Mag-iisang buwan na matapos ang malagim na araw kung saan walang-patumanggang naghulog ng 10 bomba ang mga fighter jets at drones ng AFP-PNP sa sibilyang komunidad ng Barangay Gawaan, Kalinga, pero hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang militarisasyon dito at sa mga kanugnog na baryo sa bayan ng Balbalan.
Matatandaang matapos ang nasabing insidente ay nasundan pa ang pambobomba ng AFP-PNP sa komunidad noong Marso 9 at 13. Noong Marso 9, naghulog ang AFP-PNP ng bomba malapit sa Gawaan Elementary School habang kasalukuyang may klase. Sa parehong araw ay binomba at pinaulanan din ng bala ng AFP-PNP ang lugar malapit sa mga kabahayan ng Sitio Codcodwe at Sitio Utah.
Sa kasalukuyan, di bababa sa apat na batalyon ang nakapakat sa buong probinsya ng Kalinga, dalawa rito ay nakapat sa Gawaan pa lang mismo. Walang-laya ang mga sibilyan na lumabas para magtrabaho sa kanilang mga sakahan, uma at lugar ng produksyon. Ni hindi man lang nila mapuntahan ang kanilang mga lupain at alagang hayop. Halimbawa nito ang pitong oras na iligal na pagbimbin sa siyam na masang nagtungo sa kanilang pastuhan upang tingnan ang kanilang mga baka at kalabaw matapos ang naganap na pambobomba. Sinusubaybayan ang kanilang bawat galaw, bawal silang magpunta sa magubat na bahagi ng kanilang barangay para maghanapbuhay, lahat ng papasok at lalabas sa barangay ay dadaan sa checkpoint kung saan lahat ng karga ay hahalughugin at kukwestyunin ng militar.
Kaugnay nito, nagpapatuloy rin ang operasyong militar sa iba pang bahagi ng probinsya, kasabay nito ang iba’t-ibang porma ng paglabag sa karapatang-tao ng mga sibiliyan. Halimbawa ang sadyang panununog ng mga tropa ng AFP sa mabundok na bahagi ng Barangay Talalang, Balbalan noon ding Marso.
Ang terorismong ito ng AFP-PNP ay nagdudulot ng labis na pinsala, pasakit at takot sa sibilyang populasyon ng Balbalan at sa buong Kalinga. Isa itong krimen laban sa mga sibilyan at dapat lamang managot ang AFP-PNP at ang pasistang rehimeng US-Marcos II kaugnay nito.
Dagdag pa rito ang paglapastangan sa mga labi ng dalawang nasawing Pulang mandirigma sa nabanggit na mga labanan. Ito ay gawa ng isang tunay na terorista!
Nilabag ng AFP-PNP ang Geneva Convention, Protocol 2, International Humanitarian Law at maging ang CARHRIHL na nangagalaga at nagpapahalaga sa karapatang-tao ng mga sibilyan sa panahon ng digmaan. Malinaw na ang biktima ng pambobomba at terorismo ng AFP-PNP ay ang sibilyang populasyon. Anong rason nila para sadyang hulugan ng bomba at pagbabarilin ang mga lugar malapit sa eskwelahan at mga kabahayan na maliwanag namang sibilyan ang naroroon? Sinadya ito upang maghatid ng walang-kapares na takot sa mga mamamayan at upang patahimikin sila habang walang-habas na naghahasik ng lagim ang mga utak-pulbura at hayok sa dugong pasistang tropa ng AFP-PNP sa komunidad.
Kung susuriing mabuti, ang di-makataong operasyong ito ng AFP-PNP laban sa sibilyang populasyon ay may mahigpit na ugnayan sa plano ng rehimeng US-Marcos II na agawin ang lupaing ninuno ng mga tribo ng Kalinga para sa proyektong pang-enerhiya gaya ng dam at pagmimina. Hindi lang ito basta usapin ng labanan sa pagitan ng AFP-PNP at NPA. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit matapos ang dalawang engkwentro sa lugar ay nananatili pa rin dito ang mga tropa ng AFP-PNP at naghahasik ng lagim ng batas militar.
Ang kriminal na aktong ito ang nagpapatunay sa pasismo at kawalang-respeto ng AFP-PNP sa sibilyang populasyon. Ito rin ang nagpapakita ng kinapasista ng kasalukuyang rehimen. Ang AFP-PNP ay isang institusyong nagsusulong ng pasismo, karahasan at interes ng naghaharing uri na busabusin ang mga mamamayang naghahangad lamang ng kanilang makataong karapatan at interes.
Taliwas dito, mahigpit na tumatalima ang BHB sa mga batas na gumagalang sa karapatang-tao ng lahat ng sibiliyan at maging ng mga kombatant na wala ng kakayahang lumaban. Labas pa sa Geneva Convention at Protocol II, nakaukit sa batayang prinsipyo at bakal na disiplina ng BHB ang “Tatlong Alituntunin sa Disiplina” at “Walong Puntong Dapat Tandaan” o mas kilala bilang Tres-Otso. Mahusay ang trato sa mga bihag na sundalo ng kaaway, at agad silang pinalalaya kung walang mabibigat na krimen sa mamamayan. Ang mga sugatan ay kagyat na ginagamot. Iniiwasang makagawa ng kahit anong kapinsalaan sa mga sibiliyan at ginagalang ang kanilang mga batayang karapatan. Ito ang tatak ng hukbong tunay na naglilingkod sa sambayan.
Nanawagan ang LCC sa mga mamamayan ng Kalinga na tumindig at huwag magpadaig sa pasistang pwersa ng AFP-PNP. Sa harap na matinding pasismo, sandata niyo ang inyong sama-sama at organisadong pagkilos upang ipaglaban ang inyong mga karapatan at papanagutin ang AFP-PNP at rehimeng US-Marcos II sa krimen nito laban sa inyo. Patuloy na ipanawagan ang pagpull-out ng militar sa mga komunidad at singilin ang mga ito sa pinsala sa buhay at kabuhayan na dulot ng kanilang mararahas na operasyong militar. Tanging armadong rebolusyon lamang ang babago sa kasalukuyang api nating kalagayan kaya naman tuloy-tuloy na tumipon sa armadong pakikibaka, sumampa sa BHB!
Nananawagan din ang LCC sa mga iKalinga na sundalo, pulis at nakabababang mga upisyal na suriing mabuti ang kalagayan, tumindig para sa uring pinagmulan at huwag maging kasangkapan ng karahasan laban mismo sa inyong mga kailian at kauri.
Gayun din, nanawagan ang LCC sa lahat ng samahan at organisasyong nagmamahal sa kapayapaan at nagtataguyod ng karapatang-tao na tumugon sa kinakailangang tulong ng mga mamamayan ng Kalinga sa gitna ng militarisasyon na nagaganap dito.###