Sa gitna ng unos, daluyong ng tulong – Pinoy Weekly

August 2, 2024


Sugat at paltos ang mga daliri sa kamay dahil sa pagkuskos ng mga putikang damit at gamit, kahit ang mga daliri sa paa namaltos din sa suot na bota. Pero tuloy pa rin sa boluntaryong pagtulong si Renz Andrei, isang babaeng 20 taong gulang at estudyante ng Mapua University.

“Dati namimili ako at binibigay ko sa mga drop-off [point] ng mga donation [drive] para sa mga nasalanta ng kalamidad, ayoko naman na magbigay ng pera dahil hindi ko sure kung mapupunta nga sa mga biktima ang pera,” paglalahad ni Renz sa Pinoy Weekly

Napagpasyahan niyang magboluntir at aktuwal na tumulong sa mga biktima ng pagbahang dulot ng habagat at Bagyong Carina. “Nag sign-up lang ako sa social media posts na naghahanap ng mga volunteer, apat na araw na akong pabalik-balik sa mga relief [center] at ngayon dito naman sa Marikina.” 

Lima silang bolutir na lumapag sa Batibot Early Learning Center, dalawang estudyante mula sa Our Lady of Fatima University (OLFU) at dalawang call center employees, para tumulong sa clean-up drive sa Marikina at relief operations ng Batibot sa karatig lugar ng Pasig.

Isa ang Batibot na nasa Industrial Valley Complex (IVC) sa Marikina City na lumubog noong kasagsagan ng malakas na ulan, kasabay ng kanilang paglilinis sa kanilang munting paaralan, nangalap sila ng mga donasyon. Hindi para sa kanilang sarili, kung hindi para sa ibang biktima sa mga karatig lugar nila.

“Mula noong Bagyong Ondoy (2009), tumutulong na akong maglinis at mag-repack ng mga relief goods,” sabi ni nanay Glo, 67 taong gulang na residente ng IVC.

Kuwento niya, lampas tao ang baha sa kanilang lugar. “Hanggang second floor ang tubig sa amin,” aniya. Matapos makapaglinis sa kanilang bahay, nagbabad naman siya sa Batibot upang tumulong.

Tulong-tulong sa paglilinis ng mga gamit ang mga residente at boluntir sa Brgy. Industrial Valley Complex sa Marikina City. Macky Macaspac/Pinoy Weekly

“Catch basin ang Marikina, kaya dapat tigilan na ang pagputol ng puno at mga quarrying sa Rizal,” ani Nanay Glo. 

Habang nagkukuwento si Nanay Glo ng karanasan nila sa mga nakalipas na pagbaha. Dumating naman ang isang grupo ng mga kabataang high school na galing sa karatig barangay ng Tumana at Nangka.

Lahat sila nakaranas ng lampas taong baha sa kanilang lugar. “Tutulong po kami sa pag-repack ng relief goods,” sabi ng isang kabataang edad 16.  

Kalakhan ng tubig na dumadaloy sa kahabaan ng Marikina River ay nagmumula sa bulubunduking bahagi ng San Mateo, Montalban, Rizal. Kaya naman nagmimistulang dagat ang Marikina kapag may malakas na bagyo at ulan.

Hindi rin naniniwala ang mga residente na basura ang dahilan ng malawakang pagbaha sa Kamaynilaan.

“Sa narinig ko noong State of the Nation Address ng pangulo, ang hirap paniwalaan na may 5,500 flood control project,” sabi ni Reign, estudyante ng OLFU na kasama sa volunteer group sa Batibot. 

Pagre-repack ng relief goods sa Batibot Early Learning Center na ipapamahagi sa mga binaha sa Marikina City. Macky Macaspac/Pinoy Weekly

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council nitong Hul. 29, mayroong 36 na namatay, 14 dito ang kumpirmado, sa kasagsagan ng bagyo. Apektado naman ang 4.5 milyong indibwal o katumbas ng 1.2 milyong pamilya.  Libo-libo pa rin ang nanatili sa mga evacuation center.

Malaki din ang napinsala sa agrikultura na aabot sa P355.6 milyon at sa imprastruktura na P1.6 bilyon.

Dahil sa tindi ng epekto ng nagdaang bagyo at habagat, mariin ang panawagan ng mga biktima ng pagbaha at mga boluntir na itigil na ang pagwasak sa kalikasan.

“Ang solusyon sa pagbaha, reforestation at itigil na ang pagsira sa kalikasan, look at what happened,” sabi ni Reign.

Pero bukod sa panawagan ng pagtigil sa mga proyektong nakakasira sa kalikasan, nagkakaisa sila na hindi na umasa sa “resiliency” ang mga Pilipino. 

“Dapat may managot,” sabi ni Nanay Glo.

Bahagi lamang sina Renz, Reign at Nanay Glo sa malawak na network ng mga grupong handang tumulong sa panahon ng kalamidad.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Al-Burhan: There Will Be No Negotiation With RSF | News

The Commander-in-Chief of the Sudanese Army and Chairman of the

Ang Bayan Ngayon » Health workers launch party for the 2025 elections

Hundreds of health workers and their supporters gathered on September