Rice Tariffication Law, lalong pahirap sa krisis sa pagkain – Pinoy Weekly

September 13, 2023


Lokal na produksiyon ang tunay na solusyon sa problema sa mahal at kulang na suplay ng bigas at hindi importasyon. Larawan ni Aira Kate Estrada.

Nagprotesta sa harap ng Department of Agriculture (DA) sa Quezon City ang mga progresibong grupo upang ipanawagan ang pagbabasura sa Rice Tariffication Law (RTL) at pagpapababa ng presyo ng bigas at iba pang bilihin nitong Setyembre 11.

Pagdidiin ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) president Renato Reyes, “papogi” lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng price ceiling sa bigas na P41 hanggang P45 kung hindi malulutas ang totoong problema—ang RTL na mas nagpapataas sa presyo at mas nagpapababa ng suplay nito sa merkado.

Ani Reyes, ayaw magbenta nang palugi ng mga rice retailer na bibigyan lamang ng P10,000 hanggang P15,000 subsidyo upang sumunod sa price ceiling na itinakda ng pamahalaan na kulang na kulang ayon sa kanila.

Sa kasalukuyan, pumapalo sa P49 hanggang P55 ang halaga ng bigas sa mga pangunahing pamilihan sa Metro Manila. 

Ganito rin ang pagtingin ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson emeritus Rafael Mariano. Mungkahi niya, ibalik ang kontrol ng National Food Authority sa suplay ng palay at bigas upang matutukan ang presyo sa merkado at imbis na mag-angkat ng bigas, gamitin ang gagastusin rito upang tulungan ang mga magsasaka.

“Kung ang administrasyong Marcos [Jr.] ay plano pang mag-angkat ng 500,000 hanggang 5 milyong metric tons ng bigas mula Vietnam at Thailand, bakit hindi na lang gamitin [ang pondo sa importasyon] upang ipambili ng palay ng ating mga magsasaka lalo ngayong papalapit na po sa panahon ng pag-aani?” wika ni Mariano.

Giit ng mga grupo, lokal na produksiyon ang tunay na solusyon sa problema sa mahal at kulang na suplay ng bigas at hindi importasyon.

Ayon sa kanila, kapag bumaha ng imported na bigas sa merkado, mas maisasantabi ang produksiyon ng ating mga lokal na magsasaka, hanggang sa mapilitan sila na ibenta sa mababang presyo ang kanilang butil.

Nakiisa rin ang iba pang sektor sa panawagan ng grupo ng mga magsasaka.

Wika pa ni Kadamay secretary general Eufemia Doringo, kailangang ipaglaban ang pagpapababa sa presyo ng bilihin dahil hindi naman signipikanteng umaangat ang sahod ng mga manggagawa sa bansa.

Dismayado rin ang mga manggagawa. Ayong kay Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, hindi man lang sapat upang makabili ng isang kilong bigas ang umentong P40 sa minimum wage sa National Capital Region at ang inaprubahang umentong P30 hanggang P50 sa Calabarzon.

Hiling rin ng mga grupo ang pagbaba ni Marcos Jr. bilang kalihim ng DA at realokasyon ng confidential and intelligence funds upang tugunan ang krisis sa bigas at pagkain kagaya ng pagbibigay ng production subsidy sa mga magsasaka ng palay.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang Bayan Ngayon » Mga isinampang kaso at batas kaugnay sa terrorismo at terrorist financing, ipinababasura

Nagtungo sa Department of Justice ang mga kasapi ng mga

Filipino lawyers get prestigious award – Bulatlat

(Photo by Avon Ang/Altermidya) By ANNE MARXZE D. UMILBulatlat.com MANILA