Relief ops, pinangunahan ng mga progresibong grupo – Pinoy Weekly

July 25, 2024


Sa huling ulat-panahon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pag-asa) nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Carina (Gaemi) kaninang 6:20 a.m., Hul. 25.

Maagap namang nanawagan ang iba’t ibang progresibong grupo ng tulong para sa mga kababayang apektado ng pagbaha.

Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at ng kanilang relief arm na Bayanihan Alay sa Sambayanan (Balsa), nakakalap na ito ng nasa P40,000 na ginamit para sa pamamahagi ng higit 1,200 hot meals sa mga apektadong indibidwal sa Cavite at Rodriguez (Montalban), Rizal. 

Pinangunahan naman ng Kilusang Mayo Uno at Balai Obrero Foundation ang kampanyang Tulong Obrero at nakapaghatid na rin ng unang batch ng hot meals sa Brgy. Claro, Project 3 sa Quezon City. Gumugulong na rin ang mga inisyatiba ng Kadamay, Piston, Gabriela, Tulong Kabataan, Courage, Bayan Muna at iba pa. 

Isa sa mga community kitchen na inihanda ng Community Pantry para sa mga lumikas na residente. Patreng Non/Facebook

Sa panayam kay Kadamay secretary general Mimi Doringo sa DWPM Teleradyo Serbisyo, ipinagmalaki nito na kahit ang mga donasyong P8 mula sa bulsa ng mga kapwa maralita ay may malaking ambag para makalikom ang Kadamay ng P1,600 sapat para makapagluto ng 10 kilong bigas at tatlong tray ng adobong itlog. Ang mga ito ay ipinamahagi nila sa isang komunidad sa Quezon City.

Inanunsiyo na rin ni Patreng Non, tagapagtatag ng Community Pantry, ang pagbubukas ng nasa 87 na mga community kitchens sa iba’t ibang panig Metro Manila at karatig probinsya. Nanawagan rin sila para sa mga donasyon at volunteer.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa higit 880,000 na indibidwal o 183,464 na mga pamilya ang apektado ng bagyo.

Kahapon, Hul. 24, isinailalim na sa State of Calamity ang buong National Capital Region dahil sa malaganap na pagbaha sa iba’t ibang siyudad. Pinakatampok dito ang matinding epekto muli sa Marikina City na nakapagtala ng 31,128 evacuees, mas mataas kaysa noong Bagyong Ondoy. 

Ilang araw matapos ang ikatlong State of the Nation Address ni Marcos Jr. kung saan ipinagyabang niya ang nasa 5,500 flood control projects, sumambulat ang katotohanang nananatiling walang kahandaan ang gobyerno at naiiwang pinakabulnerable ang mga kababayang maralita sa panahon ng mga sakuna.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang Bayan » Araw ng huwad na kalayaan, ginunita ng mga protesta

Tumungo una sa konsulado ng China, at pagkatapos sa embahada

Transport strike over; Palace promises to review jeepney phaseout program

Public utility drivers suspended their transport strike on the third