Uncategorized

Repleksyon ng Malubhang Kahirapan Dulot ng Bulok na Sistemang Panlipunan

Repleksyon ng Malubhang Kahirapan Dulot ng Bulok na Sistemang Panlipunan


Repleksiyon ng isang Obispo ng IFI hinggil sa insidente sa pagitan ng security guard at magsa-sampaguita.

Ni Rt. Rev. Antonio N. Ablon, IFI / Bishop ng Chaplaincy ng Iglesia Filipino Independiente sa Europe

Naging usap-usapan kamakailan ang isang batang nagtitinda ng sampaguita na tinaboy ng sekyu ng isang malaking mall sa Maynila. Ang eksenang ito ay sumasalamin sa lalim ng kahirapan at sa kawalang-katarungan ng umiiral na sistemang panlipunan sa ating bayan.

Naalala ko tuloy ang sarili kong karanasan noong ako’y nasa Grade 4. Dahil walang baon sa eskuwela, napilitan akong magbenta ng maja blanca bilang sideline ng aking guro upang magkaroon ng pambili ng pagkain tuwing recess. Ngunit isang araw, sa sobrang kabataan at kawalang-ingat ko, natapon ang isang buong tray ng paninda. Dahil dito, napagalitan ako nang husto. Naiintindihan ko naman ang galit ng guro ko, dahil tulad ko, siya rin ay naghahanap ng paraan para maitawid ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Ngunit ang insidenteng iyon ay nag-iwan ng sugat. Simula noon, hindi na maganda ang pakikitungo niya sa akin, lalo na’t hindi ko nabayaran ang nasayang kong paninda. Sa bandang huli, ang sama ng loob at kahirapan ang nagtulak sa akin na huminto at lumipat ng paaralan.

Katulad ng batang sampaguita vendor, ang aking karanasan ay hindi lamang tungkol sa personal na pagkukulang kundi sa sistematikong problema ng lipunan. Sabi ng iba, bawal maghanapbuhay ang mga bata ayon sa batas. Pero ang tanong: kung walang malubhang kahirapan at bulok na sistema, may bata bang pipilitin ng sitwasyon na maghanapbuhay?

Hindi kasalanan ng mga bata ang magtinda ng sampaguita o magbenta ng paninda upang makatulong sa pamilya. Ito ay dulot ng sistemang nagpapabaya sa pangangailangan ng mamamayan—walang sapat na trabaho, edukasyon, at oportunidad para sa maralita.

Hanggang kailan natin ito titiisin? Kailan magkakaroon ng gobyernong tunay na uunahin ang kapakanan ng mahihirap at bibigyang halaga ang kinabukasan ng mga bata?

Ang mga ganitong eksena ay dapat magsilbing paalala na kailangan nating kumilos para sa pagbabago—isang pagbabago na magmumula sa tunay na malasakit at hustisya para sa lahat. #



Source link

Kodao
Kodao

Kodao Productions is an award-winning multi-media production outfit. It produces videos on burning social issues in the Philippines, such as environmental destruction, human rights, and other civil liberties. Aside from videos, Kodao also produces radio programs for national radio networks and community radio stations throughout the country. Both its video and radio productions have been awarded and cited by private and government institutions.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning