Mariing kinukundena ng Bienvenido Vallever Command-NPA Palawan ang nakatakdang pagtatayo ng base militar sa isla ng Balabac, isa sa apat na bagong base militar ng imperyalismong US sa pinalawak na kasunduan sa depensa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Inianunsyo kahapon ni Carlito Galvez Jr, kalihim ng Department of National Defense (DND) ang apat na bagong base militar ng US na kinapapalooban ng tatlo sa isla ng Luzon malapit sa Taiwan: ang Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at isa sa Balabac Island sa Palawan na malapit sa South China Sea.
Dagdag ito sa mga hakbangin ng US na palawakin ang pangangalaga sa interes nito sa Indo-Pacific na lantarang pang-uupat sa China at pagpapaigting ng tensyong militar sa pagitan nila. Ang itatayong base sa Balabac ang magiging pinakamalapit sa pinag- aagawang Mischief Reef, kung saan nagtayo ang China ng artipisyal na isla na may mga pasilidad at instalasyong militar.
Mapanganib ang pahayag ni Galvez na “napakaestratehiko” ng lokasyon ng mga bagong EDCA site, partikular ang Naval Base Camilo Osias at ang isla ng Balabac dahil tiyak na maghahatid ito sa mamamayan ng Balabac sa banta na pagkaipit sa imperyalistang ribalan na maaaring humantong sa digma. Tiyak na gagamitin ng US ang site sa Balabac para sa pangungolekta ng paniktik at paglulunsad ng mga aktibidad panghimpapawid at pandagat sa erya para ipailalim ang Mischief Reef sa masusing sarbeylans at pagsisiyasat ng US.
Magiging siyam na ang kabuuang bilang ng military site ng imperyalismong US sa ilalim ng EDCA: ang unang lima ay naitatag sa ilalim ng rehimeng US-Aquino II at ang apat sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Ang unang lima ay sa Antonio Bautista Air Base, Puerto Princesa City; Fort Magsaysay, Nueva Ecija; Basa Air Base, Pampanga; Mactan-Benito Abuen Air Base, Cebu; at Lumbia Air Base, Cagayan de Oro. Nangangahulugan ito na malayang makakapag-istasyon ng pwersa at kagamitang militar bukod sa makakapag- ikot at makapamayagpag ang mga tropa ng US sa siyam na base sa buong Pilipinas sa balangkas ng pagpapalakas ng hegemonya nito sa rehiyong Indo-Pasipiko laban sa lumalakas na pandaigdigang impluwensyang pang-ekonomya at pangmilitar ng China.
Ang pagdadagdag ng base militar sa Pilipinas ay isa lamang sa serye ng malalaking hakbanging militar ng US sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ngayong taon, kabilang na ang pagbubuo ng kasunduan sa India para sa bahaginan ng teknolohiyang militar, ang pagdedeploy ng bagong yunit ng US Marines sa mga isla ng Japan at ang pagtatayo ng bagong base ng US Marine Corps sa Guam.
Bago pa ang deklarasyong pagtayuan ng panibagong base militar ng US ang Balabac, mistulang inihahanda na ng sabwatang Western Command (WESCOM) at Jose Chavez Alvarez (JCA) ang isla sa tabing ng proyektong ekoturismo. Itinakda ni JCA noong nakaraang taon ang Balabac bilang “ang susunod na Maldives” at “ang El Nido sa South” sa balangkas ng programang pang-ekoturismo para sa sariling kapakinabangan.
Sing-aga pa lang ng Pebrero 2022, ginagapang na ni JCA ang konstruksyon ng isang baseng panghimpapawid at baseng nabal sa Balabac upang kumpletuhin ang base ng tatlong iba’t ibang sangay ng AFP sa mga isla ng Balabac. Taong 2018 nang pumirma si JCA sa isang memorandum of agreement sa Philippine Air Force para sa pagtatayo ng isang 300-ektaryang air base nito sa Brgy. Catagupan. Mala-Subic na baseng nabal naman ang planong itayo sa timog na bahagi ng bayan.
Sa kasalukuyan, nakaistasyon sa Balabac ang isang yunit sa ilalim ng Naval Forces West (NAFORWEST) at yunit ng Philippine Army at Philippine Coast Guard sa mga isla. Ang pagbuhos ng napakaraming berdugo at pasistang pwersa ng AFP sa Balabac ay tiyak na magdudulot ng ibayong paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan dito.
Dapat na tutulan at labanan ng buong sambayanang Pilipino ang pagtatayo ng base militar ng US sa Balabac at sa iba pang panig ng bansa. Ibasura ang EDCA at iba pang hindi pantay sa kasunduan. Palakasin ang armadong pakikibaka sa Palawan sa pagpapasampa sa Bagong Hukbong Bayan upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayang magwawasak sa kontrol ng imperyalismo. Sunggaban ang mga pagkakataong sumulong sa gitna ng banta ng sumisiklab na inter-imperyalistang digma! #