Sa pag-unlad at paglaganap ng digital na teknolohiya, unti-unting nagbago ang paraan ng ating pagbabasa. Mula sa pagbisita sa mga bookstore at pagbabasa ng pisikal na libro, lumipat ang mundo ng panitikan sa digital na espasyo.
Sa pag-usbong ng mga e-book at online platform, naging mabilis ang akses sa iba’t ibang uri ng babasahin. Ang dating kailangan hanapin sa mga estante, ngayon matatagpuan na sa loob ng isang maliit na gadget.
Ngunit kasabay ng mas madaling digital access, may tahimik na pagbabago ring nagaganap. Sa gitna ng walang katapusang pag-scroll, notifications at maikling content sa social media, tila unti-unting napapalitan ang malalim na paglalakbay ng pagbabasa ng pisikal na libro. Ang mga pahinang dati’y paghihintay at pinaghahandaan, ngayon napapalitan ng mabilisang konsumo ng impormasyon.
Kung may lugar pa rin para sa mga pisikal na libro sa gitna ng digital na mundo, ito ay sa paraan ng pagbabasa na mas malalim, mas buo at mas personal. Maaaring mas madali ang online, isang click ay nandiyan na. Pero may kakaibang karanasan ang paghahawak ng isang libro. Ang paglipat ng pahina, ang amoy ng papel at ang katahimikan na nabibigay sa bawat paglipat ng pahina na hindi nagmamadali at espasyong nakaka-relax.
Hindi naman kailangan iwan ang digital na pagbasa. Pero marahil sa gitna ng bilis ng lahat, subukan nating bumalik kahit sandali lang sa isang librong hawak natin at hindi screen na nakasisilaw. Isang pahina muna at doon baka matagpuan ang tahimik na koneksiyon na matagal mo nang hinahanap.

Narito ang ilang paraan na makakatulong upang magbalik sa pagbabasa ng pisikal na libro:
- Maaaring gumawa ng simpleng reading ritual. Magsimulang bigyan ng oras ang pagbabasa ng libro kaysa gumamit ng gadget. Maaaring humanap ng isang puwesto sa bahay o saan mang espesyo na komportable at tahimik na mabibigyan ng oras sa pagbabasa.
- Maaari ring iugnay ang pagbabasa sa pagkilos araw-araw. Halimbawa, habang nagkakape sa umaga o bago matulog. Kapag naging bahagi na ito ng routine, mas magiging natural ang pagbabalik sa pagbabasa ng libro.
- Magsimula sa maliit at kayang gawin. Huwag agad puwersahin na tapusin ang isang chapter o dapat ay isang oras matapos ito. Kahit lima hanggang sampung minuto lang bawat araw ay sapat na. Ang mahalaga ay sanayin ang sarili kaysa puwersahin ang sarili.
- Piliin ang librong gusto mo, isipin pa rin kung ano ang ikakatuwa ng sarili. Maaari balikan kung anong genre ang kinagigiliwan mo, kuwento, tula o sanaysay. Kapag interesado ka, kusa kang babalik sa pagbabasa ng libro.
Sa gitna ng ingay ng mundo, mahalagang mabigyan ng panahon ang sarili ng espasyo upang makahinga kahit sandali lang.
At sa pagbabasa ng pisikal na libro, hindi lang karagdagang kaalaman ang maaari matulong nito bagkus ay mas nagiging mapanuri ka sa impormasyon na hindi makukuha sa internet.
