Pumasa nang walang pagtutol sa regular session ng Sangguniang Panglungsod ng Baguio nitong Oktubre 3 ang isang resolusyong naghihimok sa Anti-Terrorism Council (ATC) ng pag-“delist” o pagtanggal ng designasyong terorista ng apat na aktibista mula sa Kordilyera.
Ito ay matapos ibasura ng mga mababang korte ang mga gawa-gawang kasong isinampa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Ayon sa panukalang inihain ni Councilor Jose Molintas, pinagkaitan ang apat na aktibistang sina Sarah Abellon-Alikes, Jennifer Awingan, Windel Bolinget at Stephen Tauli, mga lider ng Cordillera Peoples Alliance (CPA), ng pagkakataong ipagtanggol ang mga kanilang sarili.
Nitong Hunyo, inilabas ng ATC ang Resolution No. 41, s. 2023, na nagbabansag sa apat na aktibista bilang mga “terorista.” Sinundan naman ito ng pag-freeze sa mga bank accounts ng CPA at kanilang pamilya.
Ayon kay CPA spokesperson Ned Tuguinay, kakaibang tapang ang ipinakita ng Sangguniang Panglungsod ng Baguio sa pag-apruba sa ganitong klaseng resolusyon.
“Kakaiba ito lalo na’t alam natin na sasagutin ito ng mga galamay ng estado sa pamamagitan ng pinatinding harassment at intimidasyon sa mga opisyal na tumindig,” ani Tuguinay sa isang panayam.
Samantala, ikinagalak naman ni Tuguinay ang naging posisyon ng konseho, bilang isa sa mga natatanging konseho na nagpapakita ng kanilang integridad at komitment na gawing tunay ang pangako ng lokal na pamahalaan na gawing “inclusive human rights city” ang Baguio.
“Magsilbi sana itong inspirasyon sa iba pang mga local government [unit] na panindigan ang diwa ng demokrasya at protektahan ang mga nagtataguyod nito,” dagdag niya.
Sa isang report, binanggit ni Molintas na hinihintay na lang ang pirma ni Mayor Benjamin Magalong upang mapagtibay ang resolusyon.
Sa bahagi naman ng CPA, sinabi pa ni Tuguinay na “sana magsilbi rin itong pananda sa ATC na walang katotohanan ang mga kasong isinasampa nila sa mga lider-aktibista ng Kordilyera.”