabilang sa mga paghahanda ng US ang pagpaparami pa ng mga base militar sa bansa sa bisa ng EDCA. Pinararami rin ang mga tropang Amerikano at kanilang armas sa pamamagitan ng iba pang mga makaisang panig na kasunduang militar kagaya ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement, Mutual Logistics Support Agreement at mga katulad.

Kasabay nito, nagpapasok at nagbebenta ang US ng mga bagong kagamitang pandigma sa AFP-PNP. Tiyak na hindi lamang nakatutok ang mga armas na ito sa China kundi sa rebolusyonayaryong kilusan at nakikibakang mamamayang Pilipino. Nanlilimos ang ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte ng ayudang militar sa US upang gamitin sa mapanupil na gera “kontra-terorismo” sa Pilipinas na ang totoo’y isang brutal na kontra-rebolusyonaryong gera laban sa mamamayan. Nakabalangkas ito sa US counter-insurgency guide na nagsusulsol ng mga paglabag sa internasyunal na batas ng digma at karapatang tao.

Kung kaya, makatarungan ang pakikibakang bayan para palayasin ang tropang Amerikano sa bansa. Salot sa mamamayan ang mga sundalong Amerikano na hindi lamang naghahatid ng takot at pangamba kundi nagdudulot ng perwisyo sa kabuhayan at pinsala sa kalikasan.

Malaking hamon sa mamamayang Pilipino ang pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon sa harap ng lumalalim na interbensyon ng US at nakaambang agresyon sa Asia Pacific. Sa panahon ng banta ng imperyalistang gera, nararapat ang higit na paghihigpit ng pagkakaisa ng mamamayan at NPA. Dapat lahat ng makabayang Pilipino at nagnanais ng tunay na kalayaan ay sumuporta sa armadong pakikibaka ng NPA na naglalayong ibagsak ang paghahari ng imperyalismong US sa bansa.

Nakahanda ang NPA at ang buong rebolusyonaryong pwersa na labanan ang imperyalistang agresyon ng US at panghihimasok ng China. Ipagtatanggol nito ang mamamayang Pilipino at ipaglalaban ang kasarinlan ng Pilipinas. Ubos-kaya nitong lalabanan hanggang mawakasan ang paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo hanggang makamit ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya!



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

VERA FILES FACT SHEET: Understanding the plight of Filipino seafarers

President Ferdinand Marcos Jr. vowed in his second State of

PRWC » Peke nga Engkwentro sa Central Negros, Ginahinabon sang AFP sa ila Kapalpakan

Wala huya nga nagapalayag si Lt. Col. William Pesase sang